SINABI ni Senador Win Gatchalian na mabilis nang magkakaroon ng pagkakataon ang ating migrant workers at senior citizens na mag-renew ng kanilang mga pasaporte, ngayong aprubado na ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill 2001 o ang New Philippine Passport Act.
Isa sa mga prayoridad na batas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang panukala ay nagbibigay ng awtorisasyon sa Department of Foreign Affairs (DFA) na payagan ang mga senior citizen at migrant workers na mag-renew ng kanilang mga pasaporte sa pamamagitan ng virtual na pamamaraan at hindi na kailangang pumunta pa sa anumang tanggapan ng Consular Affairs, ani Gatchalian, isa sa mga may-akda ng panukala.
“Binibigyan natin ng konsiderasyon ang kondisyon ng ating mga senior citizens at migrant workers para hindi na sila maabala pa sa pagre-renew ng kanilang passport. Tungkulin ng gobyerno na gawing maayos ang mga dokumento na kinakailangan ng ating mga kababayan para sa kanilang maayos na paglalakbay,” dagdag niya.
Sa ilalim ng panukala, ang DFA, sa pakikipagtulungan sa iba pang mga kaugnay na ahensya ng gobyerno, ay inatasan na magtatag at magpanatili ng online application portal at Electronic One-Stop Shop na madaling ma-access sa official website nito upang matiyak ang kaginhawahan sa proseso ng aplikasyon at pagkolekta at pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.
“Inasahan nating mas magiging madali at magiging maayos ang pagkuha ng pasaporte ng ating mga kababayan na nagtatrabaho sa ibang bansa at mga senior citizen kapag naisabatas ang panukalang ito,” nabanggit niya, at idinagdag na ang panukala ay nag-uutos sa pagpapalabas ng mga pasaporte gamit ang pinakabagong tamper-proof at mga teknolohiya sa data management .