NASA loob ng Suggested Retail Price (SRP) pa rin ang mga presyo ng kandila at bottled water sa lalawigan, ayon sa mga kawani ng Department of Trade and Industry (DTI).
Nagsagawa ng product at price monitoring kahapon ang DTI kasama ang mga miyembro ng Local Price Coordinating Council sa bayan ng Solano alinsunod sa utos ni President Ferdinand Marcos, Jr. na siguraduhin na nasa tamang presyo pa rin ang mga produktong kandila at bottled water dahil sa paparating na ‘Undas’ sa susunod na linggo.
Ayon kay Rowena Mayangat, acting DTI Provincial chief, may mga bottled water at kandila ang mas mababa pa sa SRP base sa kanilang pag-iikot sa anim na business establishment sa bayan ng Solano na siyang premier commercial town ng lalawigan.
Dahil dito, makakaasa ang mga mamamayan na nasa tama at mas mababang presyo ng mga kandila at bottled water sa Nueva Vizcaya para sa obserbasyon ng ‘Undas’ sa susunod na linggo.
Ang product at price monitoring ay ikinasa kahapon ng DTI Nueva Vizcaya bilang pakikiisa sa pambansang product at price monitoring alinsunod sa kautusan ni Pangulong Marcos. (BME/PIA NVizcaya)