28.7 C
Manila
Sabado, Nobyembre 30, 2024

Oil spill, matinding polusyon na hinarap ng bansa

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG polusyon ay isa lamang sa maraming suliranin sa kapaligiran at kalikasan na nararanasan sa kasalukuyan. Kasama rin nito ang ilegal na pagminina, pagkakalbo ng mga bundok, paggamit ng dinamita sa pangingisda, pagguho ng lupa, malawakang pagbaha, global warming at pagbabago ng klima.

Isang handout photo mula sa Philippine Coast Guard na kinunan noong Marso 2, 2023, mula sa oil spill sa Naujan, Oriental Mindoro. TMT FILE

At ang mga suliranin na ito kadalasan ay kagagawan na rin ng mga taong dapat na nangangalaga at pumuprotekta sa kalikasan at kapaligiran.

Ano nga ba ang polusyon? Ang polusyon ay ang pagpasok ng mapanganib na materyales o pollutant sa kapaligiran na maaaring natural tulad ng abo na ibinubuga ng mga bulkan o mga basurang nanggagaling sa mga pabrika o itinatapon ng mga tao sa kung saan-saan lamang. Ang mga pollutant na ito ang sumisira sa kalidad ng hangin, tubig at lupa.

Ang tubig ay nagiging polluted kapag ang mga mapaminsalang sangkap tulad ng mga kemikal o microorganism ay kumalat at nakahawa sa isang

sapa, ilog, lawa, karagatan, aquifer, o iba pang anyong tubig, na nagpapababa sa kalidad ng tubig at ginagawa itong nakakalason sa mga tao o sa kapaligiran katulad ng oil spill.


Katulad ng nangyari nang lumubog ang MT Princess Empress, isang oil tanker na pag-aari ng RDC Reield Marine Services at may dalang 800,000 litro ng industrial fuel oil mula sa SL Gas Harbor Terminal sa Limay, Bataan patungong Ilolilo.

Habang binabagtas ng MT Princess Empress sa karagatang sakop ng Naujan, Oriental Mindoro bandang alas-2 ng madaling araw nang makaranas ito ng malalakas na alon na naging sanhi upang ito ay unti-unting pumapailalim hanggang tuluyang lumubog dakong alas-8 ng umaga malapit sa Balingawan Point.

Ang 20 sakay ng barko ay nailigtas naman ng mga tauhan ng MV Efes na mabilis na tumugon sa distress call at dinala ang mga ito sa Subic, Zambales.

Kagyat namang ipinadala ng Philippine Coast Guard (PCG) ang BRP Melchora Aquino at isang Airbus helicopter upang mag-imbestiga at agad na nadiskubre ang may limang kilometro ang haba at 500 metro ang lapad na oil spill malapit sa nawasak na barko.

- Advertisement -

Noong Marso 1, lumawak ang oil spill sa humigit-kumulang anim sa apat na kilometro.  Inilarawan ng coast guard ang tumagas na langis na “maitim at makapal na may malakas na amoy.”  May mas manipis na mga particle din ang langis kumpara sa diesel fuel mula sa tanker, na nagdulot ng naunang oil spill.

Maraming grupo na ang dumating para tumulong na mapigilan ang paglawak ng oil spill kabilang ang MTUG Titan, isang tugboat na may dalang oil spill recovery equipment. Tumulong din ang mga miyembro ng Marine Environmental Protection Unit (MEPU) ng PCG, Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR, at Malayan Towage and Salvage Corporation (MTSC) na nag-spray ng mga oil dispersant.

Dahil patuloy pa rin ang paglawak ng oil spill, hiniling ng pamahalaan ng Pilipinas ang tulong ng U.S. National Response Team (NRT), isang samahan ng 15 federal agencies na nagbibigay ng gabay, tulong, at mapagkukunan para sa pamamahala ng mga insidente ng polusyon.

Ang Office of Response and Restoration (OR&R) ng National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA) ang kumakatawan sa NOAA sa NRT.

Ayon sa pahayag na nakalathala sa website ng NOAA, kasama sa kahilingan ng gobyerno ng Pilipinas ang mga eksperto sa oil spill at Incident Command team, at satellite imagery para ipaalam ang oil spill monitoring at forecasting.

Sa pamamagitan ng pagpopondo mula sa U.S. Agency for International Development (USAid), dalawang oil spill response specialist mula sa OR&R ang sumama sa mga miyembro ng NRT na naka-deploy sa Manila, Pola, at Calapan, Oriental Mindoro noong Marso 17 upang suportahan ang ibang response team.

- Advertisement -

Epekto ng oil spill

Umabot ang oil spill sa 40 km mula sa Oriental Mindoro, na nakaapekto sa siyam na bayan, 108,000 indibidwal, 61 tourist sites, at nagdulot ng hindi bababa sa 122 katao ang nagkasakit. Isang pagbabawal sa pangingisda sa mga apektadong bayan ang idineklara ng gobyerno, na nakaapekto sa halos 18,000 mangingisda na umaasa sa dagat para sa kanilang pagkain at kabuhayan. Idineklara ring “unsafe for swimming” ang mga tourist destination gaya ng Puerto Galera matapos ang insidente.

Maging ang mga karatig lalawigan ng Mindoro gaya ng Batangas, Palawan, Antique at Romblon ay naapektuhan din.

Ang oil spill sa Oriental Mindoro ay nakaapekto sa mahigit 137,000 katao sa Mimaropa at Western Visayas, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa pahayag na inilabas noong Marso 11, sinabi ng DSWD na 30,042 pamilya, o 137,230 indibidwal, mula sa 121 barangay sa Mimaropa at Region 6 ang naapektuhan ng oil spill. Namahagi rin ang ahensya ng ₱10,985,250 halaga ng pagkain at non-food items sa mga apektadong pamilya.

Sa panayam ng ANC noong Abril 27, 2023, sinabi ni Environment Secretary Maria Antonio Yulo-Loyzaga na tinatayang aabot sa P7 bilyon ang pinsala sa kapaligiran dahil sa oil spill mula sa lumubog na oil tanker.

Ito ay dahil sa magkakalantad ng mga coral reef, seagrasses, mangroves at mga isda sa tumagas na langis.

Mga resolusyon

Noong Hunyo 17, inanunsyo ng Philippine Coast Guard ang pagkumpleto ng oil removal at recovery operations sa Naujan, Oriental Mindoro.

Hulyo 20, sinabi ng pamahalaang lalawigan ng Oriental Mindoro na inalis na ang lahat ng pagbabawal sa pangingisda sa lalawigan, kabilang ang natitirang bayan ng Pola, na pinakamatinding tinamaan ng oil spill.

At nitong Agosto 2, pormal nang nilagdaan ang Joint Resolution for the Termination of the Oil Spill Response sa Oriental Mindoro sa pagitan ng Pamahalaang Panlalawigan, pambansa at lokal na ahensya, at mga pribadong organisasyon.

Nagkasundo rin sina PCG Incident Commander Geronimo Tuvilla at Oriental Mindoro Governor Humerlito ‘Bonz’ Dolor na patuloy pa rin ang pagtulong ng gobyerno sa mga apektadong indibidwal para makabangon.

Ayon sa pinakahuling tala ng PCG, ang pinagsamang pwersa ng pribado at pampublikong sektor ay nagtalaga ng 893 responders upang harapin ang insidente ng oil spill. Mula sa bilang na ito, 417 ay mula sa PCG, habang 211 ay mula sa AFP, PNP, at iba pang ahensya; 232 mula sa Harbour Star Shipping Services, Inc., at 34 na lokal na boluntaryo

Umabot sa P568,070,016.49 ang tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng iba’t ibang programa nito tulad ng Emergency Cash Transfer (ECT), Cash for Work Programs (CFW), Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), at Sustainable Livelihood Program (SLP). Nagbigay rin ang DSWD ng 140,000 Family Food Packs (FFPs) sa buong lalawigan.

Bukod dito, 19,892 indibidwal ang patuloy na nakikinabang sa Tulong Panghanapbuhay para sa ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad) Cum Production and Skills Training program ng Department of Labor and Employment (DoLE) at Technical Education and Skills Development Authority (Tesda).

Samantala, para masuportahan ang mga mangingisda sa lalawigan, nagbigay ng tulong ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagkakahalaga ng P60,308,393.50 sa pamamagitan ng iba’t ibang interbensyon at programa.

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -