25.4 C
Manila
Biyernes, Enero 10, 2025

Mga trabaho sa hinaharap, kailangan ng soft skills at upskilling

- Advertisement -
- Advertisement -

PANIBAGONG yugto, panibagong pakikipagsapalaran muli ang naghihintay sa mga nagtapos ngayong taon, maging sa mga taong nahihirapang makahanap ng trabaho sa kadahilanang hindi angkop ang kanilang kakayahan sa hinahanap ng karamihan sa mga kompanyang nasa ilalim ng serbisyo ng Jobstreet Philippines.

Bagama’t nakakabahala ang AI sa mundo ng pagtatrabaho, karaniwan pa ring hanap ng mga kumpanya ang mga taong may natural na kakayahan o soft skills gaya ng social skills, interpersonal skills, time management, ethics, teamwork. TMT FILE PHOTO

Sa pag-usbong ng AI o Artificial Intelligence sa ating teknolohiya hindi maiiwasang mabahala ang ilan sa ating mga kababayan sa walang kasiguruhang dulot nito lalo na sa kinabukasan ng mga kabataang nagsisimula pa lamang landasin ang larangan ng paghahanapbuhay.

Halos lahat ng kompanya ngayon ay nagnanais kumuha ng mga manggagawa na may kakayahang soft skills na hindi lamang ginagamit kundi makikipagsabayan pa sa mga makabagong teknolohiyang likha sa modernong henerasyon.

Sa panayam ng The Manila Times kay Rafael Inigo dela Cruz, kumakandidatong marketing lead ng Jobstreet Philippines, inihayag nito ang ilang hangarin ng mga kumpanyang nagnanais kumuha ng mga indibidwal, para sa white collar jobs, na bukod sa soft skills ay may dunong sa paggamit ng mga kompyuter at may alam sa pananaliksik nang makakalap ng kaalaman at kakayahan sa pagresolba ng mga suliranin.

“Ilan sa mga platapormang kailangan nilang matutunan ay paggamit ng Google search, Reddit, stock exchange, government sites, social media, dapat maging pamilyar ang mga aplikante sa mga ganito,” ani dela Cruz.

Ibinahagi din nito na ang paggamit ng artificial intelligence ay maaring ipakahulugan sa dalawang paraan: bilang banta sa pag-alis ng mga labis na trabaho, o bilang kagamitan upang maging mas mahusay ang isang manggagawa.

Bagama’t nakakabahala ang AI sa mundo ng pagtatrabaho, karaniwan pa ring hanap ng mga kumpanya ang mga taong may natural na kakayahan o soft skills gaya ng social skills, interpersonal skills, time management, ethics, teamwork na hindi kalimitang itinuturo sa mga paaralan at kulang din sa mga kabataan ngayong panahon. Ang hard skills naman ay kalimitang itinuturo sa paaralan gaya ng teknolohiya, siyensya, matematika atbp.

 

“Nagtitiwala ang mga employers sa mga aplikanteng kayang gumawa ng mahusay na desisyon. Ang kritikal na pag-iisip ay nakakatulong sa isang indibidwal na isaalang-alang ang mga kaugnay na salik,” dagdag pa ni dela Cruz.

Ibinahagi din nito na karamihan sa mga kumpanya ngayon ay hinahanap sa isang aplikante ang kakayahan nitong mabilis mag-desisyon, may kakayahang mag-multitask at mamahala ng oras, lalo na noong kasagsagan ng pandemyang Covid-19 na nagbukas sa mga remote work o telecommuting.

Kung saan bago pa dumating ang Covid 19, nabanggit ni dela Cruz na 15 porsiyento ng mga pumapasok sa trabaho ay nagnanais na magtrabaho na lamang sa bahay o di kaya’y hybrid setup, habang 85 porsiyento naman ang mas piniling pumasok sa opisina. Ngunit nang matapos ang paglaganap ng naturang pandemya, tumaas sa 50 porsiyento ang bilang ng mga manggagawa na nais magtrabaho na lamang sa bahay o work from home, samantalang 20 porsiyento naman dito ang mas pinili ang hybrid setup.

Ayon kay dela Cruz ang pandemya ay, “nagbukas na parang isang pandora’s box, at hindi nila masasabi na ang utos na pagbabalik trabaho ay may epekto sa ekonomiya, ngunit nandito na ito, tanging pamamahala ng oras lamang ang kailangan.”

Gayunpaman, ang work from home ay may kaakibat na hindi inaasahang problema, saad pa ni dela Cruz, isa na nga dito ang walang kakayahang tumigil sa pagtatrabaho ng mga manggagawa.

Ayon din sa Jobstreet, kabilang sa malalaking industriya na madalas at palaging naghahanap ng mga aplikante ay ang mga customer service representatives, mga guro, mga administratibong opisyal at mga nars, kung saan ang mga guro at mga nars ang pinakanangungunang trabaho na masigasig na pinupunan ng mga may-ari, saad pa ni dela Cruz.

Gayunpaman, ibinahagi din ni dela Cruz na sa pagyabong ng AI at digitalisasyon, ang mga trabahong kaugnay nito ay nagiging in-demand din. Habang ang mga trabaho gaya ng customer service ay hindi pa sa ngayon mapapantayan ng teknolohiya bilang ang soft skills ng mga Pilipino ay napatunayan nang mas matibay sa gitna ng mga makabagong kagamitan.

Subalit, ilan sa mga blue collar jobs o mga trabahong manual ay nanganganib ng mawala dahil na rin sa awtomasyon, gaya ng mga construction workers na napapalitan na ng three-dimensional o 3D printing.

“Karamihan sa mga blue collar jobs ay  kinakailangan ng mas matalinong pagbalanse na kakailanganin naman ay mas mataas na lebel ng awtomasyon,” ani dela Cruz.

Nabanggit din ni dela Cruz ang mga hakbang ng bansa na bantayan ang pag-aaral online, lalo na sa mga nakababatang henerasyon, bilang ilan sa mga ito ay natututo na kahit sa online lamang, kung kaya’t karamihan sa mga kabataan ngayon ay natututunan ang bagong skills sa sarili nilang diskarte. Nais din nito na pagtuunan ng pansin ng pamahalaan ang paglinang sa mga bagong skills o kakayahan ng mga estudyante.

“Kumpara sa mga naunang henerasyon, (ang mga kabataan ngayon) ay bukas na matuto sa mga datos na kanilang nakukuha online. Maari man na ikontra argumento na mapanganib ang pagkonsumo nito, ngunit ang mga kabataan ngayon ay may likas ng abilidad na matuto ng bago,” ani dela Cruz.

Sa huli, idinagdag pa niya na ang paglikha ng content ay magiging mas malaki pa sa darating na panahon, dahil mahilig ang mga Pilipinong maglahad ng kwento tampok ang sarili, lalo na ngayon na lumalakas ang kalakalan sa paglikha ng content matapos magtala ng $14-bilyon ang US ukol dito.

“Lalago pa ito, at nakikita kong mas aangat pa ang pangangailangan na panatilihin ang industriyang ito,” ani dela Cruz. Halaw ni Sthef Baylosis sa artikulong Ingles ni Red Mendoza sa The Manila Times

 

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -