25.9 C
Manila
Lunes, Marso 4, 2024

Nursing grads na di pasado sa Board pasok na bilang Clinical Care Associates

UNANG BAHAGI

- Advertisement -
- Advertisement -

MAAARI nang magtrabaho bilang mga Clinical Care Associates (CCA) sa mga ospital ang mga nursing graduates kahit hindi pa sila pasado sa board exam.

Ito ay matapos lagdaan ang memorandum of Understanding (MoU) nitong Setyembre 28, 2023 na naglulunsad sa Clinical Care Associates (CCA) Upskilling Program na naglalayong matugunan ang kakulangan ng mga nars sa mga pribado at publikong pagamutan at matulungan ang mga nursing graduates na mas matuto upang makapasa sa board exams.

NIlagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang memorandum of Understanding (MoU) nitong Setyembre 28, 2023 na naglulunsad sa Clinical Care Associates (CCA) Upskilling Program na naglalayong matugunan ang kakulangan ng mga nars sa mga pribado at publikong pagamutan. TMT FILE PHOTO

Ang upskilling ay isang proseso ng pagtuturo sa empleyado ng karagdagang skill na angkop sa kanilang trabaho.

Matapos ang paglagda sa MoU, sinabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa kanyang talumpati, ang kahalagahan na matugunan ang kakulangan sa healthcare system ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay oportunidad sa mga nursing underboard graduates bilang clinical care associates.


“And as a very simple explanation, it allows…those nursing graduates who have taken their boards and have not been able to pass the board this time will be allowed to work nonetheless if they can establish their competencies in certain subjects of the nursing curriculum. And that way, they can get to work immediately,” (“Sa simpleng paliwanag, ito ay magbibigay pahintulot sa mga nakatapos ng nursing na kumuha na ng board pero hindi nakapasa na makapagtrabaho pa rin kung mapapatunayan nila ang kanilang kakayahan sa partikular na aralin ng nursing curriculum. Sa ganong paraan, mas madali silang makakapagtrabaho,”) ayon sa Pangulo.

Sa isang panayam, sinabi ni Jericho Bagacina, isang underboard nursing graduate, na isa itong magandang oportunidad sa mga kagaya nya. Aniya, base sa kaniyang karanasan noong sya ay  nag-aaral pa at ganon di sa mga kuwento ng kaniyang mga kaklase, mas natuto sila nang sila ay nasa field na.

“Mas maiintindihan mo kasi lahat ng pinag aralan mo kapag nandun ka na talaga sa situation. Iba pa din kasi ang nagagawa ng experience kesa sa binabasa mo lang sa libro. Pag nasa field ka kasi nandun yung pressure how to assist the patient, paano gawin ang bagay na ganito o ganun. Kaya for me, mas ok naman as long na hindi ikapapahamak ng pasyente. Kasi buhay ang pinag uusapan dito,” aniya.

“Siguro kung mag BP lang, painumin ng meds si patient based on doctor’s order pero dapat may kasama pa ding registered nurse talaga to make sure lang na tama ang ipapainom na meds. Sang- ayon naman ako pero as assistant nurse kasi matututo kana din naman kahit ganun. Then mas mahahasa pa yung mind nila sa mga nangyayari sa hospital,” dagdag pa niya.

Ayon sa kay Pangulong Marcos, mahalaga na matugunan  ang mga kinakailangang medical professionals na may mahalagang tungkulin sa pagpapaunlad ng healthcare system ng bansa na mangyayari sa pamamagitan ng CCA Upskilling Program na pormal na nilagdaan sa pamamagitan ng Joint Administrative Order (JAO) No. 2023-0001 at ng MoU.

Nitong July 19, 2023, nilagdaan ng Commission on Higher Education (CHEd) at ng Department of Health (DoH) ang JAO No. 2023-0001 bilang hakbang ng Marcos administration na tugunan ang kakulangan sa mga healthcare practitioners sa Pilipinas.

Ito ay naisakatuparan matapos ang rekomendasyon ng Private Sector Advisory Council-Healthcare Sector Group (PSAC-HSG) na bigyan ng oportunidad ang mga underboard nursing graduates na makapagtrabaho bilang mga CCA sa mga ospital upang sa gayon sila ay natututo lalo at makatulong makapasa sa licensure examinations para sa mga nars.

Sa kanyang talumpati matapos ang paglagda sa MoU, sinabi ng Pangulo na ang programa ay isang “panimulang pagpupunyagi.”

“So, aside from the boost that it will give to the quality of our healthcare professional services, it will also reaffirm the unified efforts of our agencies, hospitals, and higher education institutions to prepare our nursing graduates for their board exams and their chosen career paths,” (“Kaya maliban sa pagpapalakas sa kalidad ng serbisyo ng ating mga healthcare professionals magpapatunay rin ito ng pagtutulungan ng ating mga ahensya, ospital at higher education institutions na ihanda ang ating mga nursing graduates para sa kanilang board exam at sa kanilang napiling karera,” aniya.

Sa ilalim ng MoU, ang mga pribado at publikong ospital ay umayon na tumanggap ng mga underboard nursing graduates bilang CCA sa loob ng isang taon na maaaring i-renew ng dalawang ulit kung sila ay bumagsak pang muli sa board exam. Sa naturang MoU ay pumapayag din ang mga ospital na i-develop ang upskilling program sa pakikipagtulungan sa higher education institutions.

(Abangan ang huling bahagi bukas, Oktubre 7, 2023)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -