27.8 C
Manila
Huwebes, Enero 16, 2025

Kasaysayan ng agawan sa teritoryo

Ikalawang bahagi ng artikulong Agawan sa teritoryo sa South China Sea, paano mareresolba?

- Advertisement -
- Advertisement -

AYON kay Atty. Jay Batongbacal ng UP College of Law, Institute of Maritime Affairs and Law of the Sea, ang Spratlys ay hindi inokupa ninuman hanggang noong 1930s bago sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Makikita sa file photo na ito ang mga personnel ng Philippine Coast Guard at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na nagsasagawa ng maritime exercises sa West Philippine Sea noong Abril 24, 2021. Larawan mula sa Philippine Coast Guard

Ang US, na sakop noon ang Pilipinas ay nanatiling neutral pagdating sa usapin sa Spratly Islands ng mga panahong iyon.

Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kinuha ng Japan ang malalaking isla sa Spratlys, kasabay ng pananakop nito sa malaking bahagi ng Asya kasama ng Pilpinas, Taiwan at iba pang mga bansa.

Pero dahil natalo sa giyera ang Japan kalaunan, isinuko nito ang naturang mga isla kasabay ng pagpirma sa isang peace agreement.

“Pero hindi niya sinabi na binibigay niya kahit kanino doon sa mga previous claimant. So, bale ang posisyon ng Pilipinas diyan ibig sabihin since walang pinagsaulian noong mga isla na iyan open uli siya para sa ibang bansa na i-acquire, na kunin o angkinin,” sabi ni Batongbacal.


May mga pribadong mamamayan na umangkin sa mga isla doon kagaya nila Morton Meads, isang dating GI ng US na nagtayo ng negosyo Maynila.

Ang iba pa ay ang magkapatid na Tomas at Filemon Cloma na may-ari noon ng isang malaking fishing fleet na nakabase sa Bohol. Noong 1956, nagdesisyon si Tomas Cloma na angkinin ang mga isla para sa sarili niya, o kinlaim (claim) niya bilang sarili niyang lugar o teritoryo.

Kalaunan, inangkin ng Taiwan ang nasabing parte ng Spratlys at pinalayas si Cloma. At simula nang nagtayo ng garrison ang Taiwan sa pinakamalaking isla ng Itu Aba ay tumahimik ang mga nag-aangkin at walang gumalaw hanggang 1960s.

Ang Pilipinas ay nagdesisyon na angkinin ang mga natitirang isla at nagtayo sa Pag-asa, Lawak, at sa Patag, na mga isla na okupado natin ngayon, o iyong mga naturally formed islands.

- Advertisement -

Kasunod noon ay nagsimula ring mag-okupa ng teritoryo ang ibang bansa kagaya ng Vietnam at Malaysia at ang pinakahuli ang Tsina. Ang totoo wala nang inabutang isla ng Tsina kaya mga bahura na lang ang tinayuan nito.

“Now, so iyon iyong pinagsimulan niyan. Bakit kini-claim ng China iyan, kasi noong 1947 matapos noong giyera nagtuloy iyong civil war sa China nahati sila between the communist at saka the Kuomintang. Iyong Kuomintang natalo ng communist na-take over ng communist iyong mainland China tapos iyong Kuomintang Party nag-retreat sa Taiwan,” sabi ng akademiko mula sa UP.

Noong panahong iyon, dahil napansin na nila ang mga isla sa Spratlys doon nag-drawing ang Tsina ng orihinal na dash line map noong 1947. Pero ayon kay Batongbacal ang orihinal na linya ay 11 na kalaunan, ito ay naging nine-dash nine na lamang.

“So it’s actually an eleven-dash line map at that time. Pero dahil 1947 ito, wala pang UNCLOS (United Nations Convention on the Law of the Sea) nito wala pang masyadong usapan tungkol sa karagatan at that time, malinaw na ang kini-claim lang niya ay iyong mga isla,” pahayag niya.

Noong 2000, lahat ng mga bansa sa Southeast Asia ay nag-umpisa na mag-implement ng UNCLOS nang nagkabisa na ito noong 1994. Taong 2009, lahat ng maliliit na bansa sa Southeast Asia nagdesisyon sila na ia-align ang kanilang mga claim base sa international law.

“So, iyong Vietnam at saka iyong Malaysia nagkaroon ng isang claim para sa isang extended continental shelf, nilinaw nila bale claim nila ‘yung mga parte-parte—‘yung Vietnam, ‘yung mga isla ng Spratlys…” ayon kay Batongbacal.

- Advertisement -

“Iyong sa Malaysia ilang parte lang. Pero iyong katubigan base pa rin sa UNCLOS. Ang Pilipinas nag-enact noong RA 9522, sinabi natin sa RA 9522 na itong mga isla na ito… sa Spratlys natin, iyong Kalayaan Island Group base ‘yan sa—iki-claim natin iyan at saka iyong katubigan niyan base sa UNCLOS din.”

Kung ang mga bansa sa Southeast Asia ay gumagamit na ngayon ng international law na UNCLOS, kabaligtaran ang naging reaksiyon ng Tsina kasi nakita nito na kung base sa international law, naaayon sa batas at lehitimo ang mga claim ng mga Southeast Asian nations sa kanilang mga EEZ at continental shelf.

Ibenase ng Tsina ang kanyang claim sa South China Sea sa historic right, historic facts o historic waters na wala namang basehan lalo na kung UNCLOS ang gagamitin.

“Kasi sa UNCLOS, puwede mo lang gamitin ang historic rights/historic waters sa mga bay, bays and gulfs na talagang kinilala na historic waters. Eh iyong South China Sea never iyang kinilala ng historic waters ng China kahit ba iyong pangalan niya is South China Sea, hindi noon ibig sabihin na pag-aari ito ng China,” paliwanag ni Batongbacal.

Simula noon ay nagmatigas ang Tsina at nagpapalakas ng militar. Sa kasalukuyan ay gumagamit ito ng dahas sa lahat ng ibang mas maliliit na bansa kasama na ang Pilipinas sa pag-aangkin nito sa Spratlys.

“Lahat ng Southeast Asian nations naniniwala sa UNCLOS, naniniwala na ang paghahati-hati sa South China Sea dapat ay ayon sa UNCLOS – iyon din ang kinikilala ng buong mundo, na dapat iyong katubigan diyan hatiin ninyo in accordance with UNCLOS,” ayon pa kay Batongbacal.

(Tunghayan ang huling bahagi ng artikulong ito sa Agosto 30, 2023)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -