MULING iginiit ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panawagan sa Teacher Education Council (TEC) na tiyaking nakahanay ang pagsasanay at edukasyon ng mga guro sa kalulunsad na K to 10 Matatag curriculum.
“Isang dahilan kung bakit pinaigting natin ang Teacher Education Council ang kawalan ng koneksyon sa edukasyon ng ating mga guro mula kolehiyo hanggang sa magturo sila sa ating mga paaralan. Ituturo ng ating mga guro sa paaralan ang isang curriculum na hindi naman nila ginamit sa pagsasanay nila sa kolehiyo, at ngayon ay dinaranas natin ang parehong suliranin,” ani Gatchalian.
Sa ilalim ng Excellence in Teacher Education (Republic Act No. 11713), ang Kalihim ng Edukasyon ang itinalagang chairman sa pinaigting na Teacher Education Council (TEC) na may mandatong iangat ang training at edukasyon ng mga guro. Mandato rin ng TEC na magtalaga ng basic requirements para sa mga teacher education programs o kurso sa edukasyon.
Nakasaad din sa batas na tungkulin ng TEC na paigtingin ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHEd), at Professional Regulation Commission (PRC) upang matiyak ang ugnayan ng pre-service o training at edukasyon ng mga guro mula kolehiyo hanggang sa in-service o kapag nagtuturo na sila sa mga paaralan.
“Nais kong bigyang diin na kailangang kumilos ng Teacher Education Council lalo na’t may bago tayong curriculum. Bahagi ng responsibilidad at kapangyarihan ng Council na iugnay ang bagong curriculum sa mga polisiya, pamantayan, at mga guidelines sa mga kurso ng edukasyon sa kolehiyo,” dagdag na pahayag ni Gatchalian.
Hinimok din ni Gatchalian ang DepEd na tiyaking may pormal na dokumentasyon at pag-aaral sa pilot run ng Matatag K to 10 curriculum, na sinimulan noong Setyembre 25 sa 35 na piling paaralan sa pitong rehiyon. Binigyang diin niya na makakatulong sa polisiya ng DepEd ang magiging mga aral mula sa pilot implementation, kabilang ang feedback mula sa mga mag-aaral at mga guro.
Ayon pa kay Gatchalian, kailangang tiyaking handa ang mga dekalidad na learning materials hanggang sa maipatupad nang ganap ang bagong curriculum.