BILANG BAHAGI NG “UNFILTER” SA 37th THEATER SEASON NG TANGHALANG PILIPINO
NAGKAROON ng pormal na paglulunsad ang mga nakalatag na programa ng Tanghalang Pilipino (TP), ang theater company ng Cultural Center of the Philippines (CCP), para sa 37th Theater Season nito noong Agosto 10, 2023 sa Mabuhay Tea House, isang bagong restaurant sa kahabaan ng Vito Cruz, Manila. Wala pang opisyal na pagbubukas ang Mabuhay Tea House pero in-accommodate na nila ang media launch at presscon ng Tanghalang Pilipino.
Ayon kay Nanding Josef, ang artistic director ng TP, napapanahon ang paksa nilang ‘Unfilter’ para sa tatlong produksiyon na napili nilang muling itanghal. Sa panahong ang lahat yata ay sinasala o pini-filter na – mula sa litratong kinuha mula sa ating mga mobile phones at hanggang sa mga mahahalagang bagay na itinatatago sa atin, mahalagang may mga produksiyong pang-teatro na sumasalamin sa katotohanan. “Ang 37th theater season ng Tanghalang Pilipino ay hindi para i-censor o i-edit ang mga kuwentong gusto nating maipaabot sa iba,“ sabi pa ni Nanding Josef.
“Ilantad kung ano ang katotohanan,” ‘yan din ang paliwanag ni Marco Viana, ang associate artistic director ng TP. “Dahil sa nangyari sa eleksiyon noong 2022, nais gamitin ng TP ang tatlong produksiyong ito to present and uncover the truth,” dagdag pa niya. “Ang napiling tatlong palabas ay tungkol sa buhay at karanasan ng mga kabataan. At magamit sana nila ang kanilang kakayahan upang ilantad ang totoo.”
Naanyayahan akong dumalo bilang manunulat ng isa sa tatlong produksiyon na itatanghal nila para sa taong 2023-2024. Bilang awtor ng kuwentong “Sandosenang Sapatos,” na hinalaw bilang isang musical ng theater veteran na si Dr. Layeta Bucoy mula sa aking aklat pambatang may ganoon ding pamagat, nakatutuwang napasama ulit ito sa muling pagtatanghal ng Tanghalang Pilipino. Nakaplano itong ipalabas sa Tanghalang Ignacio Gimenez (CCP Black Box Theater) mula Nobyembre 17 hanggang Disyembre 3 sa direksyon ni Jonathan ‘Tad’ Tadioan.
Tatlong produksiyon ang itatanghal ng TP. Lahat ay swak o akma sa tema nitong ‘Unfilter.’
Una rito ay ang “Anak Datu,” na hinalaw ng Palanca award-winning playwright na si Rody Vera at ididirek ni Chris Millado, ang dating artistic director, ng CCP. Ang maganda sa produksiyong ito ay magtatampok sila ng mga artistang pang-teatro na mula sa Mindanao. Dito sa Anak Datu, nanggaling sa Jolo, Sulu, ang naturang bida: si Ramli Abdurahim. Kapartner niya rito ang napakahusay na aktes at alumna ng Actors’ Company na si Tex Ordonez-de Leon (na may dugong Tausug).
Ang pangalawang produksiyon ay ang “Pingkian: Isang Musikal” na isinulat ng playwright na si Juan Ekis sa maingat na paggabay ng ating Pambansang Alagad sa Sining na si Virgilio Almario. Tungkol ito sa buhay ni Emilio Jacinto, ang itinuturing na Utak ng Katipunan. Ang ‘pingkian’ ay ang sinasabing alyas ni Jacinto noong aktibo siya sa Katipunan. Bibihira ang mga produksiyong gaya nito na nagtatampok sa buhay ng iba pang bayani bukod kina Jose Rizal, Andres Bonifacio, at Apolinario Mabini. Gaganap bilang Emilio Jacinto ang theater at TV personality na si Vic Robinson kapartner si Gab Valenciano na gaganap bilang Catalina de Jesus. Sa direksiyon ni Jenny Jamora, ang rock musical na ito ay itatanghal sa Marso 1-24, 2024 .
Pangatlong alay ng Tanghalang Pilipino ay ang musical adaptation ng Sandosenang Sapatos, isang popular na aklat pambata na sinulat ng inyong lingkod at iginuhit ni Beth Parrocha (at inilathala ng Hiyas ng OMF Literature). Una itong itinanghal bilang musical ng Tanghalang Pilipino noong 2013 sa Tanghalang Huseng Batute ng Cultural Center of the Philippines. Ilang ulit din itong nagkaroon ng ‘rerun’ nang sumunod na taon. Natatandaan ko rin na naging opisyal na lahok ito ng TP sa International Theater Olympics na ginanap sa Beijing, China. Nagpunta ang buong cast ng Sandosenang Sapatos musical sa Beijing nang taong ‘yun. Ayon sa kanilang salaysay, ibinigay lamang nila ang buod ng kuwentong Sandosenang Sapatos sa Chinese audience. Pero ang nakapagtataka, hindi raw nag-walkout ang naturang audience kahit nasa wikang Filipino ang mga awit sa naturang musical.
At ngayong ikasampung taon nang pagpapalabas ng Sandosenang Sapatos bilang isang musical sa TP, muli itong nagbabalik sa entablado. Ang musika ay gawa nina Noel Cabangon at Jed Balsamo.
Aaminin kong napakahusay ng napiling dalawang ‘Susie’ nang marinig ko silang umaawit ng ilang linya sa mga produksiyong ito: sina Felicity Kyle Napuli at Wincess Jem Yana. Mapalad akong nakilala ko sila sa launch ng Sandosenang Sapatos. Sinasabing marami rin daw na followers sa social media ang dalawang mahuhusay na kabataang ito. Sila ang magpapalitan (mag-a-alternate) sa papel ni Susie.
Matapos magpakita ng mga excerpts mula sa tatlong produksiyon, tinawag ang creative team ng bawat produksiyon sa harap para sa isang open forum. Suot naming lahat ang opisyal na T-shirt ng Tanghalang Pilipino na may nakasulat na ‘Utak. Puso. Bayan.’ Ito ang waring gumagabay sa TP sa kanilang paglikha at pagtatanghal ng mga makabuluhang content sa entablado. Nagkaroon din ng pagkakataon ang members of the press at mga vloggers-influencers na makapagtanong.
“Rerun po ba o restaging ang mga palabas na ito?” paglilinaw ng isa sa mga press people na nandoon.
Maagap na sinagot ito ni Chris Millado na ang kanyang idinerehe na ‘Anak Datu’ ay improved version nang nagdaang pagtatanghal ng Anak Datu (bago pa nagsara ang CCP para sa kinailangan nitong repair). “Patuloy ang pagpapaganda o pagpapaunlad ng produksiyong ito sa muli’t muli nitong pagtatanghal,” gayon ang paliwanag ni Chris. “Version 2.0 ito,” sabi pa niya.
Tangkilikin sana natin ang tatlong offering na ito ng Tanghalang Pilipino lalo ngayon na unti-unti nang bumabalik sa normal ang lahat.