INAASAHANG magiging ISO-certified na ang Quezon Provincial Health Network- Quezon Medical Center ngayong taon at maging internationally recognized pagdating sa pamamahala at paghahatid ng serbisyong pangkalusugan.
Ito ay matapos idaos ang Memorandum of Agreement (MoA) signing noong Oktubre 9 sa pagitan ng Quezon Provincial Health Network – Quezon Medical Center at Certification Partner Global (CPG) para sa ninanais na ISO 9001 Certification ng nasabing ospital.
Ayon sa Quezon Public Information Office, hangad ng pamunuan ng QMC sa pangunguna ni Governor Doktora Helen Tan na patuloy na maihatid ang de-kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Layunin ng MoA signing na masimulan ang mga paghahanda para sa mas komprehensibong pamamahala at upang patuloy na makapagbigay ng serbisyong naaayon sa pangangailangan patungkol sa pangkalusugan ng mga mamamayan sa lalawigan.
Nais ng pamunuan ng naturang ospital na maisagawa ang lahat ng mga hakbang at proseso sa loob ng QMC sa pamamagitan ng Quality Management System kung saan makapagbibigay ito ng mas maayos na daloy ng pamumuno para sa lahat ng kawani ng ospital at maging sa mga pasyenteng nangangailangan ng maayos at mabilis na serbisyong pangkalusugan.
Kabilang sa mga dumalo sa MoA signing sina CPG Managing Director Ma. Melanie Olbita, CPG Finance Officer Marianne Sarceno, QMC Chief of Hospital Dr. Juan Eugenio Fidel Villanueva, IPHO Head Dr. Cristine Villaseñor, QMC Head Legal Officer Atty. Generson Paul Mercado at ang ilan pang Department Heads at kawani ng nasabing ospital. (Ruel Orinday-PIA Quezon)