NOONG Setyembre 5, 2023 ipinatupad ng pamahalaan ang Executive Order 39 (EO 39) na nagtatakda sa pinakamataas na presyo ng bigas upang mapatatag ang presyo nito. Sa kasalukuyan ang presyo ng regular na kiniskis na bigas ay naglalaro sa pagitan ng P42 hanggang P45 bawat kilo na halos 15 porsiyento ang itinaas mula noong 2022 kaya itinakda ng EO 39 ang presyo nito sa P41 bawat kilo. Samantala, ang presyo ng lubusang kiniskis na bigas ay itinakda sa P45 bawat kilo dahil ang presyo nito ay tumaas nang mahigit sa 20 porsiyento.
Samantala, may panukala rin sina Secretary Benjamin Diokno ng Department of Finance (DoF) at Secretary Arsenio Balisacan ng National Economic and Development Athority (NEDA) na pansamantalang ibaba o tanggalin ang kasalukuyang taripa na 35 porsiyento sa inaangkat bigas. Sa panukalang ito maipagbibili ang inangkat na bigas nang mura dahil wala nang idinagdag na taripa.
May mga benepisyo at sakripisyo ang dalawang alternatibong ito ng pamahalaan sa pagpapatatag sa presyo ng bigas. Ang benepisyo sa ilalim ng EO39 ay pagtatakda ng presyo sa mababang halaga at may parusa sa sinumang magbebenta nito sa mas mataas sa itinakdang presyo ng pamahalaan. Sa pag-aangkat ng bigas na hindi pinapatawan ng taripa, ang presyo ng bigas ay mabibili tulad ng presyo sa bilihang internasyonal na walang patong. Malinaw na ang mga mamimili ang makikinabang sa dalawang estratehiya ng pamahalaan sa pagpapatatag ng presyo ng bigas.
Tignan natin ang sakripisyo sa ilalim ng EO 39. Maaaring magkaroon ng kakulangan sa bigas. Dahil mura ang itinakdang presyo ng pamahalaan maeenganyo ang mga mamimili na bumili ng maraming bigas. Samantala, sa murang presyong ito tatabangan ang mga suplayer ng bigas at bababaan nila ang isusuplay nila sa bilihan dahil hindi kayang takpan ng itinakdang presyo ang kanilang gastos sa produksyon at pagproproseso ng palay upang maging bigas. Ang epekto nito ay mura nga ang bigas ngunit wala namang mabili sa palengke. Maaaring itong mauwi sa pagpila ng mga mamimili sa kaunting suplay ng bigas na naranasan din ng ating mga mamamayan noong administrasyon ng ama ng ating kasalukuyang pangulo.
Samantala, ang pagtatanggal ng taripa sa bigas ay may dalawang pangunahing sektor na papasan ng sakripisyo. Una, ang pamahalaan ay mawawalan ng kita sa pagtatanggal ng taripa. Kung ang presyo ng bigas sa Vietnam sa kasalukuyan ay nagkakahalaga ng P32.47 bawat kilo at pumapasok sa Pilipinas sa halagang PHP 43.83 dahil sa 35 porsiyento taripa, halos P40 bilyon ang tinatayang mawawala sa kaban ng pamahalaan sa pagtatanggal ng taripa. Ikalawa, ang mga magsasaka ng bigas ay papasan rin ng sakripisyo ng pagtatanggal ng taripa sa inaangkat na bigas dahil ang kita ng pamahalaan mula sa taripa sa bigas ay pinagkukunan ng pamahalaan upang tulungan ang mga magsasakang Filipino at paunlarin ang sektor ng agrikultura.
Lalo pang masasaktan ang mga magsasaka na nagtatanim ng palay at nagproproseso ng palay sa pagtatanggal ng taripa dahil haharap sila sa mababang presyo ng inaangkat na bigas. Kung ang kasalukuyang average na presyo ng regular na kiniskis na bigas ay P43.5 papaano sila makikipagtunggali sa presyong P32.47 ng murang inaangkat na bigas na walang taripa. Kaya may mga samahan ng mga magsasaka na humihiling sa pagtatanggal kina Diokno at Balisacan sa kanilang pwesto sa pamahalaan sa paghahain ng panukalang ito dahil talagang papatayin nito ang sektor ng pagtatanim at pagproproseso ng palay sa ating bansa.
Kung handang mawalan ang pamahalaan ng tinatayang P40 bilyon sa pagtatanggal ng taripa sa inaangkat na bigas tunay na pinahahalagahan ng pamahalaan ang pagpapatatag ng presyo ng bigas dahil ang presyo ng bigas ay may malaking epekto sa pagbabago sa pangkalahatang presyo ng mga bilihin o inflation rate. Baka naman ang talagang layunin nina Diokno at Balisacan sa panukalang ito ay pwersahin ang mga nagtatago ng bigas na ilabas ang bigas dahil mahirap silang makipagkomtensya sa murang inangkat na bigas. Kung ito ang mangyayari, hindi na kailangang mag-angkat ng maraming bigas at hindi ganoon kalaki ang mawawalang kita sa pamahalaan dahil tataas ang suplay ng bigas sa paglalabas ng itinatagong bigas ng ibang mangangalakal. Tignan natin ang kalalabasan ng panukalang ito. Ang tagisan ng pamahalaan at mangangalakal ng bigas ay dadaigin ang pananabik ng mga tagasubaybay ng mga telenobela.