Marahil sasabihin ninyong hindi tama itong ginagawa ko. Makinig kayo, mga Israelita: Matuwid ang aking tuntunin, ang pamantayan ninyo ang baluktot. Kapag nagpakasama ang taong matuwid, mamamatay siya dahil sa kasamaang ginawa niya. At mabubuhay ang masamang nagpakabuti at gumawa ng mga bagay na matuwid. Dahil sa pagtalikod sa nagawa niyang kasamaan noong una, mabubuhay siya, hindi mamamatay.
Aklat ni Ezekiel 18:25-28
SA pitak natin noong Setyembre 22, naiwan ang tanong: Ano ang dapat nating gawin sa harap ng mundong lumilihis at tumatalikod sa Diyos? At hindi ito tanong para lamang sa nananampalataya.
Sa totoo lang, ayon sa ilang mistikong matindi ang pananalig at panalangin, magsisimula na ngayong Oktubre ang tinaguriang “tribulasyon” o kapighatian sa mundo, ang pitong taong ligalig at dusang magaganap bago bumalik si Hesukristo.
Sa Aklat ni Propeta Daniel, mga Ebanghelyo, mga Sulat ni Apostol San Pablo, at sa Aklat ng Pahayag, ang huling libro ng Bibliya, may mga bersong patungkol diumano sa Great Tribulation na sinasabing parusa at paggising sa sangkatauhang salat sa tiwala at talima sa Poong Maykapal (https://www.openbible.info/topics/the_great_tribulation).
Dusang hindi pa nararanasan
Sa mga Ebanghelyo nina San Mateo at San Marcos, mismong si Hesus ang nagbabala tungkol sa huling panahon bago siya bumalik sa daigdig na “sa mga araw na iyon, magdaranas ang mga tao ng matinding kapighatiang hindi pa nararanasan mula nang likhain ang sanlibutan hanggang sa ngayon, at hindi na mararanasan pa” (Mateo 24:21; Marcos 13:19).
Samantala, sa Aklat ng Pahayag, ang tinaguriang “pahayag ni Hesukristo na ibinigay ng Diyos sa kanya at kanyang inihayag kay Juan na alipin niya, sa pamamagitan ng anghel” (Pahayag 1:1), tinukoy ang kapighatian sa maraming bahagi, kabilang ang Kabanata 6-7, 12-17, 19 at 20.
Relihiyoso man o hindi, saklaw ang lahat ng kapighatiang ibinabala hindi lamang ng Bibliya, kundi ng Mahal na Birheng Maria sa mga pagpapakita sa La Salette, Pransiya, noong 1846; sa Fatima, Portugal, noong 1917; at sa Garabandal, Espanya, mula 1961 hanggang 1965. Parusa at paggising ito upang magsisi at magbagong-loob ang tao.
At sa Hunyong nagdaan, ayon sa paring taga-Brasil na may alyas na Padre Oliveira, nagpahayag si Maria na magsisimula ang panahon ng kapighatian sa Oktubre. Napabantog itong pari sa pangitain niya noong 2020 na mamamatay si Papa Emeritus Benito ika-16 sa 2022, at siya ngang naganap noong Disyembre 31.
Ayon sa artikulo ng Countdown to the Kingdom, na nag-uulat sa Internet tungkol sa huling panahon o end-times, sinabi ng Birheng Maria kay Padre Oliveira noong Hunyo (salin mula sa Ingles): “Mahal na anak, makinig ka nang mabuti: Sa Oktubre ng taong ito, magsisimula ang panahon ng malaking kapighatiang inihudyat ko sa Pransiya, Portugal at Espanya.
“Humanda ka higit sa lahat sa paraang espirituwal, sapagkat darating ang panahong ito nang walang pagputok, kundi unti-unti at marahang kakalat sa buong mundo. Titindi ang digmaang nagsimula na, gaya ng nakita mo. Magkakaroon ng tagtuyot, malalakas na bagyo at lindol sa maraming dako ng mundo.”
‘Ang tinig ko’y pakikinggan’
Kung totoong magkakaroon ng malaking kapighatian, ano ang dapat gawin? Sabi ni Maria kay Padre Oliveira: “Gamitin ang Medalyang Milagros amula ngayon at ipamahagi sa mga pinangangalagaan mo. … Ilagay ang medalya ni San Benito sa pinto, at huwag kalilimutang gumamit ng eskapularyo [suot ng mga deboto ng Banal na Puso ni Hesus at Birhen ng Bundok Carmen]. Bendisyunan ang kandila, langis at tubig.”
Higit sa lahat, sabi ni Maria, dapat magpakabanal, sumamba sa Banal na Eukaristiya at dasalin ang Rosaryo: “Sa pagsamba ng Eukaristiya, pagtitika at sakripisyo, kasama ang Banal na Rosaryo, mababago ang mga babalang banta. Magtika, mag-alay ng sakripisyo para sa katubusan ng mga kaluluwa, pagbabagong-loob ng mga makasalanan, at kabanalan ng kaparian. Tandaang batid ng Diyos ang lahat at hawak Niya ang lahat” (https://tinyurl.com/2s3zfeac).
Sa madaling salita, pag-ibayuhin natin ang malaon nang turo ni Hesus at ng ating Simbahan: manalig sa Diyos, magsisi sa pagkakasala, at manalig sa Magandang Balita ni Hesukristong Manunubos natin.
Ito rin ang pangaral ng mga pagbasang Misa sa mismong unang araw ng Oktubre, ang Ika-26 na Linggo ng Karaniwang Panahon. Wika ng Diyos mismo sa Aklat ni Propeta Ezekiel, sinipi sa simula, na dapat magpakabuti upang mabuhay, sapagkat Diyos ang pinagmumulan ng ganap at walang hanggang buhay.
Sa Salmong Tugunan (Salmo 24:4-9), dalangin natin: “Ang kalooban mo’y ituro, O Diyos, ituro mo sana sa aba mong lingkod; ayon sa matuwid, ako ay turuan, ituro mo, Poon, ang katotohanan; Tagapagligtas ko na inaasahan.” Panawagan naman ni San Pablo sa ikalawang pagbasa mula sa Sulat sa mga taga-Filipos (Filipos 2:1-11) na makiisa kay Kristo, sa Espirito niya at sa kapwang sinagip niya kasama natin sa pagiging tao, pagpapakasakit at pagkamatay.
At sa pagbasang Ebanghelyo mula kay San Mateo (Mateo 21:28-32) at sa naunang bersong Aleluya mula sa Ebanghelyo ni San Juan (Juan 10:27), atas ng Panginoon ang pagtalima sa tinig niya.
Pagsapit ng pighati, huwag sa Diyos mahahati.