28.1 C
Manila
Linggo, Hulyo 21, 2024

Karagdagang puhunan sa hog raisers na naapektuhan ng ASF, alok ng Land Bank

- Advertisement -
- Advertisement -

MAAARI nang humiram ng karagdagang puhunan sa Land Bank of the Philippines ang mga commercial hog raisers o nagpapatakbo ng commercial piggeries na naapektuhan ng African Swine Fever (ASF).

Sa tulong ng Swine Lending Program na inilunsad ng LBP, alinsunod sa Hog Industry Re-Population Plan ng Department of Agriculture (DA), maaaring humiram ang mga hog raiser ng hanggang 80 porsiyento ng project cost o financing requirements ng proyekto.

Ayon kay LBP Batangas Lending Center Account Officer Vicente Montaño, kailangan ay kasalukuyang miyembro ng mga kooperatiba o farmers’ associations ang isang benepisyaryo o nagpapatakbo ng Small and Medium Enterprises (SMEs) o large corporations at enterprises.

Ayon kay Montaño, “Dapat classified bilang commercial farm ang negosyo, may 51 sow level and above o 501 fatteners and above. Ang area of operation ay dapat din na-classify ng Local Government Unit o LGU bilang at least Biosecurity Level 1, at nasa green, yellow o pink zones sa ASF zoning map, as certified naman ng DA-Bureau of Animal Industry o BAI.

Paglilinaw ng Land Bank, kailangan ay kumikita ang operasyon ng piggery sa loob ng tatlong taon bago ang ASF outbreak na nagsimula noong Hulyo 2019.

“Ang kagandahan po nitong Swine Lending Program ay ang pagtutulungan ng Landbank at DA para sa ating mga magsasaka. May kasunduan po tayo na ang Landbank ang magbibigay ng tulong-pinansyal habang and DA naman ang magbibigay ng technical training sa ating commercial hog raisers,” dagdag ni Montaño.

Bukod sa kanila, maaari ring humiram sa ilalim ng programa ang mga start-up business na mayroong contract growing agreement kasama ang isang integrator na kasing tagal ng loan term.

Nakadepende ang loan terms o panahon kung kailan nakatakdang bayaran ang utang depende sa laki ng uutanging halaga sa bangko, paggagamitang proyekto ng loan, at projected cash flow ng negosyo.

Hihingin sa aplikasyon ng loan ang sertipikasyon mula sa BAI na nagpapatunay na ang proyekto ay hindi sakop ng ASF quarantine, at certification mula sa DA Regional Field Office Technical Working Group on Swine Recovery, Rehabilitation and Repopulation kung saan nakasaad na ang borrower ay sumunod sa lahat ng requirements na kanilang itinakda.

Ilan pa sa kailangang isumite sa bangko ang LGU Certification, Project Proposal o Business Plan, Contract Growing o Breeding Agreement with Integrator, at Certification na nagpapatunay na ang borrower ay sumailalim sa training ukol sa swine breeding para sa mga start-up na Negosyo habang biosecurity management naman para sa lahat ng borrowers.

Ang mga interesadong hog raisers ay kailangan lamang magtungo sa pinakamalapit na Landbank Lending Centers at branches upang mabigyan ng assistance ng Landbank personnel at magsumite ng mga kaukulang dokumento para sa loan application. (CO/PIA-4A)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -