30.2 C
Manila
Linggo, Hunyo 16, 2024

Senado nakakalap ng suporta sa panawagan ni Gatchalian na paalisin ang mga POGO sa bansa

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG Senate Committee on Ways and Means, sa pangunguna ni Senador Win Gatchalian, ay nakakuha ng sapat na suporta para sa panawagan nito na paalisin na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa layuning mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa bansa at mapalago ang ekonomiya.

Nakakuha ng sapat na suporta para sa panawagan ni Senador Win Gatchalian na paalisin ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

“Isa itong mahalagang hakbang para mapigilan ang paglaganap ng krimeng nagmumula sa ilang kompanya ng POGO. Inaasahan natin na maabot ang ating layunin na mapanatili ang kaayusan sa bansa, na siyang magdudulot ng paglago ng ating ekonomiya,” ayon kay Gatchalian, pagkatapos nyang ihain ang Committee Report No. 136 na naglalaman ng rekomendasyon.

Sa nakalipas na ilang buwan, isinusulong na ni Gatchalian ang pagsasara ng mga POGO sa bansa at naninindigan ito na anumang kita na nakukuha sa industriya ay hindi katumbas ng napakalaking ginugugol ng gobyerno sa paglaban sa mga krimen na nauugnay sa mga POGO.

Ang committee report ay nananawagan para sa pagpapatibay ng isang resolusyon na humihimok sa executive department na itigil na ang operasyon ng mga POGO sa bansa. Ito ay naglalayong pangalagaan ang kapakanan ng mamamayang Pilipino at mapanatili ang paglago at pag-unlad ng bansa alinsunod sa mga repormang pang-ekonomiya ng administrasyon.

Sa ilalim pa rin ng committee report, hinihimok ni Gatchalian ang Department of Labor na maghanap ng alternatibong trabaho para sa mga Pilipino na nagtatrabaho sa mga POGO. Maaari silang makahanap ng trabaho sa industriya ng Information Technology Business Process Outsourcing (IT-BPOs) at manufacturing sa pamamagitan ng wastong koordinasyon.

Hinihimok din ng committee report ang Bureau of Immigration (BI) na kanselahin at bawiin ang mga working visa na ibinibigay sa mga dayuhang nagtatrabaho sa kumpanya ng POGO at ipatupad ang kanilang deportasyon alinsunod sa mga patakaran at regulasyon ng ahensya.

“Malinaw sa datos na ating nakalap nitong mga nakaraang buwan na ginagamit ng mga kawatan ang POGO para makapagsagawa ng mga krimen na kinabibilangan ng human trafficking, at iba pang investment tulad ng crypto-currency at love scam,” sabi ni Gatchalian.

Umabot na sa 4,355 ang kabuuang bilang ng mga biktima ng POGO-related crimes na may kabuuang 903 perpetrators mula Enero 2017 hanggang Hunyo 30 ng taong ito, batay sa inilabas na ulat ng Philippine National Police. Ayon sa PNP, ang mga krimeng nagawa sa mga naturang insidente ay kinabibilangan ng human trafficking, forcible abduction, homicide, illegal detention, kidnapping-for-ransom, theft, robbery-extortion, serious physical injuries, swindling, grave coercion, at iba pa.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -