MAY kabuuang 11,363 o 30.01 porsiyento ng 37,859 examinees ang nakapasa sa police examinations na isinagawa ng National Police Commission (Napolcom) noong Hunyo 17 at 18, 2023 sa 30 itinalagang testing centers sa buong bansa.
Ang anunsyo ay matapos ilabas ng Napolcom En Banc ang Resolution No. 2023-1056, na may petsang Setyembre 18, 2023, kung saan ay inaprubahan at pinahintulutan ang paglabas ng mga resulta ng PNP Entrance (PNPE) at Promotional Examinations.
Sa kabuuang bilang ng mga nakapasa, 5,641 ang pumasa sa PNPE Examination na kumakatawan sa 20.21 porsiyento ng 27,908 PNPE examinees, at ang pinagsamang 5,722 pumasa na bumubuo ng 57.50 porsiyento ng 9,951 in-service police officers na kumuha ng PNP Promotional Examinations.
Ang 5,722 pulis na matagumpay na nakapasa sa promotional examinations sa iba’t ibang kategorya ay ang sumusunod: Police Officer 1st Class Examination para sa Police Major at Police Lieutenant Colonel (60 pumasa); Police Officer 2nd Class Examination para sa Police Lieutenant at Police Captain (231 pumasa); Police Officer 3rd Class Examination para sa Police Master Sergeant, Police Senior Master Sergeant, Police Chief Master Sergeant at Police Executive Master Sergeant (3,099 pumasa); at Police Officer 4th Class Examination para sa Police Corporal at Police Staff Sergeant (2,332 pumasa).
Ang eligibility na ipinagkakaloob kapag pumasa sa PNPE Examination ay isa sa mga kinakailangan para sa appointment sa PNP bilang Patrolman/Patrolwoman, habang ang pagpasa sa kaukulang promotional examination ay kinakailangan para sa pagtaas ng ranggo.
Tinitiyak ng Napolcom sa publiko ang kahandaan nito, sa pamamagitan ng Police Examination System nito, na tuklasin at tugunan ang mga anomalya sa eksaminasyon gamit ang answer pattern analysis, at nagbabala rin sa mga examinees na iwasang gumawa ng anumang uri ng iregularidad, tulad ng pangdaraya, pagpapanggap, pagsisinungaling, o paglabag sa mga panuntunan sa pagsusulit, kung hindi, sila ay papatawan ng walang hanggang diskwalipikasyon sa pagkuha ng mga susunod na pagsusulit sa Napolcom.
Ang listahan ng mga nagtagumpay sa pagsusulit ay ipapaskil sa Napolcom One-Stop Shop (NOSS), 7th Floor, Napolcom Central Office na matatagpuan sa DILG-Napolcom Center, Napolcom Building, EDSA corner Quezon Avenue, West Triangle, Quezon City at maaaring matingnan sa Napolcom website sa www.napolcom.gov.ph. Ang indibidwal na Certificate of Eligibility o Report of Rating ay ipapadala sa pamamagitan ng koreo sa lahat ng mga kumuha ng pagsusulit. Ang sertipikasyon ng mga nagtagumpay sa pagsusulit ay maaaring ibigay kapag hiniling ng Napolcom Central at Regional Offices.