KUNG may isang natatanging organisasyon na nagtatampok sa pagiging ‘child-friendly’ ng mgapalabas sa telebisyon, ito ay ang Anak TV na pinamumunuan ngayon ni Elvira Yap Go, ang Pangulo ng naturang organisasyon mula pa noong 2005. Itinatag ang Anak TV noong Disyembre 1995 ni Gina Lopez kasama si Mag Cruz Hatol (na kalaunan ay naging chairman din ng National Council for Children’s Television). Hindi lang ang mga palabas na child-friendly ang nais nilang itampok kundi pati ang mga artista at media personalities na napapanuod natin sa telebisyon.
Katunayan, sa pagtatapos ng bawat taon, karaniwang nagbibigay ng pagkilala/award ang Anak TV sa mga programa, celebrities, at media personalities na nagpamalas ng maayos na karakter at imahen sa TV. Para sa isang celebrity, ang mapahanay sa mga tatanggap ng Makabata Award ay maituturing na malaking karangalan. Sa broadcast networks man ay malaking tapik sa balikat ang kilalanin ng Anak TV ang kanilang programa at artista.
Malaki ang impact ng Anak TV sa media industry. Hindi pa man nalilikha noon ang batas na kikilalanin bilang ‘Children’s Television Act of 1997’ (o ang Republic Act 8370) na lumikha ng National Council for Children’s Television (NCCT), isang government agency na nakatutok sa pagtatampok ng makabatang panuorin sa telebisyon, pero nandiyan na ang ANAK TV upang hikayatin ang mga TV networks na maglabas ng maraming child-friendly shows. Ramdam na ramdam ang pagnanais nilang maitampok ang isang mas makabatang TV programming.
Magkatuwang ang aming ahensiyang NCCT at ang Anak TV sa pagtataguyod ng isang child-friendly landscape sa telebisyon. Bumisita ang pamunuan ng Anak TV sa opisina ng NCCT upang makipag-ugnayan sa ilang binabalak na partnership. Kasama ni Elvira Go ang ilang kaagapay niya sa pagtataguyod ng Anak TV gaya nina Edith del Rosario (dating general manager ng RPN 9 at producer ng ‘John and Marsha’ at ‘Superstar’), Vizmalau Bonalos (secretary-general), Edric Calma (ng Knowledge Channel Foundation) na kumakatawan kay Rina Lopez Bautista, at Maris Federez (secretariat). Ang mga head ng iba’t ibang TV networks ang nakaupo sa board ng Anak TV.
Kamakailan din ay nakasama kong nagbiyahe patungong Iloilo ang staff at crew ng Anak TV upang magsagawa ng isang ‘Media Literacy workshop’ sa mga guro at magulang na kabahagi ng PTA organization. Ginanap ito sa pinakamalaking secondary public school sa Iloilo – ang Iloilo City National High School (ICNHS). Mainit ang naging pagtanggap ng punongguro nito na si Ma’am Alpha Java (na mas kilala sa tawag na Ma’am Aming) sa Anak TV team dahil nakikita niya ang pangangailangan para sa isang mas child-friendly landscape lalo na sa mga kabataan. “Napakarami po naming high school students dito na makikinabang sa ibabahagi sa Media Literacy Symposium,” ayon pa kay Ma’am Aming.
Dumalo ang maraming magulang ng naturang lungsod kasama ang mga guro ng ICNHS upang higit na malinawagan sa kung paano dapat harapin ang paggamit ng media at teknolohiya sa mga bata’t kabataan. Mapalad ako na naanyayahang magbigay ng lektura at kalaunan ay maki-interact sa audience sa palitan ng mga tanong at sagot. Dito namin nabigyang-tuon ang kahalagahan ng ‘parental mediation’ sa mga bagay na may kaugnayan sa paggamit ng gadgets, video games, at internet.
Ipinaalala ko sa kanila na higit sa aming mga ahensyang NCCT, Anak TV, at MTRCB, malaki ang papel nilang mga magulang upang maitanim sa isip ng mga anak nila kung gaano kahalaga ang responsableng panunuod.
Muli kong binanggit ang rekomendasyon ng American Academy of Pediatrics tungkol sa wastong tagal ng paggamit sa screen ng mga bata: dapat ay walang screen use sa mga batang wala pang dalawang taong gulang; Isang oras kada araw para sa mga batang edad 2-5; at dalawang oras kada araw para sa school-age children. Ang tinutukoy na ‘screen’ dito ay ang telebisyon, gadgets (gaya ng ipad, smart phone, at YouTube.
