25.1 C
Manila
Huwebes, Enero 16, 2025

Adbokasiya laban sa child labor, pinalakas ng DoLE, mga partner 

- Advertisement -
- Advertisement -

ANG pinalakas na mekanismo at pakikipagtulungan upang wakasan ang child labor sa Pilipinas ang naging pangunahing tampok sa pagdiriwang ng ika-4 na anibersaryo ng National Council Against Child Labor (NCACL).

Gusali ng Department of Labor and Employment

Sa kanyang pangunahing mensahe sa nasabing pagdiriwang na ginanap noong ika-19 ng Oktubre sa Quezon City (QC) Hall Risen Garden, ipinahayag ni Department of Labor and Employment (DoLE) Undersecretary for Workers’ Welfare and Protection Cluster Benjo Santos Benavidez ang kanyang pasasalamat sa lahat ng NCACL member-agency sa pagpapatuloy sa pangako nito na wakasan ang child labor sa Pilipinas.

 

“Naniniwala ang DoLE na ang mga bata ay nasa paaralan at wala sa lansangan at mga pagawaan. Dapat po sila ay malaya, hindi mga manggagawa,” pahayag ng labor undersecretary.

 

Sa nasabi ring pagdiriwang, tumanggap ang 100 na profile na mga child laborer mula sa QC at ang kanilang mga magulang ng iba’t ibang serbisyo mula sa mga kalahok na ahensiya. Ginawaran ng certificate of eligibility ang mga magulang ng mga batang-manggagwa para sa tulong-pangkabuhayan sa ilalim ng DoLE Integrated Livelihood Program (DILP). Ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc., na benefactor ng Project Angel Tree, ay nagbigay ng gamit pang-eskuwela bilang tugon sa panawagan na panatilihin ang mga kabataan sa kanilang pag-aaral.

 

Nagbigay din ang DoLE ng tulong pang-ekonomiya, sa pamamagitan ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), sa mga indibidwal o grupo ng tulong-kapital o capacity building sa ilalim ng DILP. Samantala, nagbigay ang Project Angel Tree ng serbisyong panlipunan, tulad ng pagkain, pang-edukasyon, pagsananay pangkabuhayan, atbp., mula sa mga sponsor o benefactor (angel) ng mga batang-manggagawa at kanilang pamilya.

 

Pagwawakas ng child labor sa QC

 

Bilang host city, nagbigay ang lokal na pamahalaan ng QC ng iba’t ibang serbisyo sa mga na profile na child laborer at kanilang mga magulang, kabilang ang serbisyong-medikal mula sa QC Health Department at scholarship grant mula sa QC Youth Development Council. Tumanggap din ang mga benepisaryo ng mga disaster preparedness kit at mga punla mula sa lokal na pamahalaan ng QC.

 

Tiniyak ni Undersecretary Benavidez na gagawin din ang mga nasabing inisyatiba sa buong bansa, partikular sa mga rehiyon na may mataas na insidente ng child labor.

 

Bilang matatag na katuwang sa kampanya na wakasan ang lahat ng uri ng child labor sa bansa, ang QC LGU, sa pamumuno ni City Mayor Josefina “Joy” Belmonte, ay naglabas ng mga ordinansa upang matugunan ang problema ng child labor sa kanilang lungsod. Kabilang dito ang pagtatatag ng isang seksyon na nakatuon sa child labor sa ilalim ng Public Employment Services Office (PESO) at paglalatag ng mekanismo na tutugon sa mga pang-aabuso sa mga bata na may kaugnayan sa digital economy, tulad ng online sexual abuse at pagsasamantala sa mga bata.

 

Pinalakas na pangako

 

Sa parehong okasyon, lumagda ang DoLE at ang World Vision Development Foundation, isang non-government organization, ng isang memorandum of agreement (MOA) na nagpapahayag ng patuloy na pagtutulungan sa pagpapatupad ng kanilang Project Against Child Exploitation o Project ACE. Nagsimula noong 2019, nilalayon ng Project ACE na pahusayin ang legal na balangkas at mga patakaran sa pinakamasamang anyo ng child labor, kabilang ang OSAEC, magbigay ng mas mahusay na tulong at serbisyo sa mga biktima ng child labor, at palakasin ang mga partnership para matugunan ang problema ng child labor sa bansa.

 

Sa kanyang pangwakas na talumpati, hinikayat ni Labor Assistant Secretary for Workers’ Welfare and Protection Cluster Dominique Rubia-Tutay, na binasa ng BWSC Young Workers Development Division Jerommel Gabriel, ang mga magulang ng mga child laborers na gamitin ang mga programa at serbisyo ng pamahalaan upang tulugan sila sa kanilang kasalukuyang sitwasyon.

 

“Umaasa ako na hindi dito magtatapos ang ating kampanya laban sa child labor. Sana ay naging paalala ito sa lahat ng participants, members at partners ng NCACL, LGU, parents at guardians at sa inyong mga bata tungkol sa mga programa na inilaan para sa inyo,” wika ng assistant secretary said.

 

Mula nang itatag noong 2019, may 620,566 na mga child laborer ang na-profile sa pamamagitan ng sama-samang pagsisikap ng NCACL, 614,808 dito ang isinangguni sa kanilang mga partner para sa pagbibigay ng tamang interbensyon habang 138,460 naman ang nabigyan ng mga kinakailangang serbisyo, tulad ng tulong pangkabuhayan at edukasyon, pagsasanay, emergency employment, tulong pinansyal, membership sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program, counseling, at iba pa. CSDM/GMEA

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -