28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Ang kampanya laban kay Bise Presidente Sara

TALAGA

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Marso, isang buwan matapos payagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. gamitin ng Estados Unidos (US) ang siyam na base militar natin, isinulat ko sa pahayagang The Manila Times na kikilos ang Amerika at mga Pilipinong politikong kakampi nito laban kay Bise Presidente (VP) Sara Duterte.

Mangyari, takot ang US bawiin ni VP Sara ang siyam na kampo ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas (AFP) kung hahalili siya pagwakas ng termino ni Marcos sa 2028. At pangamba rin ng Amerikanong buwagin ni Duterte ang kasunduang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Itong EDCA ang basehan ng pahintulot sa hukbong US gamitin ang siyam ng kampo ng AFP. Noong pamumuno niya, muntik nang kanselahin ng ama ni Sara, ang dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang Visiting Forces Agreement (VFA) na siya namang basehan ng EDCA. Mapapaso ang kasunduang EDCA sa Abril kung hindi ito pahabain pa hanggang 2034.

Sa halip ni Sara, mas ibig ng Amerikanong sumunod kay Marcos ang isa pang pinuno ng kampo niya, gaya ni Tagapangusap o Speaker Martin Romualdez ng Kamara de Representante, ang pinuno ng Lakas ng Bayan-Christian Muslim Democrats (Lakas-CMD), ang partidong may pinakamaraming mambabatas sa Kongreso.

Pihadong mas nangamba ang US kay VP Sara nang magbabala ang amang Duterte tungkol sa mga baseng ipagagamit sa Amerika. Sabi noon ng dating pangulo sa panayam niya kay Pastor Apollo Quiboloy na plataporma ng hukbong Amerikano sa Asya ang mga kampo natin, at “pauulanan ng missile” ang mga ito kung magkadigma ang US at China (https://tinyurl.com/4h8zyxsj).


Intriga sa Kamara

Unang senyal ng kampanya laban kay VP Sara ang intriga laban sa pangunahin niyang tagasuporta at tagapayo, ang dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Noong Mayo, inalis siya sa pagiging senior deputy speaker ng Kamara dahil sa huwad na paratang na balak niyang palitan si Speaker Romualdez.

Dahil sa intriga, kumalas si Sara sa Lakas-CMD, kung saan siya ang ginawang tagapamuno o chairman pagtakbo niya sa pagka-bise-presidente noong 2022. Tinuligsa niya ang “kasuka-sukang away-politika,” at agad nagkomento ang ilang kolumnista na maglalaban sa pagkapangulo sa 2028 sina Sara at Romualdez.

Mula noon, panay ang balita tungkol kay Romualdez na nakikisangkot sa mga suliraning bayan, gaya ng nagmamahal na bigas at nakawan sa paliparan ng Maynila. Sa galaw niya mapapagkamalan siyang presidente. Hindi kailanman nagbanta ang Pangulong Marcos ipasara ang isang bodega ng bigas, at wala pang opisyal na tahasang pinapagbitiw niya. Ngunit kapwa ito ginawa ni Romualdez.

- Advertisement -

Samantala, mukhang pinag-iinitan si VP Sara sa media at Kamara. Noon pang Marso, binansagan siyang “communist-inspired” ng artikulong lumabas sa Rappler, gayong masigasig siyang kalaban ng komunista. Sa katunayan, tinuligsa pa siya dahil diumano sa “red-tagging” o ang pagbubunyag ng mga taong may suporta o ugnayan sa mga rebeldeng komunista.

Pati yata ang International Criminal Court (ICC) may panira kay Sara. Bagaman hindi siya kalahok sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa droga, isinama ang VP sa mga pinunong Pilipino na iimbestigahan tungkol sa pagkamatay ng libu-libong tao noong digma laban sa droga.

Pinakabagong patama kay Sara ang pagbatikos ng mga kongresista sa pondong pang-intelihensiya o impormasyon ng mga ahensiya niya: ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd sa Ingles) at ang Tanggapan ng Pangalawang Pangulo (OVP).

Tinuligsa sa Kamara ang naulat na paggastos ng P125 milyon na intelligence fund ng OVP sa huling 11 araw ng nagdaang taon. May puna rin na labag sa Saligang Batas ang paglilipat ni Pangulong Marcos ng P250 milyon bilang pondong pang-intelihensiya ng OVP, gayong walang gayong alokasyon itong tanggapan.

Dahil dito, inalisan ng gayong pondo ang DepEd at OVP sa panukalang badyet ng 2024 na binabalangkas ng Kamara. Sa gayon, hindi lamang nagmukhang maanomalya ang Bise-Presidente. Nawalan pa siya ng pondong magagamit upang siyasatin ang mga pakana laban sa kanya at sa DepEd at OVP.

Girian sa 2028

- Advertisement -

Dala ng mga balitang bumibida ang Speaker samantalang binabatikos ang VP, hindi kataka-taka kung umangat ang porsiyento ni Romualdez sa mga survey o pagsusuri ng publiko at bumaba si VP Sara. Gayon ang nangyari kay Duterte sa Tugon ng Masa Survey ng grupong mananaliksik na OCTA, lumabas noong nagdaang linggo.

Bumaba ang grado nina Pangulong Marcos at VP Sara sa pagtatanong sa tao noong Hulyo kompara sa Abril, bagaman napakataas pa rin nila. Aprobado si Marcos ng 75 porsiyento ng sumagot sa survey, mas mababa ng 8 punto porsiyento, habang gumana ng 83 ang Bise-Presidente, mula 87 noong nagdaang tanungan.

Subalit walang pagbabago halos ang grado ni Romualdez: 55 porsiyento sa Hulyo mula 56 noong Abril. At pinakamataas pa rin si VP Sara sa mga pambansang pinuno, halos 30 puntos ang lamang sa Speaker.

Pero malayo pa ang 2028. Hindi hihinto ang nagnanais hadlangan ang pagwawagi ni Sara Duterte sa sunod na halalan ng pangkapangulo, lalo na ang nagsusulong ng mga base at kasunduang EDCA.

Sadyang hindi mapuwersa ng Amerika ang pamilyang Duterte, kaya ayaw nitong mamuno sa atin ang isa pa sa kanila.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -