PINAALALAHANAN ng Department of Labor and Employment (DoLE) ang mga employer sa pribadong sektor na ibigay ang 13th month pay ng kanilang mga manggagawa nang hindi lalampas sa ika-24 ng Disyembre 2023.
Ipinalabas ni DoLE Secretary Bienvenido Laguesma ang Labor Advisory No. 25, Series of 2023, noong ika-8 ng Nobyembre upang gabayan ang mga employer at manggagawa sa tamang pagkuwenta ng nararapat na benepisyo alinsunod sa Labor Code of the Philippines at Presidential Decree No. 851. Ang huling nabanggit ay partikular na nag-uutos sa lahat ng employer na bayaran ang kanilang mga empleyado ng 13th-month pay.
Sa nasabing Labor Advisory, muling ipinapaalala na “dapat bayaran ng mga employer ang 13th month pay ng mga rank-and-file na manggagawa sa pribadong sektor anuman ang kanilang posisyon, pagkatalaga, o katayuan sa trabaho, at anuman ang paraan ng pagbabayad ng kanilang mga sahod, sa kondisyon na sila ay nagtrabaho nang hindi bababa sa isang buwan ng calendar year.”
May karapatan din sa nasabing benepisyo ang mga rank-and-file na empleyado na binabayaran ng piece-rate basis, fixed, o guaranteed wage plus commission; iyong may multiple employer; mga nag-resign; mga natanggal sa trabaho; o iyong mga naka-maternity leave at nakatanggap ng salary differential.
Nakasaad sa advisory na ang pinakamababang 13th month pay ay hindi bababa sa one-twelfth (1/12) o kalabindalawa ng kabuuang buwanang sahod na kinita ng isang empleyado sa loob ng calendar year na kukuwentahin ayon sa sumusunod:
Kabuuang buwanang sahod / 12 buwan = ayon sa proposyon na 13th month pay
Nilinaw din ng DoLE na hindi nito papayagan ang mga kahilingan para sa eksempsyon o pagpapaliban sa pagbabayad nito.
Upang masubaybayan ang pagbabayad ng 13th month pay, inatasan ang mga employer na magsumite ng ulat sa pamamagitan ng DOLE Establishment Report System nang hindi lalampas sa ika-15 ng Enero 2024.