29.5 C
Manila
Sabado, Enero 25, 2025

DoLE pinasalamatan pagsasabatas ng ‘Trabaho Para sa Bayan Act’

- Advertisement -
- Advertisement -

NAGPAHAYAG ng buong suporta ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa pagsasabatas ng “Trabaho Para sa Bayan Act,” na naglalayong tugunan ang mga hamon sa merkado ng paggawa sa pamamagitan ng paglikha ng master plan para sa paglikha at pagbawi ng trabaho.

Nilagdaan bilang batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong ika-27 ng Setyembre, ang Republic Act 11962 ang maglalatag ng pundasyon para sa Trabaho Para sa Bayan Inter-Agency Council, na pamumunuan ng Director-General ng National Economic and Development Authority (NEDA) at kasamang tagapangulo ang mga kalihim ng DoLE at Department of Trade and Industry (DTI).

Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Pangulong Marcos Jr. ang DoLE at NEDA na pagsamahin ang Labor and Employment Plan 2023-2028 at ang Trabaho Para sa Bayan Plan “upang matiyak ang epektibo at mahusay na pangangasiwa sa mga pagsusumikap ng pamahalaan.”

Samantala, ipinahayag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma ang kanyang paniniwala na ang inisyatibong ito ay mas makakalikha ng trabaho at oportunidad na pangkabuhayan para sa mga manggagawa at sa kanilang mga pamilya tungo sa pagkamit ng isang ‘Bagong Pilipinas.’

Ang Inter-Agency Council ang susubaybay at susuri sa pagpapatupad ng mga bahagi ng master plan.


Kasama rin dito ang iba pang ahensya tulad ng Technical Education and Skills Development Authority (Tesda), Department of Budget and Management (DBM), Department of Finance (DoF), Department of the Interior and Local Government (DILG); at mga kinatawan mula sa mga employer organization, labor group, marginalized sector, at ang informal sector.

Naglalaman ang master plan ng mga inisyatibo upang mapataas ang kasanayan ng mga manggagawa; isulong ang paggamit ng digital technology, partikular para sa mga MSME; at bigyan ng insentibo ang mga employer, industry stakeholder, at private partner na tutulong sa pagpapaunlad ng mga kasanayan, paglipat ng teknolohiya, at pagbabahagi ng kaalaman sa mga negosyo at manggagawa.

Inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang Inter-Agency Council at lahat ng kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang mabilis na pagbabalangkas ng implementing rules and regulations (IRR) ng batas.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -