BINIGYANG diin ni Senador Win Gatchalian ang mahalagang papel ng mga paaralan upang maprotektahan ang mga mag-aaral mula sa hazing, bagay na aniya’y obligasyon ng mga paaralan sa ilalim ng batas. Kasunod ito ng pagkamatay ng 25-taong gulang na si Aldrin Bravente, isang mag-aaral mula sa Philippine College of Criminology na namatay dahil sa umano’y insidente ng hazing.
Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa ilalim ng anti-hazing law, mandato sa mga paaralan na maglunsad ng mga information campaign sa simula ng semestre o trimestre para sa mga mag-aaral, mga magulang, at guardian ukol sa mga pinsalang dulot ng hazing.
“Taos-puso akong nakikiramay sa pamilya ni Aldrin Bravente. Kaisa ako ng pamilya sa paghahangad ng hustisya at nananawagan ako sa mga alagad ng batas na tiyaking mahuhuli ang mga sangkot sa pagkamatay ni Aldrin,” ani Gatchalian, isa sa mga may akda at co-sponsor ng Anti-Hazing Act of 2018 (Republic Act No. 11053).
Ayon sa ulat ng mga pulis, sumailalim si Bravente sa fraternity initiation rites sa isang abandonadong condominium sa Quezon City. Namatay siya dahil sa hematoma sa Chinese General Hospital, kung saan siya isinugod matapos ang initiation rites. Hawak na ng Quezon City Police District (QCPD) ang apat na mga suspek.
Ipinagbabawal ng batas ang lahat ng anyo ng hazing sa mga fraternity, sorority, at organisasyon sa mga paaralan, kabilang ang citizens’ military training at citizens’ army training.
Reclusion perpetua o panghabangbuhay na pagkakabilanggo at multang P3 milyon ang ipapataw sa sino mang nag-plano o nakilahok sa hazing na nagdulot ng pagkamatay, rape, sodomy, at mutilation.