26 C
Manila
Miyerkules, Nobyembre 27, 2024

DoH ipinaalala ang wastong pag-inom ng gamot kontra Antimicrobial Resistance

- Advertisement -
- Advertisement -

IPINAALALA ng Department of Health (DoH) Central Luzon Center for Health Development (CLCHD) ang wastong pag-inom ng mga gamot na antimicrobial.

Ito ay uri ng gamot na ginagamit panlaban sa impeksyon tulad ng antibiotic, antiviral, antifungal, at antiparasitic.

Ibinahagi ni Department of Health Central Luzon Center for Health Development Governance Cluster Pharmacist 3rd Leala Buan ang kahalagahan ng wastong pag-inom ng antimicrobial drugs upang masiguro ang paggaling mula sa anumang impeksyon at makaiwas sa pagkakaroon ng Antimicrobial Resistance. (Camille C. Nagaño/PIA 3)

Ayon kay DoH CLCHD Governance Cluster Pharmacist 3 Leala Buan, ang maling paggamit o pag-inom ng antimicrobial drugs ay maaaring maging sanhi ng pagkakaroon ng Antimicrobial Resistance (AMR) o pagkawalang bisa ng mga nakagisnang gamot laban sa impeksyon.

Pangunahing sanhi ng pagkakaroon ng AMR ay self-medication, maling diagnosis sa nararamdamang sakit at paggamit ng mga antibiotic na walang reseta ng doktor.

Gayundin, ang pag-inom ng maling dosage ng antimicrobials at kung hindi tatapusin ang iniresetang gamutan.


Pahayag ni Buan, mahalaga na sundin at tapusin ang medikasyon batay sa naging payo ng doktor dahil kung ititigil agad ang pag-inom ng anumang antimicrobial drugs ay maaaring hindi pa nawala ang mikrobyo sa katawan, na maaaring maging sanhi muli ng pagkakasakit at magresulta pa sa hindi na pagtalab nito.

Kaya ang kaniyang payo ay huwag uminom ng antibiotic basta-basta at iwasang manghiram ng reseta na nakalaan para sa ibang tao.

Nagbabala rin si Buan sa mga posibleng maging epekto kung pababayaan lang ang pagkakaroon ng AMR.

May posibilidad aniya na dumating ang panahon na mahirap nang gamutin ang mga karaniwang sakit tulad ng pneumonia, tuberculosis, malaria, at iba pang minor infections gamit ang mga nakagisnang antimicrobial drugs.

- Advertisement -

Kung pababayaan ang pagkakaroon ng AMR ay maaari itong magresulta sa mas mahal na gastusin sa pagpapagamot at mas malalang pagkakasakit na maaaring humantong sa pagkamatay.

Kaugnay nito ay nagbigay payo si Buan sa publiko sa mga dapat na gawing hakbang upang makaiwas sa AMR, tulad ang pag-iwas sa pagkalat ng sakit sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan ng katawan at kapaligiran.

Nakatutulong din ang pagkakaroon ng bakuna upang labanan ang anumang uri ng impeksyon dulot ng bacteria at virus.

Panawagan ni Buan, magpakonsulta sa doktor upang agad na malaman ang karamdaman nang mabigyan ng payo hinggil sa mga dapat at akmang inumin na gamot para sa tuluyang paggaling.

Tuwing buwan ng Nobyembre ay ginugunita sa bansa ang Antimicrobial Awareness Week na layuning mapalawak ang kamalayan ng publiko sa tamang pag-inom ng antimicrobials upang mapanatili itong mabisa laban sa mga nakahahawang sakit. (CLJD/CCN-PIA 3)

 

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -