30.7 C
Manila
Huwebes, Hunyo 20, 2024

PNP suportado ang pagpapaalis sa mga POGO sa bansa – Gatchalian

- Advertisement -
- Advertisement -

SINABI ni Senador Win Gatchalian na suportado ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapatalsik sa mga Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa bansa kaya kinakailangan nang tugunan ito ng pamahalaan.

Ayon kay Senador Win Gatchalian, suportado ng Philippine National Police ang pagpapatalsik sa mga Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa kaya kinakailangan nang tugunan ito ng pamahalaan. Kuha Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

“Nagpapakita lamang ito ng agarang aksyon upang mapatalsik na ang mga kumpanya ng POGO,” sabi ni Gatchalian.

 

Sa naging pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Interior and Local Government (DILG) at mga attached agencies nito, ipinahayag ni PNP Chief Gen. Benjamin Acorda ang kanyang suporta sa pagwawakas ng POGO operations sa bansa.

 

“Base sa mga krimen na iniulat, ang mga istatistika ng krimen ay nakakaalarma. Dapat itong mamonitor nang maigi. Kung hindi naman masusubaybayan at mare-regulate nang maayos, mas magandang wala na,” ayon kay Acorda. Habang ang bilang ng mga krimen na iniuugnay sa mga POGO ay bumababa, ang bilang naman aniya ng mga biktima ay lalong dumami.

 

Ayon sa datos ng PNP, may kabuuang 4,039 na biktima sa 4 na POGO-related crimes sa unang anim na buwan ng taon. Kung ihahambing ito sa datos noong 2022, aniya, mayroon lamang 128 na biktima sa 39 na naiulat na krimen. “Mas kakaunti nga ang mga krimen pero mas matindi ang mga ito ngayon. Ang pinag-uusapan natin dito ay tungkol sa libu-libong biktima ng human trafficking na pinilit sa iba’t ibang scamming activities na kalaunan ay nailigtas din. Ang lebel, tindi o intensity, at lawak ng mga krimen ay kapansin-pansin sa taong ito lamang,” sabi ni Gatchalian.

 

Ayon kay Acorda, pinaigting ng PNP ang kanilang capacity-building efforts upang labanan ang tumataas na aktibidad ng cybercrime na nauugnay sa mga POGO. “Sa totoo lang, nakakaalarma ang pagdami ng mga insidente, lalo na sa cybercrimes. Kaya naman pinaiigting natin ang pagsasanay, at pinapalakas natin ang kapasidad ng mga lokal na pulis sa pamamagitan ng anti-cybercrime group,” ayon pa sa PNP Chief.

 

Bilang chairperson ng Senate Committee on Ways and Means, iginigiit ni Gatchalian ang pagpapatalsik sa mga POGO operators sa bansa kasunod ng tumataas na bilang ng mga krimen na nauugnay sa industriya kabilang ang human trafficking, forcible abduction, homicide, illegal detention, kidnapping-for-ransom, pagnanakaw, robbery-extortion, serious physical injuries, swindling, grave coercion, investment scam, cryptocurrency scam, at love scam.

 

“Nakakabahala. Nagdudulot talaga ito ng malaking kahihiyan ng bansa sa international community dahil ang mga biktima ay galing sa iba’t ibang bansa. Walang lugar ang mga POGO sa ating bansa base kung ang pagbabasehan natin ay mga datos. Kung gusto natin ng mapayapang bansa, hindi na dapat manatili pa ang mga POGO dito sa Pilipinas,” pagtatapos ni Gatchalian.

 

CAPTION

Ayon kay Senador Win Gatchalian,  suportado ng Philippine National Police ang pagpapatalsik sa mga Philippine Offshore Gaming Operators sa bansa kaya kinakailangan nang tugunan ito ng pamahalaan. Kuha Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -