24.1 C
Manila
Miyerkules, Disyembre 25, 2024

Alamin ang Universal Health Care for Children para sa kalusugan ng mga bata

- Advertisement -
- Advertisement -

ISINUSULONG ng Department of Health (DoH) ang Universal Health Care for Children upang maiangat ang antas ng kalusugan ng mga kabataan sa bansa. 

Ipinresenta ni DoH Usec. Vergeire ang mga datos pangkalusugan at nutrisyon ng mga bata sa Pilipinas. (Larawan mula sa DSWD)

Ito ang inihayag ni DoH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa pagbubukas ng 2023 National Children’s Month (NCM) na idinaos nitong Nobyembre 6 sa Valenzuela City Amphitheater, Lungsod Valenzuela.

Ayon kay Vergeire, nilalayon ng DoH na ilipat ang sistema ng kalusugan ng bansa mula sa kasalukuyang high-cost, specialist-centric system tungo sa preventive, promotive, at integrated primary healthcare service delivery system na maagang nakakakita at namamahala sa mga sakit at tinutugunan ang mga ugat nito.

“Noong nakaraang pandemya, nakita natin na tumaas nang tumaas ang kaso ng mga kabataan natin na nagkakaroon ng mga issue sa kanilang mental health. Na nagkakaroon ng tinatawag nating suicide ideation. Ang ibig sabihin no’n ay nagkakaroon  sila ng pag-iisip na kikitilin nila ang kanilang buhay dahil wala silang matakbuhan. Wala silang mapuntahan kapag sila ay may problema,” aniya.

Dagdag pa niya, ang pagsiguro ng pagkakaroon ng pangkalahatang serbisyong pangkalusugan ay isang mahalagang hakbang upang matiyak na ang lahat ng mga bata ay magkakaroon ng pantay na access sa mga mahahalagang serbisyo tulad ng regular na check-ups, mga bakuna, at mga serbisyong pang-mental health.

Sa kabila ng pangunahing pag-aalaga sa pisikal na kalusugan ng mga bata, hindi rin dapat aniya kalimutan ang kanilang kalusugang pangkaisipan o ang mental health.

Ang pagkakaroon ng sapat na suporta para sa kanilang kalusugang pangkaisipan ay isang paraan upang tiyakin na sila ay ligtas at masaya, at ito ay nagbibigay sa kanila ng magandang pundasyon para sa kanilang kinabukasan, ayon pa sa opisyal.

Tuwing Nobyembre, ipinagdiriwang ng Pilipinas ang National Children’s Month, na nagbibigay sa lipunan ng mahalagang plataporma upang magkaroon ng kamalayan sa mga iba’t-ibang pagsubok na kinahaharap ng mga bata.

Sa temang, “Healthy, Nourished, Sheltered: Ensuring the Right to Life for All!” nakatuon ang pagdiriwang ngayong taon sa nutrisyon at kalusugan ng kabataan.

CWC ED Angelo Tapales sa kaniyang pangbungad na mensahe sa kick-off ceremony ng 2023 National Children’s Month (Larawan mula sa DSWD)

Ayon kay Council for the Welfare of Children (CWC)  Executive Director Angelo Tapales, Ang pagiging malusog ay hindi lamang pagiging malaya sa sakit. Kung hindi pati na rin sa pagkakaroon ng mga pagkakataon para sa pisikal, mental at emosyonal na kaginhawahan.”

Bakit nutrisyon at kalusugan?

Ayon kay DoH Usec. Vergeire, 1 sa 3 Pilipinong bata ang bansot at mula sa 27 milyong Pilipinong sobra ang timbang o obese, 11.6 porsiyento nito ay kabataan at ang Pilipinas ay nasa ika-69 na pwesto sa 121 na mga bansa ayon sa global hunger index noong nakaraang taon. “Bagama’t tayo ay nasa kalagitnaan, hindi tama na nakakakita tayo ng mga batang nagugutom dito sa ating bansa.” 

Binibigyang halaga ng CWC ang boses ng kabataan kaya naman sa tulong ng mga non-government organization (NGO) mula sa National Steering Committee on Child Rights Advocacy (NSC-CRA), nagsagawa ng online survey ang  CWC sa 434 na mga bata sa buong bansa para sa 2023 NCM.

Karamihan sa mga bata (39.40 porsiyento) ay nais magtuon sa Survival Rights at sa ilalim ng Survival Rights 34.78 porsiyento ang pumili sa kalusugan at nutrisyon bilang pangunahing isyu na dapat bigyang diin.

Paalala ni CWC Executive Director Tapales sa pagtatapos ng programa na mahalaga na tiyakin na ang mga pangunahing karapatan ng mga bata ay hindi lamang mga salita na isusulat sa papel.

Aniya, ito dapat ay ipinamamalas at isinasagawa sa buhay ng bawat bata. Isang malaking tungkulin ng bawat Pilipino na lumikha ng isang kapaligiran upang umunlad, lumaki at magkaroon ng pinakamataas na potensyal ang isang bata anuman ang pangangailangan o kalagayan niya sa buhay.

“Ang mga bata ay may karapatan. May sarili silang personalidad. Sila ay hindi ektensyon ng pagkatao nating matatanda o nating mga magulang. Kaya mahalin natin sila, igalang natin ang karapatan nila,” ayon kay Tapales.

Sa pangunguna ng CWC, kasama ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at City Government of Valenzuela, ang pagbubukas ng 2023 NCM ngayong taon ay dinaluhan ng mga kabataan, advocates at mga magulang kasama ang kanilang anak, suot suot ang mga paboritong gulay at prutas.(GLG/PIA-NCR)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -