KASUNOD ng paglulunsad ng Digital Education 2028 o Digi-Ed ng Department of Education (DepEd), muling isinulong ni Senador Win Gatchalian ang kanyang panukalang batas para sa digital transformation sa sektor ng edukasyon na susuporta sa naturang programa ng DepEd.
![](https://www.pinoyperyodiko.com/wp-content/uploads/2023/11/photo_2023-11-06-08.36.41-1024x682.jpeg)
Sa ilalim ng DepEd Dig-Ed na inilunsad sa 49th Philippine Business Conference and Expo ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), sinabi ng DepEd na sisikapin nito ang pagkakaroon ng School-Wide WiFi sa buong bansa sa tulong ng iba’t ibang service providers. Dalawang libong mga paaralan ang nabigyan na ng satellite para sa Wi-Fi internet connectivity at 25 na paaralan naman ang napili para subukan ang proof of concept ng American company na Starlink, ayon kay Vice President at Secretary of Education Sara Duterte.
Nakahanay ang Digital Transformation Digital Transformation of Basic Education Act (Senate Bill No. 383) sa Republic Act No. 10929 o ang Free Internet Access in Public Places Act. Sa ilalim ng naturang panukala, magiging mandato sa Department of Information and Communications Technology (DICT) na pabilisin ang paglalagay ng libreng public Wi-Fi sa lahat ng mga pampublikong paaralan.
Nakasaad din sa panukalang batas na dapat paigtingin ng DepEd ang pagpapatatag sa kakayahan ng mga paaralan pagdating sa kanilang information and communications technology (ICT) upang magpatupad ng distance learning. Sa ilalim din ng panukalang batas, magiging mandato sa Department of Science and Technology (DoST) na tulungan ang DepEd at DICT sa paggamit ng agham, teknolohiya, at inobasyon para gawing moderno ang pag-aaral at pagtuturo, at upang ihanda ang sektor ng edukasyon para sa Fourth Industrial Revolution.
“Hindi na natin maiiwasan ang paggamit ng teknolohiya sa pag-aaral at pagtuturo, lalo na’t naging malinaw sa atin ang mga aral noong kasagsagan ng pandemya. Sinusuportahan natin ang pagpapalawak ng paggamit ng teknolohiya sa DepEd, kaya naman patuloy nating isusulong ang mga panukalang batas na magpapalaganap ng inobasyon sa pag-aaral at pagtuturo,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education.
CAPTION
Upang masuportahan ang katuparang ng proyekto ng Department of Education (DepEd) Digital Education 2028 o DepEd Digi-Ed, sinabi ni Senador Win Gatchalian na isusulong niya ang kanyang proposal para sa digital transformation ng basic education sector. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN