25.7 C
Manila
Biyernes, Enero 3, 2025

Agawan sa teritoryo sa South China Sea, paano mareresolba?

- Advertisement -
- Advertisement -

Unang bahagi

MATAGUMPAY na nakapagsagawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Martes, Agosto 22, ng rotation and reprovision (RoRe) mission sa Ayungin (Second Thomas) Shoal sa the Kalayaan Island Group (KIG), Palawan matapos ang bigong operasyon noong Agosto 5.

Isang China Coast Guard vessel ang nagpaulan ng water canon sa resupply ship ng Pilipinas dito sa larawang ito ng Philippine Coast Guard. Larawan mula sa PNA

Sa kabila ng pagharang at pangha-harass ng Chinese Coast Guard sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas, naging matagumpay ang pagdadala ng mga probisyon sa mga sundalong nakaistasyon sa  BRP Sierra Madre.

Ayon sa kay Col. Medel Aguilar na tagapagsalita ng AFP, ang Ayungin Shoal ay may estratehikog importansya sa Pilipinas at ito ay lugar ng pangisdaan nga mga mangingisdang Pilipino.

Idinagdag pa ni Aguilar, “the RORE mission to the shoal is a clear demonstration of our resolve to stand up against threats and coercion, and our commitment in upholding the Rule of Law.” (“Ang misyon ng RORE sa shoal ay isang malinaw na pagpapakita ng aming determinasyon na manindigan laban sa mga pagbabanta at pamimilit, at ang aming pangako sa pagtataguyod ng Rule of Law.”)

At sa pagdepensa ng Pilipinas sa mga maritime zones nito, sinabi ni Aguilar na ito ay apirmasyon nang pagsuporta ng bansa sa mapayapang paraan ng pagresolba sa agawan sa teritoryo sa South China Sea.

Nanawagan pa siya sa mga partidong sangkot na sundin ang kanilang obligasyon sa international law at irespeto ang soberanya at hurisdiksyon ng Pilipinas sa maritime zones nito.

Matatandaan na noong Agosto 5, hinaras ng Chinese coast guard at iba pang puwersa ng Tsina ang mga bangkang dapat sana ay magdadala ng suplay sa BRP Sierra Madre na nakasadsad sa Ayungin Shoal. Itinigil ang resupply mission dahil sa pambobomba ng tubig ng Chinese coast guard.

Nasa balag ng alanganin ang Pilipinas sa gitna ng umiinit na tensyon sa West Philippine Sea o ang katubigang sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa. Ang isinawagang RoRe mission ay hindi ang huling misyon hangga’t ang Pilipinas ay may nakadeploy na mga sundalo sa bahaging iyon ng West Philippine Sea sa paggiit nito sa kanyang soberanya.

Ang South China Sea ay isa sa mga pinakatensyonadong rehiyon sa daigdig kagaya ng Korean Peninsula, Persian Gulf, Africa at Europa. Kasalukuyang nagaganap ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine at wala pa rin indikasyon kung kailan magtatapos.

Magreresulta kaya ang girian sa aktuwal na putukan at paggamit ng dahas o pareresolba ito sa mapayapang paraan? At mapagkakasunduan kaya ng China at Asean sa isang binding na Code of Conduct sa South China Sea?

(Sundan ang ikalawang bahagi sa Agosto 29)

 

 

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -