SA nakaraang dalawang linggo naibalita sa mga pahayagan at social media na walang balak ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na itaas ang interest rate hanggang sa katapusan ng taon. Ayon kay Eli Remolona, ang gobernador ng BSP, hindi na kailangang itaas pa ang interest rate upang tugunan ang bumibilis na inflation rate dahil lumalawak na ang suplay ng mga pangunahing produkto na maaaring magpabagal na pagtaas ng pangkalahatang presyo. Subalit, ayon din kay Gobernador Remolona sa ibang balita, ipagtatanggol ng BSP ang eksternal na halaga ng piso upang hindi tumataas ang presyo ng US dolyar na lalagpas sa halagang P57 bawat US dolyar.
Ang dalawang balita at pahayag na ito ay masasabi nating magkasalungat. Upang mapanatili ang eksternal na halaga ng piso kinakailangang itaas ang interest rate nang maging atraktibo ang Pilipinas sa mga dayuhang negosyante na ilagak ang kanilang pondo sa ating bansa. Sa patakarang ito inaasahan na hindi na rin maglalabasan ang dayuhang pondo na nasa Pilipinas tungo sa ibang bansa, lalo na sa Estados Unidos, kung saan nagtataasan ang interest rate. Kung hindi gagawin ng BSP na itaas ang interest rate lalo pang bibilis ang depresasyon ng piso. Alam natin na kahit makabubuti sa mga exporter ang pagbaba ng halaga ng piso subalit ito rin ay magpapataas sa presyo ng mga inaangkat na maaaring mauwi sa pagtaas ng mga presyo ng bilihin sa loob ng bansa. Dahil binibigyan ng matinding pansin ng BSP ang mga negatibong epekto ng depresasyon ng piso, maipagtatanggol lamang ng BSP ang eksternal na halaga ng piso sa pamamagitan ng pagtaas ng interest rate.
Dahil nagiging makitid na ang puwang sa pagitan ng demand at suplay ng mga pangunahing produkto at hindi na nagbabadya ng pagtaas ng presyo, kayat nasasabi ng BSP na hindi sila ng magtataas ng interes rate hanggang matapos ang 2023. Subalit, dahil sa mga pangyayari sa labas na bansa, mapipilitang itaas ng BSP ang interest rate upang bumagal ang bilis ng depresasyon ng piso dahil umaabot na ang halaga ng US dolyar sa PHP 56.77 nitong mga nakaraang araw.
Bakit ayaw ng BSP na itaas ang interest rate kung ito ay tutugon sa pagpapabagal sa inflation rate at depresasyon ng piso? Ang dahilan ay ang mga kaakibat na sakripisyo sa pagpapataas ng interest rate. Nabanggit na sa mga naunang artikulo sa kolum na ito na ang interest rate ay presyo ng salapi. Samakatuwid, sa pagtaas ng interest rate nagiging mahal ang presyo ng salapi kasama na ang gastos sa mga transaksyon na magpapabagal sa mga transaksyon sa ekonomiya. Sa mataas na interest rate babagal ang paglaki ng iba’t ibang gugulin kasama ang pagkonsumo, pangangapital, guguling pamahalaan at netong eksports. Dahil dito, babagal ang paglaki ng ekonomiya. Sa kasalukuyan, maraming institusyong pananalapi at rating agency ang nagbaba na ng kanilang tinatayang porsiyento ng paglaki ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon at sa susunod na taon. Malaki ang implikasyon nito sa demand sa mga manggagawang Filipino. Totoo ngang magiging matatag ang presyo ng mga bilihin sa pagtaas ng interest rate ngunit marami sa ating mga manggagawa ay mawawalan ng trabaho dahil sa mataas na presyo ng mga transaksyon at matamlay na ekonomiya. Ang mga serbisyong ng pamahalaan ay maaari ding maapektuhan ng mabagal na paglaki ng ekonomiya. Una, dahil magiging mahal ang mga gastos sa mga transaksyon liliit ang kakayahang makapaglaan ito ng mga serbisyong publiko. Ikalawa, babagal din ang paglaki ng buwis na masisingil dahil sa mabagal takbo ng negosyo at ng buong ekonomiya.
Ang sitwasyong tinatalakay ay nagpapakita ng pangangailangan ng masusing pagtitimbang ng mga benepisyo at sakripisyo ng mga patakarang ipinatutupad ng pamahalaan. Ang bawat benepisyo ay may katapat na sakripisyo. Dapat alamin kung sino ang papasan ng mga sakripisyo. Kung ang mga maralita lamang ang papasan ng sakripisyo ng isang patakaran maaari silang bigyan ng tulong ng pamahalaan ngunit maaaring pang ipatupad ang patakaran. Bunga nito kapag ang mga ekonomista ay hinihingan ng payo ng pamahalaan, madalas nilang sabihin, sa unang banda at gamit ang kanilang kanang kamay ay itinuturo ang mga benepisyo. Sa kabilang banda, gamit ang kanilang kaliwang kamay ay itinuturo ang mga sakripisyo. Kaya may isang Pangulo ng Estados Unidos ang nagbilin sa kanyang tagapayo na bigyan siya ng isang tagapayong ekonomistang may isa lamang kamay. Mahirap talagang gumawa ng desisyon kung ang benepisyo lamang ang tinitignan. Kailangan sabayang timbangin ang mga benepisyo sa mga sakripisyo nito. Ang isang mahusay na namumuno ay kayang ipagtanggol ang mga kaakibat na sakripisyo ng isang patakaran ng pamahalaan kung ang buong lipunan naman ang makikinabang.