25.9 C
Manila
Huwebes, Disyembre 19, 2024

Paghahanda para sa gaganaping BSK elections, pinaiigting ng MPOS-BARMM

- Advertisement -
- Advertisement -

LALO pang pinaiigting ng pamahalaan ng BARMM, sa pamamagitan ng Ministry of Public Order and Safety, ang mga ginagawang paghahanda para sa gaganaping Barangay at Sangguninang Kabataan Elections sa Oktubre 30.

Pinulong kamakailan ng Ministry of Public Order and Safety (MPOS) ng BARMM sa Cotabato CIty ang mga religious leaders mula sa iba’t ibang parte ng BARMM upang magsulat ng khutbah (religious sermon) na gagamitin sa pagpapalaganap ng mga mahahalagang mensahe at impormasyon para sa pagkakaroon ng mapayapang Barangay and Sangguniang Kabataan (BSK) elections sa darating na Oktubre 30. Larawan mula sa MPOS-BARMM

Sa programang PIA Talakayang Dose ng Philippine Information Agency Region XII, ibinahagi ni Bhenhar Ayob, development management officer V ng Home affairs Services Law Enforcement Coordination Division ng MPOS, ang mga isasagawang aktibidad at programa ng tanggapan upang masiguro ang mapayapang halalan.

“Pinapaigting ang monitoring sa mga barangay sa buong rehiyon. Pangalawa yung pagpapalakas natin ng coordinative function with different law enforcement agencies. Nakalatag na rin po ang ating mga plano para sa pagsasagawa ng isang malawakang peace rally. Other than that, may ginagawa na rin tayong advocacies para sa isang mapayapang halalan,” ani Ayob.

Kabilang sa mga nakalinyang aktibidad ng MPOS ay ang malawakang prayer rally, religious sermon sa buong BARMM, peace advocacy campaign, pamamahagi ng infographic materials, at iba pa.

Ayon pa kay Ayob, tinututukan din ng MPOS ang pagpapalakas ng kanilang monitoring sa ilang mga lugar sa rehiyon na itinuturing na “areas of special concern.” Ito ay sa pamamagitan ng pagdeploy ng mga community volunteer na magsisilbing katuwang ng tanggapan sa pagbibigay ng update sa sitwasyon sa mga lugar sa rehiyon sa kasagsagan ng halalan.

Samantala, muli ring binigyang-diin ng MPOS ang kahalagahan ng partisipasyon at kooperasyon ng bawat isa para maisagawa ang isang mapayapa at malayang pagboto sa darating na halalan. (LTB – PIA Cotabato City)

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -