25.7 C
Manila
Biyernes, Disyembre 27, 2024

Ang Kurikulum

REMOTO CONTROL

- Advertisement -
- Advertisement -

(Salin ng mga siping bahagi ng Tuesdays with Morrie)

ANG huling klase sa buhay ng aking matandang propesor ay nangyari minsan isang linggo sa kanyang bahay, sa may bintana ng kanyang silid-aklatan kung saan nakikita niyang nalalaglag ang mga dahong mula sa isang maliit na gumamela. Nagkikita ang klase tuwing Martes. Nagsisimula ito pagkatapos ng almusal. Ang subject ay “Ang Ibig Sabihin ng Buhay.” Itinuro ito mula sa karanasan.

Walang ibinigay na mga grado, pero may oral exam linggu-linggo. Inaasahan kang makasasagot sa mga tanong, at inaasahan ka ring may dalang mga tanong. Kailangan mo ring gumawa ng mga pisikal na bagay minsan-minsan, tulad ng pagtaas ng ulo ng propesor sa isang mas kumportableng bahagi ng kanyang unan, o paglalagay ng kanyang salamin sa gitna ng kanyang ilong. May ekstra kang puntos kapag hinalikan mo siya bago ka magpaalam.

Walang ipinabasang mga libro, pero marami kaming pinag-aralan, tulad ng pag-ibig, trabaho, komunidad, pamilya, pagtanda, pagpapatawad, at sa bandang dulo, kamatayan. Ang huling lektyur ay maigsi, ilang mga salita lamang.

Sa halip na pagtatapos ng mga estudyante ay nagkaroon ng libing.


Kahit walang ibinigay na huling pagsusulit, inasahan kang susulat ng isang mahabang papel tungkol sa iyong natutunan. Ang papel na iyan ay ito.

Ang huling klase sa buhay ng aking matandang propesor ay may iisang estudyante lamang.

Ako ang estudyante.

***

- Advertisement -

Mga huling araw ng tagsibol nang 1979, isang mainit, malagkit na hapon ng Sabado. Daan-daan kaming nakaupo, tabi-tabi, sa mga natutuping mga silya sa pinakasentrong bahagi ng kampus. Suot naming ang botang bughaw na gawa sa nylon. Walang pasensiya kaming nakikinig sa mga talumpati.

Nang matapos na ang seremonya, ibinato naming ang aming mga graduation caps sa hangin, at opisyal na kaming nagtapos ng kolehiyo, ang senior class ng Brandeis University sa lunsod ng Waltham, Massachusetts. Para sa marami sa amin, bumaba na ang kurtina sa aming pagkabata.

Maya-maya lamang, nahanap ko si Morrie Schwartz, ang paborito kong propesor, at ipinakilala ko siya sa aking mga magulang. Maliit siyang lalaki na maliliit din ang mga hakbang, na para bang kapag dumaan ang malakas na hangin, ano mang oras, ay bigla na lang siya nitong ililipad sa mga ulap. Sa kanyang academic gown sa araw ng pagtatapos, mukha siyang pinaghalong propeta mula sa bibliya at duwende ng Kapaskuhan.

Kumikinang ang kanyang bughaw-berdeng mga mata, manipis na pilak na buhok na dumudulas sa kanyang noo, malalaking mga tainga, ilong na hugis triyanggulo, at abuhing kilay. Kahit na tabingi ang kanyang mga ngipin at ang mga nasa baba ay nakauka paloob —na para bang sinuntok ito ng isang tao para pumaloob — kapag ngumiti siya’y parang kasasabi mo pa lamang ang unang papuri sa mundo.

Sinabi niya sa aking mga magulang na kinuha ko ang lahat ng mga subject na itinuro niya. “Espesyal ang anak ninyong ito.” Nahihiya akong yumukod, nakatingin sa aking mga paa. Bago kami umalis, iniabot ko sa aking propesor ang aking regalo, isang kayumangging briefcase na may initials niya sa harapan. Binili ko ito sa isang shopping mall kahapon. Ayaw ko siyang makalimutan. Siguro’y ayaw ko ring makalimutan siya.

“Mitch, isa ka sa mga mahuhusay,” sinabi niya, habang hinahangaan ang briefcase. Pagkatapos ay niyakap niya ako. Naramdaman ko ang mapayat niyang mga kamay sa aking likod. Mas matangkad ako sa kanya, at nang niyakap niya ako, naalangan ako, mas tumanda, na parang ako ang magulang at siya naman ang bata.

- Advertisement -

Tinanong niya kung susulat ako sa kanya, at mabilis kong sinabi na, “Siyempre po.”

Nang naglakad siyang paatras, nakita kong umiiyak siya.

***

(Basahin ang ikalawang bahagi sa susunod na Miyerkules)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -