MALAYO pa, pinakaaabangan ko na ang Oktubre 9. Birthday iyun ni Ka Mentong Laurel, ang matapang, prinsipyado’t walang sinasantong co-host ni Ado Paglinawan sa lingguhang palatuntunang Ang Maestro – The Unfinished Revolution Atbp. sa Radyo Pilipinas. Siya rin ang nakatagong pwersang nagpapakilos ng mga aksyong pangontra sa mga kasinungalingan ng Amerika sa pamamagitan ng mga lokal na alipures na nagpapasama sa ugnayang Chino-Pilipino. Isang napakahalagang kilos na kanyang ginawa ay ang pag-organisa ng Anti-War Peace Caravan na layuning pigilan ang pagsiklab ng digmaang planong pasabugin ng Amerika laban sa Tsina, na gaya ng ipinahihiwatig ng pagkakaloob ng administrasyong Bongbong ng karagdagang apat pang base militar sa Amerika sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Inilunsad ang Peace Caravan noong Hunyo na tinahak ang pangkasaysayang ruta ng kontra-Amerikanong kamalayan sa Pilipinas, mula sa Barasoain Church na pinagdausan ng Malolos Congress noong 1899, hanggang sa katedral ng Nueva Ecija na tumampok sa kabayanihan ni Heneral Antonio Luna, dumaan din sa Isabela na siyang kinahulihan kay Heneral Emilio Aguinaldo ng tusong pwersa ni Heneral Fulton, at sa wakas ay humantong sa Cagayan na siyang nagpapakita ngayon ng pangunguna, sa pamamagitan ng gobernador nitong si Manuel Mamba, ng pagkontra sa EDCA. Sa patuloy na pamumuno ni Ka Mentong, plano naman ng Peace Caravan na ibaling ang tuon sa Visayas at Mindanao. Kaya’t tiniyak ko na makarating sa Valle Verde Country Club upang makilahok sa pagdiriwang ng kaarawan ang taong, sa kabila ng kinagisnang aristokratikong buhay, ay kinatandaan na ang pagpupunyaging matatag sa Pilipinas ang sosyalistang kaayusan. Sa nauna ko nang pagbati sa kanya sa Viber, sinagot niya ako ng ganito: “Thanks Mao. Catching up to you.” Ibig niyang sabihin, humahabol na siya sa edad ko. Tama ba ang dinig ko, 74 na siya? Ang laki pa rin ng bata niya, 8 taon. Tingnan ko kung sino sa mga naroroon sa Valle Verde (Ado Paglinawan, Rod Kapunan, Jun Simon, Raffy Tuvera, etc.) ang makakarating sa distansyang inabot ko, 82, and counting.
Sa anu’t-anuman, dalawang higanteng kasinungalingan ang nagiba sa okasyon ng kaarawan ni Ka Mentong.
Kasinungalingan ni Tarriela
Sinong Tarriela ito? Ito yung spokesperson ng National Task Force on the West Philippine Sea, tinatawag na Jay. Sa paliwanag ni Ka Mentong, isang dambuhalang kapaimbabawan ang mga pinagwiwika ni Tarriela kaugnay ng naipangalandakan sa lahat ng plataporma ng media na pagbaklas kuno ng Philippine Coast Guard (PCG) sa 300-metro na nakalutang na harang na inilatag ng China sa bunganga ng Bajo de Masinloc.
“Meron ba silang naipakitang kahit isang pulgada man lang ng harang na inilagay ng China? Wala. Ang tanging naipakita nila ay ang angkla raw ng harang. Kalalagay lang ng China, kinakalawang na?”
“Ang nakaiintriga sa akin,” wika ko, “inilagay ng China, China rin ang nagbaklas kinabukasan lang, kung totoo ang mga balita. Bakit?
Mabilis ang sagot ni Ka Mentong.
“Ang Bajo de Masinloc ay isang lagoon na santwaryo ng mga isda, pangitlugan at pang paramihan ng mga lahi ng iba’t-ibang uri ng isda. Sa labas ng lagoon, hindi ipinagbabawal ng China ang pangingisda ng mga mangingisdang Pilipino. Pero sa loob, bawal, dahil kung hindi, mauubos ang lahat ng lahi ng isda at mawawalan ng kabuhayan ang mga susunod pang henerasyon. Nang araw na iyun, nakita ng China Coast Guard (CCG) ang balak ng mga sasakyang pandagat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at mga bangka ng mga Pilipinong mangingisda na pasukin ang Bajo de Masinloc. Kaya mabilis na inilatag ng CCG ang nakalutang na harang. Nang umatras na ang BFAR at mga mangingisdang Pilipino, natural wala nang kailangang harangan, inalis na ng CCG ang harang na kanilang inilagay.”
“Sa kahambugan ni Tarriela, lumabas na PCG ang bida,” wika ni Ka Mentong.
Kuwidaw talaga tayo diyan sa Kano. Anumang oras na gustuhin nilang makipaggiyera, gagawa at gagawa ng dahilan upang sumabog ang kanilang balak na gulo. Uulit-ulitin ko ang mga halimbawa nito: ang pagsabog ng USS Maine sa Havana Harbor na sila ang gumawa upang pag-alabin ang galit ng sambayanang Amerikano at manawagan ng giyera sa Espanya noong 1898; ang Gulf of Tonkin Incident noong mga 1960s, na hindi totoong may barkong Amerikanong pinasabog kuno sa karagatan ng Vietnam subalit maiinit na prinopropaganda sa media ng Amerika upang pagmukhaing totoo at katwiranan ang panghihimasok ng Amerika sa labanan ng Timog at Hilagang Vietnam; ang pagbangga ng dalawang eroplanong wumasak sa Twin Tower ng New York noong Setyembre 11, 2001 na nagbigay-katwiran sa pag-atake ng Amerika sa Iraq noong 2003; at sa Pilipinas, sadyang ipinabaril ng Amerika ang sariling sundalo at saka ibinintang sa Katipunero upang pasimulan ang Digmaang Pilipino-Amerikano na humantong sa kalahating siglong kolonisasyong Amerikano sa bansa.
Tatlong bagsak sa mga Ka Mentong na taimtim ang debosyon na isulong ang pakikibaka hanggang sa huling hibla ng hininga ang pagsilang sa Pilipinas ng isang lipunang malaya, makatarungan, maunlad, mapayapa at maligaya.
Libre Pugante
Papunta sa Valle Verde masigla ang aking talakayan sa Viber sa isa pang masugid na sosyalista, si Kasamang Erico Bucoy. Pinagkakatiwalaan at matapat siyang Tinyente ng namayapang Hepe ng New People’s Army (NPA) na si Rolando Kintanar, kabilang sa advance team ng presidential campaign ni Pangulong Duterte, at ngayon ay kabilang sa staff ni Senador Chiz Escudero sa Senate Committee on Technical and Vocational Education. Mula nang mamatay si RK (paboritong tawag namin kay Kintanar), hindi na kami nagkaroon ng ugnayan ni Ka Eric. Nito lamang nakaraang buwan nang mapasakamay ko ang malaking bulto ng mga dokumentong patunay sa mga maling gawi ng isang komisyoner ng Commission on Higher Education (CHEd) na nagngangalang Jo Mark Libre.
Ang mga dokumento ay patibay sa sumbong ng iba’t-ibang partido laban kay Libre na iniharap ni CHEd Chairman J. Prospero De Vera 3rd sa Office of the President, sa pamamagitan ni Executive Secretary Lucas Bersamin. Pinangunahan ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), ang mga complainants laban kay Libre ay natuklasan kong kinabibilangan ng matagal ko nang hindi nauugnay na kasamang si Eric Bucoy. Ito kaipala’y ang malaking dahilan kung bakit naisipan kong patulan ang isyu, may diin sa mga paratang ni Ka Eric. Sa anumang kalagayan, ang salita ng isang kasama na ang kredibilidad ay hindi matatawaran ay dapat na bigyan ng pagpapahalaga. At tunay na kung paniniwalaan ang mga paratang ni Ka Eric laban kay Komisyoner Libre, dapat siyang itiwalag sa tungkulin. Pero hindi, bagama’t hayan at kondenado na siya ng Civil Service Commission, nananatili siyang nakapuwesto bilang komisyonado ng CHEd, na parang isang puganteng libreng nagkakanlong mismong sa halukipkip ng pangulo ng bansa. Kaya sa isa sa mga nakaraan kong kolum sa Manila Times, tinalakay ko ang isyu, may diin sa “Decision” ng Civil Service Commission na may petsang July 19, 2019 at sa dispositive portion nito ay nagsasabi ng mga sumusunod:
“WHEREFORE, foregoing premises considered, Dr. Jo Mark M. Libre is hereby found guilty of grave misconduct, serious dishonesty, falsification of official document, and conduct prejudicial to the best interest of service, and meted the penalty of DISMISSAL from service. Accordingly, all the accessory penalties, namely cancellation of eligibility, perpetual disqualification from holding public office, bar from taking any Civil Service Examination, forfeiture of retirement benefits except terminal leave benefits and personal contributions to GSIS, if any, are likewise imposed upon him.
“Davao City, Philippines.
“PIRMADO
ADAMS D.
TORRES
CESO IV
Director IV”
Maliwanag ang mga pahiwatig na nagsisimula nang kumilos itong si Libre upang baluktutin sa media ang katotohanang hindi niya mapapasinungalingan sa batas. Sa mga kabaro sa pamamahayag, isang bagay lang ang aking pakiusap. Panatilihin ang dignidad ng propesyon na ngayon ay binabantaang windangin ng kalansing ng kokonting barya.
Sundan ang diskusyon ng isyung ito sa kolum kong My Say sa The Manila Times sa Sabado.