SA gitna ng pagdiriwang ng local government week sa ikalawang linggo ng Oktubre, muling isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukala na patatagin ang pakikilahok ng mga local government units (LGUs) sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon.
Nauna nang ipinanukala ito ni Gatchalian sa 21st Century School Boards Act (Senate Bill No. 155) na layong palawigin ang local school board, pati na ang mga responsibilidad nito tungo sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon sa kanilang komunidad.
Ipinapanukala din ng mambabatas ang pagpapalawig sa paggamit ng Special Education Fund (SEF). Sa ilalim ng Local Government Code (Republic Act No. 7160), nakalaan ang SEF para sa local school board upang magamit sa pagpapatakbo ng mga pampublikong paaralan, at pagpapatayo at pagkumpuni ng mga school buildings.
Matatandaang nanungkulan si Gatchalian ng tatlong termino bilang alkalde ng Valenzuela kung saan isinulong niya ang mga reporma sa edukasyon. Gamit ang kanyang karanasan bilang batayan, binigyang diin ni Gatchalian na mas mabilis ang mga LGUs tumugon sa mga pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.
“Dahil mas malapit ang mga LGU sa ating mga kababayan at mas nauunawaan nila ang mga agarang pangangailangan pagdating sa edukasyon, isinusulong natin ang pagpapalawak ng responsibilidad ng ating mga local school board. Kung maisabatas ang ating panukala, magiging katuwang natin ang bawat LGU sa pag-angat sa kalidad ng edukasyon,” ani Gatchalian.
Sa ilalim ng panukala ni Gatchalian, bibigyan ng mandato ang local school board na magpatupad ng mga programa na susukatin ang tagumpay batay sa participation rate ng mga mag-aaral, bilang ng mga dropouts at mga out-of-school youth, achievement score sa mga national test o assessment tools, pagpapatayo ng mga child development centers, suporta sa special needs education, Alternative Learning System (ALS), at ang parent effectiveness service program.
Ipinapanukala rin ni Gatchalian na palawakin ang paggamit ng SEF upang magamit ito bilang sahod sa mga guro at non-teaching personnel sa mga pampublikong paaralan, sahod ng mga pre-school teachers, at capital outlay para sa mga pre-school. Bahagi rin ng panukalang pagpapalawak sa gamit ng SEF ang pagpapatakbo ng mga programa sa ALS at sahod at mga benepisyo ng mga guro sa mga karagdagang serbisyo sa labas ng regular school hours, bukod sa iba pa.
Naghain din si Gatchalian ng iba pang mga panukalang batas na layong palawakin ang papel ng mga LGU pagdating sa edukasyon. Sa ilalim, halimbawa, ng Basic Education and Early Childhood Education Alignment Act (Senate Bill No. 2029), isinusulong din ng mambabatas ang pinalawak na responsibilidad ng mga LGU sa pagpapatupad ng mga programa para sa early childhood care and development programs.