SINABI ni Senador Win Gatchalian na kailangang magsagawa ng isang strategic catch-up plan ang gobyerno na magbibigay-daan sa iba’t-ibang ahensya nito na gastusin nang mas mabilis ang kanilang mga alokasyon sa national budget upang palakasin ang ekonomiya.
Ang suhestyon ni Gatchalian ay kasunod ng mabagal na 4.3 porsyento economic growth na bunsod ng underspending ng gobyerno. Ang paggasta ng gobyerno ay bumaba ng 7.1 porsyento sa ikalawang quarter ng taon mula noong nakaraang taon.
“Mas maiintindihan natin kung ang mga naging balakid ay external factors tulad ng pagbagal ng paglago ng China o ang pagsalakay ng Russia sa Ukraine. Pero kung ang dahilan ay ang mabagal na paggasta ng pondo, pwedeng pwede nating itong magawan ng paraan dahil ang paggasta ay isang bagay na maaari nating makontrol. ‘Yun nga lang, hindi naman tayo gumagastos nang sapat at naapektuhan nito ang paglago ng ating ekonomiya,” aniya.
“Pinag-uusapan natin na itaas ang pondo ng national government ng 9 porsyento ngunit hindi naman natin ito ginagasta nang mabilis kaya apektado nito ang paglago ng ekonomiya,” ang sabi ni Gatchalian sa economic team sa nagdaang briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado.
Inusisa din ni Gatchalian ang plano ng gobyerno na humabol sa paggasta ng natitirang pondo ng bansa upang lumago ang lokal na ekonomiya ng humigit kumulang 6.6 porsyento sa ikalawang bahagi ng taon upang maabot ang 6 porsyento na target para sa buong taon na GDP expansion.
Bilang tugon, sumagot si Budget Secretary Amenah Pangandaman na mayroon nang inilabas na circular ang budget department na nag-uutos sa lahat ng ahensya ng gobyerno na magsumite pagsapit ng Setyembre 15 ngayong taon ng kani-kanilang plano para matugunan ang mga bottleneck at maabot ang kani-kanilang financial target para sa taon.
“Gusto nating itulak ang iba’t ibang ahensya na mas mabilis na magpatupad nito dahil ito ay nakakaapekto sa buong ekonomiya,” sabi ng senador sa Budget Secretary.
Napansin din ni Gatchalian ang pagkaantala sa mga pagbabayad na dapat gawin ng gobyerno, kabilang ang mga pagbabayad para sa mga unibersidad at kolehiyo ng estado.