HINDI ko akalaing isang araw ay magiging contestant ako sa isang game show na mapapanuod sa national television!
Aaminin kong mahilig din akong manuod ng iba’t ibang game shows. Noong bata pa ako, ugali ko nang panuorin sa aming TV set ang ‘The Price is Right’ kapag Linggo ng gabi. Nakikihula rin ako sa presyo ng mga ipinapakitang items kahit imported ang mga ito at hindi nabibili sa Pilipinas. Di ko makakalimutan ang engaging voice ni Bob Barker habang inihihiyaw niya ang ‘the price is right.’
Maski noong nasa high school ako, napapanuod ko ang mestisahing TV host na si Jeanne Young habang sumisigaw siya ng ‘Spin a Win!’ Ganon din ang pagkahilig ko sa panunuod ng ‘Kuwarta o Kahon’ ni Pepe Pimentel at ang segment na ‘Pera o Bayong’ ni Willie Revillame sa kanyang noontime show. Kahit ang Family Feud, na ngayon ay may prangkisa na sa Pilipinas sa pamamagitan ng GMA-7, ay pinanuod ko rin. Siyempre, pati ako’y abala sa pakikihula, lalo na pagdating sa dakong dulo na sumusubok na sa jackpot ang nanalong ‘pamilya.’ Kahit iba ang kultura ng mga Amerikano, na sumasalamin sa mga sagot nila, ay ayos pa rin sa akin. Siyempre, hindi ko rin pinaligtas ang ‘Who Wants to Be a Millionaire?’ at ang ‘Jeopardy.’
Mapalad din akong napanuod ang show na ‘Game ka na ba?’ na si Edu Manzano ang naging host. May isang pagkakataon pa nga na ako ang inilistang sagot sa isang tanong na ipinukol sa mga contestants. Ganito ang katanungan batay sa pagkakaalala ko – sino ang doktor na sumulat ng aklat pambatang ‘Si Duglit, ang Dugong Makulit”? Multiple choice ito! Una sa mga choices na pagpipilian ay si Dr. Juan Flavier. Sumunod ay ang nakaupong DoH secretary noon na si Dr. Manuel Dayrit. Ako yata ang nakalista na pangatlong choice. Pang-apat ba si Dr. Jose Rizal? Di ko na maalala.
Ako na nanunuod ng show ay biglang naging bahagi ng mga sagot sa tanong na ipinupukol sa mga contestants. Siyempre pa’y kinilig ako. Biruin mo, ang pangalan ko ay isa sa mga pagpipiliang sagot. Kung sino man ang writer na gumawa ng listahan ng mga tanong na ipupukol sa contestants ay gusto kong pasalamatan. Nagbasa tiyak ito ng aklat pambata at maaaring naaliw siya sa karakter ni Duglit. At gaya nang inaasahan ko na, hindi pinili ng contestant ang aking pangalan bilang sagot sa tanong. Si Dr. Flavier yata o si Dr. Dayrit ang kaniyang isinagot.
Nang tanungin ako ni Augie Rivera, manunulat ng programang ‘Family Feud’ sa GMA 7 at kapwa kong manunulat ng aklat pambata, kung gusto kong subukang sumali sa kanilang popular na game show ngayon sa bansa, pinag-isipan ko itong mabuti. Kakayanin ko ba ang pressure?
“Sige, Luis, bumuo ka na ng team mo. Dapat ay apat kayo sa team. At ikaw ang tatayong team captain ng mga manunulat ng kuwentong pambata,” sabi sa akin ni Augie.
“E, hindi naman tayo celebrities, di ba?” pangangatwiran ko kasi’y nakikita kong karaniwan ay mga celebrities ang kanilang mga contestants.
“Naku, bilang awtor ng mga aklat pambata, parang semi-celebrity na rin ang mga children’s book authors,” pangungumbinsi pa niya.
Di rin pala madali ang humanap ng teammates para dito. Bukod kay Maloi Malibiran-Salumbides, na agad nagsabing game siyang sumali kasi’y gusto niyang makita at makapagpa-picture sa Family Feud host na si Dingdong Dantes, nahirapan din kaming buuin ang team. Kung hindi busy sa trabaho ay ganito naman ang tugon nila, ‘hindi ko yata kaya ang matinding pressure na mag-iisip ka ng sagot habang inoorasan ka.”
Kaya mapalad ako na nakasama ang tatlo pang manunulat ng aklat pambata na sina Rhandee Garlitos (awtor ng librong ‘Chenelyn! Chenelyn!), Yna Reyes (awtor ng ‘Ang Bagong Kaibigan ni Bing Butiki’), at si Maloi Salumbides (awtor ng ‘Tinola ni Nanay’). Kaming apat ang bumuo sa team na ‘The Storywriters.’
Hindi naglaon at nasumpungan naming humahanap sa department store ng damit (poloshirt o T-shirt) na kulay dilaw. Ito ang kulay na na-assign sa amin. Napagpasyahan naming maging uniform ang brand ng isang poloshirt na walang nakasulat na tatak sa dibdib. Sinadya naming sabay-sabay na pumunta sa isang mall upang bumili ng aming ‘uniform.’
Nang kami’y nagkape’t nagmiryenda, nagpukulan kami ng mga posibleng tanong na maaaring ilabas sa Family Feud. Panay ang tawanan namink habang kumakapa kami ng sagot! Paano nga ba pinaghahandaan ang isang game show na ang posibleng sagot ay kung ano lang ang pumasok sa isip. “Mag-relax na lang tayo. Kahit maghanda pa tayo, wala ring bearing kasi’y puro common knowledge ang itatanong o kaya’y gagamitan mo na lang ng common sense,” payo ko pa sa team. “Dapat ay mabilis din tayong mag-isip.”
Mga dating child stars pala sa mga teleserye ng GMA ang aming makakalaban sa Family Feud. Nakilala namin sila nang sabay-sabay kaming magpa-antigen test sa GMA studio para sa pagsalang namin sa game. Ang babata nila! Hala, dapat ba kaming magpatalo upang mas mapakinabangan nila ang mapapanalunang pera? Pero ang lahat ay pantay-pantay sa isang game show. Bata man o nakatatanda, iisa lang dapat ang goal – ang masungkit ang gantimpalang prize money.
Napag-isipan din ng grupo namin na dapat yata’y represented sa team namin ang kalahok mula sa iba’t ibang henerasyon. Kasi’y baka may mga tanong na mas masasagot ng mga millennials o Gen Z, at maaaring may mga tanong na mas gagap ng mga Gen X at Baby Boomers! Iyon siguro ang dahilan kung bakit napapanuod namin sa mga past episodes ng Family Feud na kasama ng mga celebrities ang kani-kanilang anak o pamangkin; parang intergenerational ang cast ng ‘pamilya’ na lalaban sa Family Feud. Pero ang kaso, hindi naman available ang ilang nakababatang storybook writers para sumali sa binubuong team. Kaya hayun, ang grupong nabuo namin ay di masyadong magkakalayo ang edad. Naku, bahala na si Batman!
At heto pa ang paalala sa aming mga contestants habang ino-orient kami: “Tandaan na hindi kayo ang tinatanong o sine-survey dito. Ang pinahuhulaan sa inyo ay ang top answers nuong mga sinarbey.”
Binanggit din nila na ang kanilang sinasarbey ay sandaang Pinoy, lalaki’t babae, mula sa iba’t ibang social demographics, pero mostly ay ‘masa’, mga ordinaryong Pinoy. Kaya kung paano mag-isip ang karaniwang Pinoy, ganun dapat ang mindset namin habang naglalaro.
Magandang paalala. Pero kapag pala nakasalang ka na at tinanong ka na ng host, kung ano na lang ang pumasok sa isip mo, ‘yun na ang sagot. Bawal ang coaching mula sa katabi. Time-pressured pa. Hindi mo na magagawang maisip kung swak ba sa masa o hindi ang iyong isasagot! Sasalok ka na lang sa baon mong stock knowledge. E, paano kung mag-freeze ang utak?
Nang malapit na kaming umere, at tinuturuan na kami ng dance steps, naitanong ko sa sarili kung ano ba ang ginagawa ko sa isang national game show. Nakaka-tense din kasi. Pakiwari ko ba ay sasalang ako sa isang board exam! Kahit pa sinasabi ko sa sarili na ‘mag-enjoy ka lang sa karanasang ito’, nasa isip ko rin na dapat ay masagot namin nang maayos ang mga tanong nang hindi kami magmukhang engot sa harap ng mga televiewers. Nandu’n din ang alalahanin na kapag kami’y nalito at nabigla ay baka biglang mag-trending sa social media ang aming mga sagot gaya ng ilang nauna sa amin. Natatandaan ko pa ang nag-trending na sagot ng isang babae nang itanong ni Dindong Dantes ang tungkol sa ‘parte ng katawan ng lalaki na nagsisimula sa letter T.’ Naku, kapag nagkataon, baka wala nang tumangkilik ng aming mga aklat pambata!
Siyempre, kahit paano, kagaya ng iba pang contestants sa game show sa national TV, may pressure din sa aming maiuwi ang gantimpala! Aha, competitive pala talaga kami!
Handa nang maglaro ang Team ‘The Storywriters’ versus Team ‘Kidspectacular.’ Tinawag na ang host na si Dingdong Dantes. Simula na ng palabas!
May Karugtong (Susunod: Kung bakit patok sa Pinoy ang mga game shows o ano ang halaga nito sa ating kultura)