28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Saan nagkukulang ang Pilipinas sa pagpapaunlad ng yamang-tao?

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Hulyo 27, 2023 tinalakay ko sa kolum na ito (https://www.pinoyperyodiko.com/2023/07/27/opinyon/dami-at-kalidad-ng-yamang-tao/1910/) ang kahalagahan ng kalidad ng yamang tao sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng bansa. Ang paglawak ng kabuoang produksiyon ng isang bansa ay hindi lamang nakasalalay sa paglaki ng hukbong paggawa. Kailangan matataas din ang produktibidad ng mga manggagawa upang makapagambag sila nang malaki sa dami ng produksiyon ng isang ekonomiya. Sa kolum na ito ay tatalakayin ko ang iba’t ibang mukha sa pagpapaunlad ng yamang tao at ang ambag nito sa pagsulong ng isang ekonomiya. Una, ang paghubog ng tao bilang social capital. Ikalawa, ang paghulma ng tao bilang human capital. Ikatlo, ang paglikha ng tao bilang knowledge capital.

Ang social capital ay natutungkol sa mga katangian ng tao kasama ang asal, pagkilos nito at mga katangiang panlipunang nagpapatingkad sa kanyang pakikipagkapwa tao, pakikisangkot, pakikipagtulungan at partisipasyon sa mga samahan. Ang mga katangiang ito ay magagamit sa pagtatrabaho lalo na yaong nangangailangan ng pakikipag-ugnayan sa kapwa manggagawa. Sa pamamagitan ng social capital nagiging maayos ang pagsasagawa ng mga proseso ng produksiyon at distribusyon. Samantala, ang human capital ay mga kasanayan sa pagkilos, pag-iisip, at iba pang produktibong kasanayan at kaalaman na nagbibigay daan upang makapagtrabaho at mapataas ang kita nito sa hinaharap. Ang mga manggagawang malalawak ang human capital ay matataas ang produktibidad. Ang knowledge capital, ay natutungkol sa mataas na antas na kaalaman at kakayahan na nauuwi sa pananaliksik at paglikha ng mga bagong produkto, serbisyo, at pamamaraan sa pamamagitan ng inobasyon.

Sa mababa at mataas na paaralan nagsisimula at pinahahalagahan ang paghubog ng social capital lalo na ang pagbubungkal ng paggalang sa magulang, kapwa, lingkod bayan at alagad ng batas. Ito ay lalo pang pinalalakas sa mga kurso at gawain sa kolehiyo na nangangailangan ng pakikisangkot sa mga kamag-aral sa iba’t ibang proyektong akademiko. Ang paghulma ng human capital ay nakasentro sa kolehiyo kung saan ang mga estudyante ay pumipili ng aralin para paghandaan ang kanilang karera na magagamit pagkatapos ng pag-aaral. Ang knowledge capital ay nalilikha sa espesyalisasyon sa teknolohiya, pagdadalubhasa sa graduate school at masusing pananaliksik na lumilikha ng bagong kaalaman at inobasyon.

Saan nagkukulang ang Pilipinas sa tatlong mukha ng pagpapaunlad ng yamang tao? Ang paghubog ng social capital, kadalasan, ay hindi itinuturo bagkus ay ipinahihiwatig sa mga halimbawa at kilos ng guro. Ang guro ay nagiging huwaran ng mabuting asal at pakikisangkot sa mga gawaing panlipunan. Subalit sa dami ng estudyanteng tinuturuan ng mga guro lalo na sa mga pampublikong paaralan mahirap silang maging huwaran sa paghubog ng social capital dahil nakatuon sila pagtuturo ng pagbasa, pagsulat, pagbilang at agham. Bibihira sa mga guro sa mababang paaaralan ang nagiging huwaran sa dami ng ipinagagawa sa kanila sa loob at labas ng paaralan. Kadalasan, ang nakikita ng mga estudyante ay mga pagod, paos, at nagrereklamong guro sa lagay ng kanilang trabaho at kabuhayan. Sa ganitong sitwasyon mahirap ang maging huwaran. Ayokong sisihin lahat sa mga guro sa mababang paaralan ang mahinang social capital ng ating mga manggagawa at mamamayan. Malaki rin ang ginagampanan ng pamilya sa paghubog ng wastong asal ng kabataan.

Ang paghulma ng human capital ay nakasalalay sa kalidad ng mga programa sa kolehiyo.  Ang kalidad ng mga nagsipagtapos sa iba’t ibang kurso sa mahigit na 2000 kolehiyo at pamantasan sa bansa ay ipinakikita sa mababang porsiyento ng pumapasa sa mga pagsusulit na nagbibigay lisensya sa ating mga accountants, engineers, guro at iba pang propesyonal. Ayon sa Commission on Higher Education (CHEd) mababa pa sa  50 porsiyento ang pumapasa sa lahat ng mga pagsusulit sa paglilisensya sa iba’t ibang profesyon sa maraming taon.  Ang mababang resulta ay naglalarawan sa kalidad ng mga guro sa ating mga kolehiyo at pamantasan. Ayon sa CHEd halos 4 porsiyento ng mga nagtuturo sa mga kolehiyo at pamantasan ay natapos lamang na may digring batsilyer samantalang 40 porsiyento ang may digring masteral at 13 porsiyento lamang ang may doktorado noong 2015-2016.  Ang sitwasyong ito ay nanatili kahit may memorandum mula sa CHEd na naguutos na hindi maaaring magturo ang mga guro na walang digring masteral sa kolehiyo. Isa pang palatandaan ng mababang antas ng kalidad ng ating mga institusyong pangkolehiyo ay ang impormasyon na nagpapakita na halos 26.6 porsiyento lamang sa ating mahigit sa 2000 kolehiyo at pamantasan ay may akreditasyon.


Sa larangan ng knowledge capital, lalong kalunus-lunos ang kakayahan ng ating mga pamantasan na lumikha ng bagong kaalaman at teknolohiya. Iilan lamang sa 13 porsiyento ng faculty na may doktorado ang nagsasagawa ng pananaliksik. Lalong kaunti ang naglalahathala sa mga kinikilalang journal sa buong mundo kaya’t nahuhuli tayo kung ihahambing sa ibang bansa. Halimbawa, ang produksyon sa paglalahatla ng buong Pilipinas sa nakaraang 30 taon ay mas mababa pa sa produksyon ng pablikasyon sa mga Scopus journal ng National University of Singapore sa parehong panahon. Sa estado ngayon ng ating knowledge capital mahirap isulong ang paglikha ng bagong teknolohiya, produkto at serbisyo. Ito rin ang dahilan kung bakit palaasa ang bansa sa mga inaangkat na teknolohiya.

Sa harap ng mahinang kalidad ng social capital, human capital at knowledge capital ng Pilipinas ang pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon mula sa mababang paaralan hanggang graduate school ay dapat maging prayoridad ng ating mga lider kung hangad nilang sumulong nang mabilis ang ekonomiya ng bansa sa hinaharap.

 

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -