26 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Oportunidad sa trabaho, ilalapit ng DoLE sa mga aplikante

- Advertisement -
- Advertisement -

BINIGYANG-DIIN ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mahalagang papel ng mga kasosyo nito sa pribadong sektor bilang katuwang ng pamahalaan sa maayos na pangangasiwa ng mga serbisyong pang-empleyo sa mga taong naghahanap ng trabaho.

DoLE Secretary Bienvenido Laguesma

Ito ay itinampok sa paglalagda ng DoLE-Megaworld Memorandum of Agreement (MoA) kung saan itinalaga ang Megaworld Lifestyle Malls bilang opisyal na partner venue para sa satellite job fair at iba pang mga aktibidad ng DoLE sa ilalim ng rent-free arrangement.

Nilagdaan nina DoLE Secretary Bienvenido Laguesma at Megaworld Lifestyle Malls Assistant Vice President Michael Lao ang MoA sa DoLE Central Office sa Intramuros, Manila noong ika-13 ng Oktubre 2023.

“Kami ay positibo at kumpiyansa na ang paglagda ngayon ng DoLE-Megaworld partnership ay magsisilbing isang mahalagang mekanismo sa pagpapalawak ng aming umiiral na network, kung saan tutulong ang ating mga private partner sa pangangasiwa ng serbisyong pang-empleyo para makamit ang layunin ng kasalukuyang administrasyon sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R Marcos, Jr.,” pahayag ni Kalihim Laguesma.

Samantala, sinabi ni Assistant Vice President Lao na ang kooperasyon ay naaayon sa pangako ng Megaworld na suportahan ang pamahalaan at ang mga layunin nito.

Sa ilalim ng kasunduan, hindi maniningil ang Megaworld ng bayad sa upa at utility sa panahon ng mga job fair at iba pang mga aktibidad na pasisimulan ng DoLE at tutulong din sila sa pag-aanunsiyo ng mga ito sa pamamagitan ng libreng paggamit ng mga standees at billboard, mga online announcement, at traditional media.

Sa kabilang banda, gagamitin lamang ng DoLE ang mga eksklusibong lugar na ibinigay para sa pagsasagawa ng mga satellite job fair at iba pang aktibidad na pinasimulan nito at susunod sa mga regulasyon at patakaran sa kaligtasan at seguridad ng mall.

Kabilang sa mga natukoy na Megaworld Lifestyle Malls ay ang Central Plaza sa Eastwood City; Lucky Chinatown sa Binondo, Manila; Arcovia City sa Pasig; Venice Piazza sa McKinley Hill, Taguig; The Village Square sa Alabang, Muntinlupa; Clark Cityfront sa Clark, Pampanga; Southwoods Mall sa Biñan, Laguna; Iloilo Festive Walk sa Mandurriao, Iloilo City; at The Mactan Newtown sa Mactan, Cebu.

Sinabi ng Kalihim ng DoLE na inaasahan na ang kooperasyon ay magkakaroon ng magandang epekto, partikular sa mga unang beses na naghahanap ng trabaho, kung saan maaaring magamit ang iba pang serbisyong pang-empleyo, tulad ng counseling at pre-employment documentation sa panahon ng mga job fair.

 

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -