NAKIISA ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa selebrasyon ng buwan ng mga bata o National Children’s Month ngayong Nobyembre sa pamamagitan ng paglalahad ng mga ginawa at mga gagawin pang proyekto para sa mas ikabubuti ng pamumuhay ng mga Batang Maynila sa siyudad.
Pinangunahan ni Punong Lungsod Honey Lacuna-Pangan ang pagdiriwang sa pamamagitan ng kanyang State of the Children’s Address, kung saan inilahad niya ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaang lungsod upang mapangalagaan, maingatan, at mahalagahan ang mga Batang Manilenyo.
“Magtulungan tayong dinggin ang kanilang mga munting tinig at alalayan silang abutin ang kanilang mga munting pangarap. Sila ang ating pag-asa. Ialay natin sa kanila ang isang maganda, malinis, masigla, maunlad at ligtas na lungsod,” ani Lacuna-Pangan.
Kasama rin ang pangalawang punong lungsod Yul Servo Nieto, na siyang nanguna sa Panatang Makabata.
Ipinresenta rin ni Second District Councilor at Manila Council for the Protection of Children (MCPC) Vice Chairperson Roma Robles ang mga naging inisyatiba ng MCPC sa nakaraang taon.
Ipagpapatuloy ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng Manila Department of Social Welfare na pinamumunuan ni Officer-in-Charge Ma. Asuncion “Re” Fugoso ang mga proyektong kakalinga sa mga nakararami tungo sa Maringal na Maynila. (SDL/PIO MANILA/PIA-NCR)