IPINATUPAD ng Department of Trade and Industry (DTI) Oriental Mindoro ang price freeze sa mga bayan ng Bulalacao, Bongabong, Bansud, Pinamalayan, at Naujan, kaugnay sa umiiral na Sangguniang Panlalawigan Resolution No. 6658-2023 na nagdedeklara sa mga nabanggit na bayan na isalalim sa State of Calamity bunsod ng African Swine Fever (ASF). Alinsunod din ito sa Section 6 ng Republic Act 7581 o Price Act.
Ilan lamang sa produkto na saklaw ng price freeze ay canned fish at iba pang mga marine products, processed milk, coffee, laundry, kandila, tinapay, iodized salt, instant noodles, at bottled water.
Tatagal ang price freeze na hindi lalagpas sa Enero 5, 2024.
Ayon sa pahayag ng DSWD, ang sinumang lalabag dito ay maaaring makulong ng aabot sa isang taon hanggang sampung taon. Maaari ring pagmultahin ang mga ito ng halagang hindi bababa sa P5,000 hanggang P1,000,000.
Samantala, patuloy naman ang isinasagawang inspeksyon ng ahensiya sa iba’t ibang establisyemento sa mga nabanggit ng bayan upang maisiguro na sumusunod ang mga ito sa mga patakaran na iniatas ng ahensiya. (JJGS/PIA Mimaropa – Oriental Mindoro)