ISANG bagong aklat pambata ang umagaw sa atensyon ko sa nakaraang Manila International Book Fair (MIBF) – ang Rene O. Villanueva’s Bum Tiyaya Bum na inilathala ng Tahanan Books for Young Readers. Isa itong koleksiyon ng Philippine Nursery Rhymes and Verses na maingat na tinipon ni Rene Villanueva noong siya ay nabubuhay pa. Si Rene Villanueva ay maituturing na isa sa haligi ng modernong panitikang pambata sa bansa. Mapalad akong naging kaibigan si Rene at masaksihan ang kanyang marubdob na pagnanais na maitampok ang kulturang Pilipino sa kaniyang mga aklat pambata. Masasabi kong malaki ang naging ambag ng kaniyang pagiging head writer at kalaunan ay creative director ng sikat na programang pambatang ‘Batibot’ sa telebisyon noong dekada ’80 sa kanyang pagbababad sa daigdig ng mga bata.
Napaka-prolific ni Rene. Nakasulat siya ng higit 60 aklat pambata, karamihan dito ay tumanggap ng Gantimpalang Palanca (Palanca Awards) bago pa man naisalibro ang mga ito. Pinakapaborito ko sa lahat ang aklat niyang ‘Ang Unang Baboy sa Langit’ na tumalakay sa kahalagahan ng pagiging malinis (cleanliness). At heto ang nakaaaliw sa kuwento, ang ginawa niyang bida ay isang biik na nagngangalang Butsiki na ipinanganak na ‘may tala sa noo at kumikinang ang kuko’ na nagreklamo sa kanyang magulang na baboy dahil marumi ang kanilang kural!
Marami ang nagbunyi nang makita ang aklat niyang Bum Tiyaya Bum. Muling nabuhay ang alaala ni Rene Villanueva sa aming lahat na nagmamahal sa kanya. May naiwan pala siyang manuskrito ng hindi pa nalalathalang koleksyon ng mga Pinoy nursery rhymes (mga tugmang pambata) na tinipon niya nang siya ay maging patnugot (editor) ng Tahanan Books for Young Readers publishing house. Lumipas ang maraming taon bago nalathala ang kalipunang ito. Saktong regalo ang aklat na ito sa kanyang alaala dahil Setyembre 22 ang kanyang kaarawan. Noong taong 2007, sumakabilang-buhay si Rene dahil sa karamdaman. Hindi na niya nakita pa ang pagkakalathala ng magandang aklat na ito na naging posible sa suporta ng publication grant na ibinigay ng National Book Development Board (NBDB) sa naturang publishing house.
“Napakaganda ng aklat na ito! Maganda ring ipangregalo!” pagmamalaking sabi ni Reni Roxas, ang publisher ng Tahanan Books. “Nangahas kaming tipunin ang magagandang nursery rhymes na mayroon tayo sa Pilipinas sa isang koleksyon. Bagama’t lumaki ang marami sa atin na binibigkas ang Mother Goose nursery rhymes, marami rin tayong magagandang tugmaan na kahit ang mga batang Filipino na lumaki sa ibang bansa ay tiyak na maa-appreciate,” dagdag pa ni Reni.
Ayon sa kanya, hindi isang scholarly o academic book ang aklat na ito na may anotasyon pa nang pinagmulan ng bawat isang tugmang pambata. Gusto lamang daw nilang magdulot ng aliw sa mga mambabasa. Hindi rin daw ito isang koleksyon na halos lahat ng tugmang pambata mula sa Luzon hanggang Mindanao ay nandito. Katunayan, ang nagtipon nito na si Villanueva ay laking-Maynila kaya karamihan sa nakalahok dito ay matatagpuan sa Luzon. Marami pa nga raw na mga tugmang pambata na matatagpuan sa iba’t ibang isla na hindi nakasali rito.
Nahahati ang aklat sa anim na bahagi. Ang una ay ang Mga Tugmang Pambata (Nursery Rhymes) na may 19 na lahok. Kabilang dito ang ‘Bata-Batuta,’ ‘Ako’y May Alaga,’ ‘Juan Tamban,’ at ‘Tutubi-Tutubi’ –
Tutubi, tutubi
Huwag kang pahuhuli
Sa batang mapanghi
Ang ikalawang bahagi ng aklat ay tungkol sa Mga Tugma sa Paglalaro at Pagbilang (Rhymes for Counting and Games) na may 14 na lahok. Ilan dito ay ang ‘Nanay, Tatay’ (Nanay, Tatay/ Gusto ko ng Tinapay/ Kuya, Ate/ Gusto ko ng kape/ Lahat ng gusto ko ay susundin ninyo/ Ang magkamali ay pipingutin ko). Dito rin nakabilang ang nursery rhyme na ‘Bum Tiyaya Bum’ na nagsilbing pamagat ng koleksyong ito:
Sasara ang bulaklak
Bubuka ang bulaklak
Daraan ang Reyna
Pakembot-kembot pa
Bum Tiyaya Bum,
Tiyaya Bum ye-ye!
Parang umaalingawngaw pa sa aking pandinig ang tinig ng aking mga kapatid na babae na sina Tess, Leah, at Mavee, na habang naglalaro ay kinakanta ang tugmaang ito noong bata pa kami at naninirahan sa bayan ng Talavera sa Nueva Ecija. Kasabay nang pagkanta o pagbigkas ng mga tugmang ito ay ang kaakibat na aksyon na may pagkembot ng baywang. Bum tiyaya bum, tiyaya bum ye-ye!
Sa ikatlong bahagi ng aklat matatagpuan ang Mga Tugmang Walang Saysay (o Nonsense Rhymes) na may walong lahok naman. Tiyak na mapapasabay ka sa akin kapag binanggit ko ang isang lahok dito na pinamagatang ‘Ulan, Ulan’ –
Ulan, Ulan
Pantay-kawayan
Bagyo, Bagyo
Pantay-kabayo
Mga Kantang Pambata naman ang kasama sa listahan ng ikaapat na bahagi ng aklat. Lahat halos ng lahok dito ay pamilyar sa atin: Leron, Leron Sinta; Penpen de Serapen; Paruparong Bukid; Sampung mga Daliri; Bahay-Kubo; Sitsiritsit; Pakitong-Kitong; Tiririt ng Maya; Magtanim ay Di Biro; Inday sa Balitaw, Meme na, Bunso; at Doon po sa Amin. Hindi ba’t lahat ng ito ay kinanta natin noong bata pa tayo? Posible ring habang binabasa n’yo ang pamagat ng mga ito ay naglalaro na sa isipan n’yo ang nilalaman ng mga kantang ito. O nakikikanta ka na rin?
A, kay sarap balikan ng ating kamusmusan!
Hindi rin kinalimutan ni Villanueva ang paglalagay ng Mga Bugtong (Riddles) para sa ikalimang bahagi ng aklat. Pambihira rin ang mga bugtong sapagkat pinag-iisip tayong mabuti para mahulaan ang isang inilalarawang bagay. Matatandaan na naglabas na rin dati si Villanueva ng dalawang koleksyon ng mga bugtong sa Tahanan Books noong araw. Pareho itong iginuhit ni Daniel Palma Tayona. Dalawa sa halimbawa ng mga bugtong na binanggit sa partikular na aklat na ito ay –
Suot ng buong batalyon
Ang nag-iisang sinturon
(Sagot: Walis)
Bahay sa Giringgiring
Butas-butas ang dingding
(Sagot: Basket)
At siyempre pa, sa pinakahuling bahagi ng aklat, Mga Kasabihan (Proverbs) naman ang inilagay ni Villanueva. Hanggang ngayon, ang mga kasabihang ito ay madalas pa rin nating naririnig sa ating mga kapamilya’t kakilala gaya ng –
Habang maikli ang kumot
Matuto kang mamaluktot
O kaya’y ito –
Aanhin ang bahay na bato
Kung ang nakatira ay kuwago
Mabuti pa ang bahay kubo
Kung ang nakatira ay tao
Napakahusay din ng mga guhit at kulay na inilapat ni Sergio Bumatay III sa bawat tugmang pambata sa mga pahina ng aklat. Sakto si Bumatay sa book project na ito sapagkat ang kanyang mga ilustrasyon sa iba’t ibang aklat pambata ay nagkamit na ng mga karangalan, kabilang ang National Children’s Book Award para sa isa pang aklat ng Tahanan Books – ang ‘Ay Naku!’ Si Bumatay ay naninirahan na ngayon sa Amerika.
Ayon kay Reni Roxas, 2011 pa nang simulan ni Bumatay ang paglalapat ng mga guhit. Ang resulta? Isang aklat ng Pinoy nursery rhymes na hindi lamang world-class ang guhit kundi timeless din. Hindi maluluma kahit lumipas pa ang maraming taon. At talagang naisaguhit ni Bumatay ang pagiging Pinoy sa bawat ilustrasyon. Sulit na sulit ang mga taon nang paghihintay!
Ang book designer na si Auri Asuncion Yambao ay naglaro rin sa pagdidisenyo ng aklat. Sa anim na bahagi ng aklat (batay sa paghahati sa tema ni Villanueva), nagtalaga siya ng magkakaibang color palette sa bawat bahagi. “Every book has its own beat. Listen to the beat,” iyan ang pagbabahagi ni Yambao sa proseso ng kanyang pagdidisenyo ng aklat. Pati ang pagpili ng font ng letrang gagamitin sa Filipino at English ay pinag-isipang maigi. “Good typography entices the readers to step inside the world of the book,” sabi pa ni Yambao na pumanaw na noong Oktubre 2022 (at di na nakita pang natapos ang aklat).
Bilingual ang aklat na ito. Nakasulat sa wikang Filipino at English. Si Villanueva ay kilala sa kanyang maririkit na akda sa wikang Filipino. Para sa pagsasalin sa wikang English, napunta ito kay Angela Narciso Torres na bagama’t ipinanganak sa New York ay lumaki naman sa Maynila. Ang layon niya sa pagsasalin ng tugmang pambata ay ‘to make the rhymes appear inevitable and fun to sing ang read aloud in English.’ Makata si Torres kaya maalam siya sa sukat at tugma at mabusisi sa naging proseso ng pagsasalin. Isa pa, sa dakong dulo ng aklat ay naglagay pa si Torres ng glosaryo ng literal na salin sa Ingles ng bawat tugmang pambata. Maganda rin itong tingnan.
Dahil wala na si Rene Villanueva, naanyayahang maging consultant sa wikang Filipino ang manunulat ng aklat pambata na si Dr. Eugene Evasco, na dati namang estudyante ni Villanueva sa UP Diliman. Masusi niyang nirebyu at ginawan ng proofreading ang orihinal na manuskrito ng kanyang namayapang guro. Kinailangan din niyang ayusin ang ilang lahok sa aklat.
Binanggit ni Rene Villanueva sa kanyang pasasalamat ang apat niyang anak na pawang mga babae: sina Patricia, Tanya, Paula, at Yasmin, na “tumulong sa pagtitipon ng mga tugmang-pambata mula sa kanilang mga kalaro at kaibigan.” Nagpaabot din si Villanueva ng pasasalamat “sa mga Batang Filipino, noon at ngayon, na siyang bukal ng malikhain, mapangahas, maririkit, at nakaaaliw na tugmang pambata.”
Ang Bum Tiyaya Bum ay isang napakagandang aklat ng tugmang pambata na dapat ay may kopya tayo, di lamang sa mga aklatan, kundi sa sari-sarili nating tahanan.