Maiging naipaliwanag namin ito sa mga magulang na dumalo sapagkat marami sa kanila ang hinayaang maging ‘yaya’ ng kanilang mga anak ang telebisyon at gadgets. Kapag umiyak o nagmuryot ang kani-kanilang anak, kagyat na bubuksan ng magulang ang gadget at ihaharap sa bata kaya ayun, biglang hihinto ang pag-iyak dahil naagaw na ang pansin nito ng sari-saring makukulay na imaheng makikita sa gadgets. May instant yaya ang bata! Sabi pa ng isang nanay na dumalo sa lektura, ‘nakatutulong daw sa kanila ang gadget kasi’y nakapaglalaba sila o nakapagluluto habang abala ang mga toddler nila sa pagtingin sa gadgets.’ Binanggit ko sa kanila na hindi naman talaga masama ang gadgets at teknolohiya. Kailangan lang ay maging maayos ang paggamit natin nito. Nanawagan tayo para sa ‘moderate and responsible use of technology’ para maging bentahe ito sa atin.
Habang nagaganap ang lektura/forum sa mga magulang, ang mga estudyante naman ay nasa dakong gymnasium ng eskuwelahan. Kasama sa programa ng Anak TV ang pagsasagawa ng Larolympics sa mga bata kung saan ay muling binabalikan nila ang paglalaro ng mga tradisyonal na larong Pinoy gaya ng tumbang-lata, piko, at patintero. May mga medalya at tropeo na naghihintay sa mga mananalo sa games. Lahat halos ay tumanggap ng ‘loot bags’ (na puno ng ‘goodies’ gaya ng biskuwit, kendi, tsokolate) mula sa malaking puso ni Ms Elvira Yap Go, na siya ring may-ari ng Columbia Candies.
Tinipon din ng Anak TV staff ang mga magulang at guro sa limang kuwarto upang magdaos ng survey tungkol sa mga local celebrities natin na may child-friendly image sa mga palabas sa TV. Katulong ang mga magulang at guro sa proseso ng pagpili sa mga pararangalan ng Anak TV sa kanilang taunang paggagawad ng Makabata Award. Ang session na ito ay tinatawag nilang Boto Ko ‘To. Kumbaga, may partisipasyon ang mga magulang at guro sa iboboto nilang celebrities at media personalities na sa assessment nila ay ‘child-friendly.’ Ginagawa nila ito sa iba’t ibang dako ng bansa kaya makikita ang trend sa kung sino ba ang talagang nagugustuhan ng mga manunuod.
Pinamahalaan din nina Maris Federez at Sol Alger, mga miyembro ng Secretariat ng Anak TV, ang pagpa-facilitate ng Media Literacy forum. Matapos ang symposium ay nagkakaroon ng breakout sessions para sa screening ng mga TV programs. Sinundan ito ng pagdi-distribute ng Boto Ko ‘To forms sa mga kalahok (magulang, guro, estudyante) kung saan nila isusulat ang celebrity o TV personality na sa tingin nila ay karapatdapat maging role model ng mga kabataan. Pipili sila ng isang lalaki at isang babae na celebrity o media personality at ililista ito sa form.
Kasama rin namin sa isinagawang media literacy workshop sa naturang lungsod ang dalawang kabataang celebrities na hinirang ng Anak TV na celebrity ambassadors: sina Sofia Pablo at Allen Ansay, na talaga namang nagpakilig sa maraming high school students na dumalo. Bukod sa nakagawiang pagkanta nina Sofia at Allen, nagbibigay din sila ng mga gabay at tuntunin tungkol sa paggamit ng gadgets at sa maayos na pagpili ng mga palabas sa TV.
Magandang makita ng mga kabataan ang mga role models na kagaya nilang Gen Z upang maka-relate sila. “Maingat tayo sa pagpili ng ANAK TV Celebrity Ambassadors kasi’y sila ang pamamarisan ng ating mga kabataan,” pagbabahagi ni Elvira Yap Go. “Maganda ang image nina Sofia at Allen kaya masaya kaming kasama sila.”
Bawat TV network na kabahagi ng ANAK TV ay nagpadala ng kanilang tigda-dalawang celebrity ambassadors. Sina Sofia Pablo at Allen Ansay ay kabilang sa GMA network.
“Noong pandemic ay pansamantala kaming huminto sa mga ginagawa namin para sa Anak TV. Ito’y upang makasunod kami sa mga health protocol na ipinatutupad nang panahong ‘yun,” sabi pa ni Elvira Go. “Pero heto na kami ulit. At mas doble pa ang aming pagnanais na maitampok ang isang makabatang panuorin sa TV man o sa online world kaya inilunsad na rin namin ang Online Anak TV Seal Awards para sa mga content ng TV networks na lumalabas sa digital platforms tulad ng kanilang website at You tube channel.”
Dito sa Online Anak TV Seal Awards, hindi kasama ang facebook, Instagram, Tiktok, at iba pang social media networking sites. Dapat ay sa website at You Tube lang ng TV network lumabas ang programa para maging eligible na makasali.
Kakampi nating lahat ang Anak TV para sa patuloy na pagtataguyod ng isang makabatang panuorin, sa ating mga TV sets at maging sa digital platforms.
Mabuhay ang Anak TV.