29 C
Manila
Martes, Enero 21, 2025

Malalalang epekto ng mataas na inflation rate 

- Advertisement -
- Advertisement -

NITONG mga nakaraang linggo, laman ng mga balita sa Estados Unidos ang pagtaas ng porsiyento ng balik o yield ng mga panagot o bond na umabot na sa 5 porsiyento. Ang pagtaas nito ay maraming dahilan at implikasyon.  Ang pagtaas ng porsiyento ng balik ng mga panagot ay nagpapahiwatig ng pagbaba ng presyo ng panagot. Ang yield ay nasusukat bilang porsiyento ng panapanahong interes na ibinabayad sa may hawak ng bond sa presyong binili ang bond. Halimbawa, kung ang panapanahong interes ay $ 100 bawat taon at ang bond ay ibinenta sa halagang $ 3,333.33 ang yield nito ay 3 porsiyento. Samakatuwid, kung ang porsiyento ng balik ay umabot na sa 5 porsiyento sa mga nakaraang linggo, nagpapahiwatig na ang presyo ng mga bond ay bumaba at ibinebenta na lang ito sa halagang $ 2000 bawat yunit.

May tatlong dahilan kung bakit bumababa ang presyo ng mga bond o tumataas ang yield ng mga bond.  Una, luwalawak ang suplay ng mga bond na iniisyu ng Treasury ng Estados Unidos upang makalikom ng pondo upang bayaran ang interes at prinsipal ng napakalaking utang ng pamahalaan ng Estados Unidos na umabot na sa halagang $ 31 trilyon at matustustan ang lumalaking budget deficit ng pamahalaan na umabot na sa halagang $ 1.7 trilyon. Ang ikalawang dahilan ay nagmumula sa epekto ng pagtaas ng interest rate sa pagpapautang na itinatakda ng Federal Reserve ng Estados Unidos upang kontrolin ang bumibilis na pagtaas ng presyo o inflation rate. Dahil itinataas ng Federal Reserve ang interest rate sa 5.25 porsiyento hanggang 5.5 porsiyento napipilitang itaas din ang yield ng mga bond upang maging kompetitibo itong instrumentong pananalapi. Tulad nang nabanggit may di tuwirang relasyon ang porsiyento ng balik at ang presyo ng bond. Dahil tumataas ang yield bunga ng pagtaas ng interest rate ng Federal Reserve bumababa ang presyo ng mga bond. Ang ikatlong dahilan ay mula sa papel ng mga bond vigilante. Ang mga bond vigilante ay mga tao at institutusyon na humahawak ng malaking istak ng bond na nababahala sa pagbaba ng tunay na balik ng kanilang hinahawakang mga bond at iba pang instrumentong pananalapi bunga ng mataas na inflation rate na umabot sa 3.7 porsiyento noong Setyembre 2023 na mas mataas kaysa average na inflation rate na tinataya sa 3.28 porsiyento. Dahil tinitimbang ng Federal Reserve ang epekto ng pagtaas ng interest rate upang kontrolin ang inflation sa paglaki ng ekonomiya hindi nila itinataas agad ang interest rate kahit tumataas na ang inflation rate. Sa ganitong sitwasyon, napipilitan ang mga bond vigilante na magbenta ng maraming bond na nagpapababa sa presyo nito at nagpapataas sa porsiyento ng balik upang pangalagaan ang tunay halaga ng balik sa kanilang hinahawakang mga bond.

Ang tumataas na inflation rate ay hindi lamang nagpapababa sa kakayahang makabili ng mga mamamayan lalo na yung mga may takdang kita tulad ng mga pensiyonado. Masama rin ang epekto nito sa bilihan ng mga pondo. Sa pagtaas ng inflation rate nanganganib ang kakayahang makabili ng mga kitang tinatanggap ng mga humahawak ng mga bond at mga stock ng mga korporasyon kaya’t tinatabangan ang mga taong mag-impok at magpautang. Kung hindi tutugunan ng Federal Reserve ang mabilis na pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin, nagbabadya ito ng resesyon dahil mas kaunti na lamang ang may kagustuhang magpautang sa pamamagitan ng pag-iimpok o paghawak ng mga bond o bumili ng mga stock ng mga korporasyon upang tustusan ang gugulin ng pamahalaan at guguling pangangapital ng mga korporasyon. Samantala, kung itataas naman ng Federal Reserve ang interest rate, magiging mahal ang pangungutang at maaaring lumiit ang mga pangunahing demand sa ekonomiya na nagbabadya din ng resesyon. Mahirap ang sitwasyong ito dahil may gawin o wala ang Federal Reserve sa pagkontrol ng inflation nauuwi ito sa pagbagal ng paglaki ng ekonomiya. Kung walang gagawin sa pagbabago ng interest rate upang tugunan ang kasiyahan ng mga nangungutang tinatabangan naman ang mga nagpapautang. Kung itataas naman ang interest rate, natutugunan ang kapakanan ng mga nagpapautang ngunit bumibigat ang pasanin ng mga nangungutang.

Marahil ang dapat gawin ay lumihis sa patakarang monetaryo upang kontrolin ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. May ilang alternatibong na pwedeng pag-isipan.  Una, kung ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ay bunga ng pagtaas ng kabuoang demand, maaaring gamitin ang fiscal policy upang kontrolin ang gugulin ng pamahalaan. Subalit sa laki ng kabuoang utang ng pamahalaan ng Estados Unidos at ng budget deficit nito hindi makatotohanan ang alternatibong ito. Ang natitirang alternatibo ay ang pagpapalawak ng suplay sa mga produkto at serbisyo. Ayon sa huling ulat, isa sa pangunahing dahilan ng tumataas na inflation rate ay ang nabaling global supply chain bunga ng pandemic. Sana sa pag-ahon ng mga ekonomiya sa buong mundo maibabalik na ang napatid na global supply chain na magpapatatag sa presyo ng mga bilihin. Matagal tagal pa ito, kaya’t gagamit pa rin ang pamahalaan ng patakarang monetaryo upang kontrolin ang mabilis na pagtaas na presyo. Alam natin ang mga isasakripisyo ng iba’t ibang sektor ng ekonomiya sa alternatibong ito. Kaya’t dapat sugpuin sa simula pa ang ugat ng pagtaas ng mga presyo ng bilihin upang mahupa ang mga malalalang epekto ng inflation sa ekonomiya.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -