26.8 C
Manila
Miyerkules, Enero 15, 2025

Integrasyon ng bilihan ng mga pondo

BUHAY AT EKONOMIYA

- Advertisement -
- Advertisement -

MAY ilang estudyante akong nagtatanong kung bakit ang patakarang pananalapi sa Estados Unidos ay nakakaapekto sa ibang bansa kasama na ang Pilipinas. Ang pinamaikling tugon sa tanong na ito ay dahil magkakaugnay ang mga ekonomiya bunga ng proseso ng globalisasyon. Isa sa mga halimbawa ng pag-uugnayan ng mga ekonomiya ay makikita sa integrasyon ng bilihan ng mga pondo.  Ang pagbabago ng interest rate sa isang malaking ekonomiya ay may epekto sa bilihan ng mga pondo sa loob at  labas ng ekonomiya nito.

Magsimula tayo sa pagbabawas ng suplay ng salapi na isinasagawa ng Federal Reserve ng Estados Unidos upang pahupain ang mabilis na pagtaas ng presyo ng mga bilihin o inflation rate. Sa mas kaunting suplay ng salapi tataas ang interest rate o presyo ng salapi. Dahil tumaas ang interest rate ang balik sa paghawak ng mga Treasury bond ay magtataasan din upang tumbasan ang tumaas na interest rate. Ganoon din ang mangyayari sa mga balik sa iba pang mga pondo tulad stock ng mga korporasyon. Ito ay nangyayari upang maging kompetitibong alternatibo ang paghawak ng stock sa paghawak ng mga bond.

Bunga ng pagtaas ng balik sa iba’t ibang uri ng pondong maipapautang sa mga negosyante at pamahalaan sa Estados Unidos mapipilitan ding itaas ng ibang bansa tulad ng Pilipinas ang kanilang interest rate nang maging kompetitibo sila at pigilan ang paglabas ng pondo tungo sa Estados Unidos upang matamasa ang matataas na balik sa mga pondo. Pinipigilan ng Bangko Sentral ang paglabas ng dayuhang salapi dahil kung hindi ito gagawin magdudulot ito ng depresasyon ng piso o pagbaba ng eksternal na halaga ng piso.

Samantala, upang mapataas ang balik sa mga humahawak ng lumang bond, ang presyo ng mga lumang bonds ay kailangang bumaba upang maging kompetitibo ang mga ito sa mga bagong bonds na iniisyu ng Treasury ng Estados Unidos na may matataas na balik katumbas ng pinataas na interest rate. Sa mga humahawak ng mga lumang bonds nagkakaroon sila ng potensyal o inaasahang pagkalugi dahil nabili nila ang mga hinahawakang lumang bond sa mataas na presyo ngunit ang presyo nito sa kasalukuyan ay mas mababa. Dahil hindi pa nila ipinagbibili ang mga lumang bond potensyal palang ang pagkalugi nila o mayroon silang unrealized loss. Ngunit kung ang mga ito ay ipagbibili nila sa kasalukuyan sa mababang presyo ang pagkalugi ay magiging aktwal o makararanas sila ng realized loss. Nangyari ito Silicon Valley Bank sa California, USA nitong 2023 na nalugi at binili ng ibang bangko. Dahil kumalat ang balitang nanganganib ang bangko bunga ng kanilang unrealized loss nagkaroon ng napakalaking withdrawal ng mga depositor. Upang tustusan ang mga withdrawal napilitang ipagbili ng Silicon Valley Bank ang  hinahawakan nilang lumang bond sa murang halaga. Ang kanilang unrealized loss ay naging realized loss o aktwal na pagkalugi.

Kung hahawakan nila ang mga lumang bond hanggang maturity o sa panahon ng pagtubos, makukuha nila ang nakahayag na halaga ng bond o face value. Kung makapaghihintay sila ng 10 taon dahil ito ang panahon upang matubos ang bond, hindi malulugi ang humawak ng mga lumang bond at ang epekto ng mataas na inflation rate na nagpapababa sa tunay na halaga ng bond ay tinatakpan ng panapanahong bayarin na nakasaad sa bond. Kaya lang walang alternatibo ang Silicon Valley Bank kung hindi ipagbili ang mga lumang bond na palugi dahil kailangang kailangan nila ng salapi upang tugunan ang mga withdrawal.


Kung ang humahawak ng mga lumang bond ay malalaking kompanya na nag iisyu rin ng mga stock sa bilihan ng stock, maaaring bumaba ang presyo ng kanilang stock dahil marami sa mga humahawak ng stock ang magbebenta ng kanilang stock sa pangambang nanganganib ang kompanya bunga ng lumalaking unrealized loss mula sa pagbaba ng presyo ng mga bond o ang pagtaas ng balik nito.

Matatandaan na ang mga epektong  ito ay nagmula sa pagkontrol ng suplay salapi ng Federal Reserve at ang pag-iisyu ng mga bond ng Treasury upang tustusan ang napakalaking utang ng pamahalaan ng Estados Unidos at ang malaking deficit ng budget ng pamahalaan. Ang mga epektong ito ay nararanas din hanggang sa Pilipinas. Kung walang gagawin ang Bangko Sentral ng Pilipinas maaaring bumababa ang ekternal halaga ng piso. Alam natin ang epekto nito sa presyo ng mga inaangkat na maaaring magpagtaas ng presyo ng mga bilihin. Kung itataas naman ng BSP ang interest rate upang pigilin ang depresasyon ng piso, magbababaan ang mga gugulin sa bansa kasama na ang pagkonsumo, pangangapital at guguling pampamahalaan. Maaari ito mauwi sa mabagal na paglaki ng ekonomiya o kung malala ay makakararanas ng resesyon ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sa ganitong sitwasyon, may ilang mamamayan natin ang nagpanukala na kalasin natin ang kapit ng Pilipinas sa proseso ng globalisasyon. Matinding panukala ito dahil hindi isinasalalang alang ang mga benepisyong nakukuha ng ating bansa at mamamayan sa proseso ng globalisayon. Ang nararapat na tugon ay angkop na pamamahala. Palawakin ang mga benepisyo at paliitin ang mga hamon at sakripisyo ng globalisasyon.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -