28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Mga anak ng OFWs, nakiisa sa Organizational Development Training at Youth Camp sa Marinduque

- Advertisement -
- Advertisement -

NASA 70 na mga iskolar na anak ng mga Overseas Filipino Worker (OFW) sa lalawigan ang nakiisa sa Organizational Development Training at Youth Camp na inorganisa ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), kamakailan.

Ayon kay Venus Narvaez, Family Welfare Officer ng OWWA-Marinduque, layunin ng gawain na mapalakas ang social interaction skills ng mga kabataan, mabigyan ng pagkakataon na magkakila-kila, madagdagan ang mga kaibigan at mapalapit sa isa’t isa ang anak ng mga OFW sa probinsya.

“Nais ng aming ahensya na maliban sa mapagkalooban ng scholarship ang anak ng mga OFW, hangad din namin na mabigyan sila ng mabuting aral na tiyak madadala sa kanilang pagtanda at maipahahatid sa susunod na henerasyon,” pahayag ni Narvaez.

Bukod sa nagkaroon ng tamang impormasyon ang mga lumahok hinggil sa mandato, programa at mga serbisyo ng OWWA, naging kalugud-lugod din ang gawain dahil nag-enjoy ang mga kabataan sa mga palaro at team building activities na inihanda ng tanggapan.

“Bilang isang iskolar ng OWWA, malaking bagay para sa akin at sa mga kapwa ko iskolar ang makadalo sa ganitong uri ng aktibidad dahil nabigyan kami ng pagkakataon na mas makilala ang aming mga sarili at makasalamuha ang mga anak ng OFW. Natulungan din kami ng programang ito na mas mapalago ang aming network habang nahahasa at naipapakita ang aming mga kakayahan at talento,” wika ni Abdullah Ismael Magdalita, iskolar at anak ng OFW mula sa bayan ng Torrijos.

Base sa pinakahuling tala ng OWWA-Provincial Satellite Office, mayroong humigit kumulang 41,000 overseas Filipino at contract workers ang nagmula sa Marinduque. (RAMJR/PIA Mimaropa-Marinduque)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -