28.1 C
Manila
Lunes, Oktubre 14, 2024

Sumiklab na giyera sa pagitan ng Israel at Palestine,  saan nagmula?

- Advertisement -
- Advertisement -

NOONG Oktubre 7, 2023, Sabado, isang Jewish Sabbath Day, ang huling araw ng Jewish Festival ng Sukkot matapos ang ika-50 anibersaryo ng Yom Kuppur War, nabulabog ang buong mundo sa ginawang sorpresang pag-atake ng grupong Hamas sa border ng Gaza sa Israel. Pinaulanan ng libu-libong rocket ng grupong Hamas at iba pang armadong Palestinong grupo mula sa Gaza ang ilang siyudad ng Israel.

Isang missile ang pumutok na Gaza City ng Israeli strike noong Linggo, Oktubre 2023 bilang kagyat na tugon sa ginawang sorpresang pag-atake ng Hamas sa border ng Gaza sa Israel at sa ilang siyudad nito. TMT FILE PHOTO

Lumusob din ang mga taga-suporta ng Hamas sa iba’t ibang siyudad ng Israel at inatake ang mga mamamayang Hudyo (Jewish) noong Sabado. Umabot sa 1,300 ang pinatay at sapilitang pumasok sa mga bahay-bahay at sapilitang isinama ang may 150 katao para gawing hostage.

Agad namang gumanti ang Israel at kinabukasan, Linggo, ay nagdeklara ng giyera sa Hamas. Napuno ng maitim na usok sa Rafah sa Gaza Strip at ayon sa pinakahuling ulat ng mga health official sa Gaza, umabot na sa 2,200 na ang namamatay at karamihan dito ay mga sibilyan

Nagpadala na ng ikalawang aircraft carrier ang US kamakailan at sinabi ni US President Joe Biden na handang protektahan ng US ang mga sibilyan sa gitna ng pagtugis ng Israel sa Gaza sa pamamagitan ng pagtawag kay Israeli Prime Miniter Benjamin Netanyahu.

Ngayon, Oktubre 16, ay ika-siyam nang araw ng giyera at nakatakdang ilikas ang mga Pilipinong nasa Israel.  Ayon sa Department of Foreign Affairs (DoF), dalawang Pilipino na ang nasawi at isa pa ang kinukumpirma kung patay na dahil sa giyera. May 30,000 Pilipino sa Israel at 137 iba pa sa Gaza strip.


Paano nagsimula

Pero saan at paano nga ba nagsimula ang giyerang ito sa pagitan ng Israel at Palestine? Iba’t ibang pagtatangka na ang ginawa upang magkaroon ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at Palestine subalit patuloy pa rin ang hidwaang ito.

Upang maunawaan kung bakit nangyayari ito, balikan natin ang kasaysayan mula 3500 BCE o Before the Common Era (BCE) o kilala sa mundo ng mga Kristiyano na Before Christ (BC). Alamin natin ang mahahalagang pangyayari sa kasaysayan ng teritoryong pinag-aagawan at tinatawag ng mga Kristiyano na “Promised Land” at kung saan nagmula ang mga Israelis at Palestinians.

Ang Canaan

- Advertisement -

Bago mag-3500 BCE, nakaulat sa mga sinaunang mapa, archeological records at kahit sa biblia ng mga Krisiyano at Jewish, ang lupang dahilan ng hidwaan ng Israel at Palestine ay tinawag na dating lupain ng Canaan. Ang mga nakatira dito ay tinawag na Canaanites na pinaniniwalaang mga katutubo o iba’t ibang  pangkat etniko na nagbuhat sa iba’t ibang lahi na may iba’t ibang wika at kultura na maaaring may impluwensiya mula sa Mesopotamia, Anatolia at Egypt.

Pero ayon sa Book of Genesis ng Old Testament ng Hebrew Bible, ang Canaan ay ipinangalan mula kay Canaan na anak ni Ham at apo ni Noah. Itinuring si Canaan na ama ng mga Canaanites.

Taong 20th century BCE, sinakop ng Egypt ang Canaan bilang harang sa mga super power noon na  tulad ng Assyria, Hittite at Babylonia. Noong panahong ito, itinayo ng Egypt ang Gaza City bilang sentro ng kalakalan at administrasyon ng Egypt at Canaan. Dahil dito, umunlad ang Canaan at ang mga nakapaligid na siyudad dito tulad ng Ashdod, Ashkelon, Ekron at Gath.

Ayon sa ulat ng https://www.britannica.com/place/Canaan-historical-region-Middle-East, bago magtapos ang 13th century BCE, humina na ang Egypt sa Canaan. Sa pagpapalit ng mula sa Late Bronze patungkong Early Iron Age—tinatayang 1250 BCE—pumasok ang mga Israelites sa Canaan. Nanirahan sila sa mga bundok nito at sa Timog. Hindi ito nagustuhan ng mga Canaanite na noon ay namamahala ng malalakas na mga siyudad sa rehiyon.

Pinagmulan ng mga Israelites

Ayon sa mga historyador, maaaring tingnan ang dalawang bersyon kung saan nagmula ang mga Israelites (ngayon ay Israelis). Una ay ang kuwento ng Exodus ng Bible kung saan ang mga Israelites ay grupo ng mga alipin sa Egypt na sumasamba kay Yahweh. Sila ay ang mga inapo ni Jacob na apo ni Abraham. Tinulungan silang makalaya ni Moses at pumunta sila sa Canaan dahil sa kanilang paniniwala na ito ang Promised Land o ang Ipinangakong Lupa kay Abraham ng Panginoon.

- Advertisement -

Ang isa pang teorya na pinagmulan ng Israelites ay  yung mga mahihirap na Canaanites na malayo sa Gaza. Ayon sa mga arkeologo, maaring nagmula rin ang mga Israelites sa Canaan. Dahil malayo sa impluwensiya ng Egypt, nakapagbuo sila ng sariling relihiyon na naniniwala kay Yahweh. Sa panahong ito, ang Canaan ay sakop pa din ng Egypt at ang mga Israelites ay hindi pa ganon karami at nanatiling nomads o mga tribong walang permanenteng tirahan.

12th centrury BCE nang makilala ang mga Peleset/Philistines

Makaraan ng 100 taon, 12th century BCE, may mga nakilala sa Aegean Sea at Mediterrranean Sea na mga manlulusob na tinawag na Sea Peoples at kasama dito ang tribong Peleset/Philistines. Ang mga Peleset ay malalakas at magagaling na mandirigma na karamihan ay mga lalaki na nanggaling sa Crete ng Greece.

Nasakop nila ang Gaza at mga mauunlad na siyudad sa Canaan at naitaboy ang mga Egyptians. Ang mga nasakop nilang lugar ay tinawag nilang Philistia. Nang lumaon ay nag-asawa ng mga Canaanites at ang kanilang mga naging inapo o descendants ang tinawag na Philistines.

Dahil natalo ng Peleset ang mga Egyptians at mababait sila sa mga Canaanites, dumami ang mga tribong sumasamba kay Yahweh kaya dumami din ang mga Israelites. Sa maikling panahon, nagkaroon ng kapayapaan at kaayusan sa Canaan at ang Philistia ang naging pinakamaunlad na lugar sa rehiyon ng Asya. Sumasamba na ang mga Israelites kay Yahweh pero wala pang Judaism noong panahong iyon.

11th century BCE

Ang mapa ng Canaan at ang 12 Tribo ng Israel. Libreng mapa mula sa https://bible-history.com/geography/map-canaan-tribal-portions

Dahill umuunlad ang Philistine at dahil wala na ang mga Egyptian sa Canaan, patuloy na dumami ang mga Israelites. Ayon sa Biblia, dahil Canaan ang ‘Ipanangakong Lupa,’ nang namatay si Moises si Joshua ang namuno sa mga Israelites sa pagsakop nila sa Canaan Mababasa ito sa Deuteronomy 31:1–8; 34:9.

Si Joshua na isang Hebrew leader (Yehoshua) ang namuno sa pagsakop sa Canaan at ipinamahagi ito sa 12 tribo. Ang pangalan ng mga tribo ay pangalan ng mga kaapu-apuhan ni Noah ay nakasulat sa Deuteronimo 27: 12-13. Ang 12 tribo ay tinawag na Simeon, Levi, Judah, Issachar, Jose, Benjamin, Reuben, Gad, Aser, Zebulon, Dan at Nephtali.

Mababasa ang kuwento ni Joshua sa Lumang Tipan, Aklat ni Joshua.

10th century BCE, Kingdom of Israel

Noong panahong ito, Aramaic pa ang wika ng mga Israelites at hindi pa Hebrew. Dahil nais nilang maging malakas, nagkaisa ang 12 tribo ang tinawag nila itong Kingdom of Irael. Ang unang hari nito ay si King Saul pagkatapos ay si King David.

Ayon sa mga iskolar na pinag-aralan ang mg kuwento sa Biblia, umabot sa dalawang siglo bago tuluyang nasakop ng mga Israelites ang Canaan sa pamumuno ni Haring David noong 10th century BCE.

Sa ilalim ng pamumuno ni Haring David, nagapi ng Israelites ang Philistine kasabay sa pagkagapi sa mga Canaanites at pinamunuan ang Jerusalem. At naging bayan na ito ng Israel.

(Sa susunod, tatalakayin ang Kaharian ni King Solomon at ang mga susunod na pangyayari sa mga susunod na siglo)

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -