26.4 C
Manila
Sabado, Disyembre 14, 2024

Pakatotoo ka, Ginoong Pangulo

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -
HALOS iyan ang hamon na ibinato ng CHEd (Commission on Higher Education) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. nang isumite na nito kay Executive Secretary Lucas Bersamin ang dalawang magkahiwalay na mga sumbong ng korapsyon at iba pang mga iregularidad laban sa dalawang matataas na opisyal ng CHEd. Sa makakapal na dokumentong ibinigay sa kolum na ito upang mapag-aralan, lumilitaw na iba’t-ibang tiwaling gawain tulad ng maluhong paggastos, di-awtorisadong mga paglalakbay na nagsasangkot ng napakalaking paggastos, maling paggamit sa pondo, at paghirang at pagpapakilos ng mga tauhan na labag sa mga kinikilalang alituntunin ang isinampal kina CHEd Comissioners Aldrin Darilag at Jo Mark Libre ng iba’t-ibang akusador sa pangunguna ni Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) President para sa Camarines Norte, Norberto Villamin. Ang mga sumbong kasama ng mga ebidensyang dokumentaryo ay isinumite ni CHEd Chairman J. Prospero De Vera 3rd sa Pangulo sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin 3rd. Tungkulin na ngayon ni Bongbong na pagpasyahan ang kaso. Gaya ng isinasaad ni Chairperson De Vera sa kanyang liham ng pagsusumite sa kaso, ang mga commissioners ay mga presidential appointees kung kaya ang pagdisiplina sa kanila ay nasa tanggapan ng pangulo. “Dagdag pa rito,” wika ni  De Vera, “ang CHEd ay isang dikit na ahensya ng tanggapan ng Pangulo, kung kaya ang mga kontrobersiyang nagsasangkot sa matataas na opisyal ng CHEd ay direktang sasalamin sa tanggapan mismo ng presidente at maaring lumikha ng pagdududa sa kapwa natin mga tanggapan.”
Tila maliit na bagay lang ito, korapsyon ng dalawang opisyal ng eskwelahan na nagkataon lamang na nakapailalim sa superbisyon ng isang pangulong kailangang intindihin ang mas mabigat na mga alalahanin tulad ng tumataas na tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China dahil sa agawan sa West Philippine Sea.
,
 Subalit gaya ng sabi ni Mao Zedong, “isang kislap ay maaring magpasiklab sa kaparangan.” Kung ang mga pasubali ni De Vera ay di nalapatan ng wastong atensyon at sa gayon ay mahayaan ang mga tiwaling komisyuner na makapagpatuloy sa kanilang mga baluktot na gawain, maaaring magbunga iyun ng malawakang disgusto ng mga istudyante at kanilang mga magulang, at alam  na natin kung anong sakuna ang maaring ibunga ng ganung pangyayari.
Alalahanin ang First Quarter Storm ng mga 1970, nang sakupin ng mga istudyante ang kampus ng University of the Philippines at itinatag ang UP commune. Ang pag-aalsang iyun ay pinag-apoy ng mga isyung lokal tulad ng mataas na tuition fee at kalayaang akademiko. Subalit hinayaang makaalagwa, tumaas iyun bilang pagsasabuhay sa Paris Commune ng 1848, nang sakupin ng mga manggawa ang siyudad at ipinakita sa kauna-unahang pagkakataon ang larawan ng diktadurya ng proletaryado. Bago pa mamalayan ninuman, ang mga estudyante ay hindi na tumututol sa mataas na tuition at sumisigaw ng kalayaan akademiko kundi humihiyaw ng: “Ibagsak ang Imperyalismong Amerikano, piyudalismo at burukratang kapitalismo.
Isang kislap ay maaring makapagpasiklab ng kaparangan.
Ganyan itong dalawang kaso ng korapsyon laban sa dalawang commissioner ng CHEd.
Ang mga dokumentong patibay sa mga kaso ay sindami ng mga kasalanang ibinibintang.
Ganito ang isang akusasyon: “Paggamit ng pondo ng gobyerno bilang panggastos ng kanyang asawa at ng mga miyembro ng kanyang pamilya sa kanilang ilang beses na paglalakbay sa ibang bansa, at ganun din sa paulit-ulit na pagpapamasahe sa isang lalaking masahista sa  kanya namang mga paglalakbay paikot ng bansa, sinisingil lahat ng gastos sa pondo ng SUC (state universities and colleges).
“Sa isang pagkakataon,” wika ng isang akusador, “ang upa sa kwarto at mga kaakibat pang ibang gastusin ay umabot sa P162,500.00, lahat pinabayaran sa Bohol Island State University.
Kilala ko ang isang akusador, Erico  Bucoy, malapit na Tinyente ng namayapang Hepe ng New People’s Army (NPA) na si Rolando Kintanar. Konektado ngayon si Bucoy sa komite sa higher technical at vocational education ng senado. Pinaratangan ni Bucoy ang isa sa mga komisyuner ng korapsyon sa partikular na gawain ng Board of Regents (BoR) ng Cebu Technological University (CTU).
Ayon kay Bucoy, kulang ng nararapat na talakayan at nararapat na pamamaraang parlamentaryo sa mga miting ng BOR, at nagsasagawa ng mga pulong na hindi lamang walang nakahandang adyenda kundi ginawa pa ang ganitong mga pulong sa mga mamahaling hotel at venue. Pinuna ni Bucoy ang ugali ng komisyuner na pagbayaran sa CTU ultimong ang kanyang mga barong.
Ang mga paratang na inilalahad dito ay mga kasalanang ginawang magkakahiwalay ng dalawang komisyoner.
Si Aldrin Darilag, isang doktor, ay ang nakaupong chairman ng board of trustees ng Canarines Nirte State College (CNSC), samantalang si Jo Mark Libre ay chairman naman ng board of regents ng Bohol Island State University (BISU).
Subalit dahil kapwa ang dalawa ay mga kumisyuner ng CHEd, na isang ahensya ng gobiyerno sa ilalim ng tanggapan ng presidente, dapat patalsikin ang dalawa, dahil namumukod silang dungis sa pangulo na markadong pangungusap sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) ay: “Zero Corruption.” Ang pananatili ng dalawa sa kanilang mga pwesto ay nangangahulugan lamang na si Presidente Bongbong Marcos ay nagtalusira sa kanyang pahayag.
Lumilitaw sa kasong ito, dalawa lang ang pinagtalusiraan.Pero hindi. Naririyan ang anak ng isang sekretaryo ng gabinete na nahulihan ng 1000 kilo ng mataas na grado ng marijuana, binistahan sa napakabilis na paraan, at senintensyahan na walang kasalanan.
Papaano ang tungkol sa asawang napabantog na nasa likod ng pagiimbak ng mga batayang pagkain (bigas, asukal, sibuyas, kamatis) upang pataasin muna ang presyo nito at pagkakitaan ng tubo na singtaas ng langit?
Di kataka-taka na di mo na mabibili ang bigas ngayon sa presyong mas mababa sa 58 pesos, pataas pa. Pinakamataas sa aking 82-anyos na memorya. Kamakalawa, 54 pa iyun.
Zero corruption? Araykopo!
Gaano katindi mapaghihirap ng isang presidente ang kanyang mamamayan?
Nanawagan si Villamin sa presidente na patalsikin sina Darilag at Libre sa CHEd at hiniging alisin sa kanilang mga pwesto bilang mga chairperson ng kanya-kanyang SUC at ilipat sa ibang pwesto.
Hindi! Mabait yan. Hayaang tumugon si Bongbong sa hamon ng CHEd.
Pakatotoo ka sa sinabi mong zero corruption, Ginoong Pangulo.
Patalsikin mo sina Darilag at Libre sa tanggapang pampublpiko.
- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -