IPINARANAS ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa sa mga batang estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa Lunsod ang buhay ng isang public servant sa pagdiriwang ng Boys and Girls Week 2023.
“Every year, we celebrate the Boys and Girls Week through a program called “Little Officials,” kung saan ini-immerse natin ang mga kabataan sa trabaho sa gobyerno,” saad ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon sa kaniyang official Facebook page.
Sa pagbubukas nasabing programa noong Nobyembre 6, 2023, pinangunahan ng mga Little Boys and Girls Officials ang Pagtataas ng Watawat sa Muntinlupa City Hall Quadrangle. Dito ay ibinahagi din nila ang kanilang mga adhikain para sa kanilang kapwa bata.
“Nakakatuwang makita ang Little Officials natin, pati yung mga nagsalita at nagbahagi ng plataporma nila during the flag raising ceremony,” dagdag ni Mayor Biazon.
Nasa 55 pampubliko at pampribadong institusyon ang lumahok sa taong ito. Ang mga paaralan ay itinalaga sa apat na “districts.” Ang districts 1 at 2 ay para sa public elementary schools, ang district 3 ay para sa private elementary schools, at ang district 4 naman ay para sa mga estudyante sa high school level.
Ang mga nahalal na little officials ay sina: Little Congressman Sandler Santillan, Little Mayor Alodia Shane Sumawang, at Little Vice Mayor Gabriel Gonzalo ng District 1; Little Congressman Raven James Bernardo, Little Mayor Jorainza Lei Ramirez, and Little Vice Mayor Analyn Tapian of District 2; Little Congressman Martin Ezekiel Zaballero, Little Mayor Francelle Arien Balicat, Little Vice Mayor Casey Andrei Reyes of District 3; and Little Congressman Maya Celine Bugaling, Little Mayor Nathan Lopena, and Little Vice Mayor Samantha Marie Diloy of District 4.
Ayon sa Muntinlupa Public Information Office (PIO), sa loob ng isang araw, mararanasan nilang maging leader ng lungsod, aattend ng meetings, mag-oobserve sa mga proseso sa opisina, at makikihalubilo sa mga constituents na bumibisita sa tanggapan.
Dagdag pa ng Muntinlupa PIO, layon ng programa na i-expose ang mga kabataan sa good governance para makatulong sa paghubog sa kanila bilang responsableng mamamayan.
Mula Nobyembre 6 hanggang 9, ang bawat Little Official ng bawat “district” ay uupo sa opisina ng isang buong araw kung saan natutuhan at naranasan nila mismo ang mga gawain ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan, ehekutibo, lehislatibo, at maging sa sangay ng hudikatura.
Panoorin at kilalanin ang ilang Little Officials at alamin ang kanilang mga naging karanasan sa “CityTok” livestream.
Maaari ding mapanood ang iba pang videos tungkol sa mga Little Officials sa official FB page ng City Government of Muntinlupa at Mayor Ruffy Biazon.
Ayon sa Muntinlupa PIO, ang Boys and Girls Week ay proyekto ng City Government of Muntinlupa na naglalayong maparanas sa mga batang estudyante ang pang araw araw na trabaho sa serbisyo sibil at magbigay ng inspirasyon sa kanila na maging community leaders. Ito ay inumpisahan ni dating Vice Mayor Jimmy Fresnedi sa termino ni dating Mayor Ignacio “Toting” Bunye. (AA/PIA-NCR)