MATAAS ang ranggo ng limang lokal na pamahalaan sa Bulacan sa Cities and Municipalities Competitiveness Index (CMCI) ng National Competitiveness Council.
Kabilang na riyan ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan, pamahalaang lungsod ng Baliwag, at mga pamahalaang bayan ng Santa Maria, Marilao at Angat.
Ayon kay Department of Trade and Industry OIC-Assistant Regional Director at concurrent Provincial Director Edna Dizon, umangat ang pamahalaang panlalawigan ng Bulacan sa pang-walong pwesto mula sa pang-10 noong 2021.
Pinakamalaking bentahe ng lalawigan ng Bulacan ang epektibong pagpapatupad sa Provincial Investment and Incentive Codes.
Gayundin ang anim na taong singkad na patuloy na pagkakatamo ng Seal of Good Local Governance mula 2017 hanggang 2022, dahil sa maayos na koleksiyon ng buwis at tamang paggugol dito.
Magkasalo naman sa Economic Dynamism ang pamahalaang bayan ng Santa Maria, na pang-anim, at ang pamahalaang bayan ng Marilao na pang-siyam.
Hindi nawawalan ang Santa Maria ng mataas na halaga ng pamumuhunan na pumapasok.
Isa na rito ang Raemulan Lands Inc. na aabot sa P1.6 bilyon halaga ng pamumuhunan kung saan mayroon itong site sa nasabing bayan.
Sa Marilao, sinimulan na ang pagtatayo ng P98 bilyon halaga ng Northwin Global City ng Megaworld Corporation. Ito ang magiging kauna-unahang central business district sa Bulacan.
Iba pa rito ang P315.93 milyon na economic and low-cost housing project ng Saffron Hills na isang Chinese-Filipino Consortium na The New APEC Development Corporation.
Sinabi pa ni Dizon na ang naturang mga pamumuhunan ay resulta ng epektibong pagpapatupad sa nasabing mga bayan ng Republic Act 11032 o ang Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Services.
Nakapag-iwan pa ang Baliwag ng mga bakas ng tagumpay bilang isang bayan, bago ito tuluyang maging ganap na lungsod sa bisa ng Republic Act 11929.
Ito’y dahil kinilala ang Baliwag sa katatapos na CMCI Awards bilang pangatlo na Overall Most Competitive sa kategoryang First-Second Class Municipality.
Kalakip nito ang pagiging panglima ng Baliwag sa infrastructure pillar kung saan pinakabago ang pinasinayaang Baliwag City Rice Mill and Dryer Facility at ang pagpapatayo ng bagong gusali ng palengke.
Pang-walo naman ang Baliwag sa larangan ng Resiliency.
Kamakailan lamang ay pormal na kinomisyon ni Mayor Ferdinand Estrella ang 27 bagong mga ambulansiya na idinestino sa bawat barangay. Bahagi ito ng integrated logistics ng Rescue FVE ng ngayo’y pamahalaang lungsod.
Sa Innovation, pang-anim ang Baliwag kung saan kabilang sa pagkakaroon ng proyektong malikhain ang Shared-Service Facility sa Community Plastic Station na nasa Central Kalikasan Center sa barangay Tarcan.
Sa pasilidad tinutunaw ang mga hindi nabubulok na basura upang gawing hallow blocks at bricks.
Dito na kinukuha ng pamahalaang lungsod ang mga materyales na kailangan sa iba pang proyekto gaya ng beautification at mga lokal na imprastraktura.
Pang-pito naman ang pamahalaang bayan ng Angat bilang Most Improved Local Government Units. Tumalon ng 249 na pwesto ang Angat mula sa dati niyang ranggo na pang 256.
Itinuturing na kontribusyon ang mga reporma na ipinatupad sa ilalim ni Mayor Reynante Bautista.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng malinaw na direksiyon sa pamamagitan ng pagtukoy sa Local Development Investment Program 2023-2025 at ng Executive-Legislative Agenda 2023-2025.
Napabilis din ang implementasyon ng mga imprastraktura gaya ng realignment ng 10 porsyentong equity para sa konstruksiyon ng tulay ng Baybay at ng Multipurpose building sa barangay Taboc.
Ito ang unang pagkakataon sa nakalipas na maraming dekada na nasasama ang Angat sa hanay ng mga nangungunang bayan sa Bulacan.
Samantala, tumanggap ng Intellectual Property (IP) Special Award ang pamahalaang lungsod ng Meycauayan dahil sa pagiging pangatlo na may pinakamaraming aplikasyon at naaprubahan na IP mula sa Intellectual Property Office of the Philippines. (CLJD/SFV-PIA 3)
CAPTION
Personal na tinanggap ni Baliwag City Mayor Ferdinand Estrella, (pang-lima mula sa kaliwa), ang parangal bilang Top 3 Overall Most Competitive sa kategoryang First and Second Class Municipalities sa ginanap na Cities and Municipalities Competitiveness Index Award ng National Competitiveness Council. Ito ay parangal sa Baliwag sa huling taon ng pagiging bayan nito bago maging ganap na lungsod noong Disyembre 2022. (Larawan mula sa Pamahalaang Lungsod ng Baliwag)