26.5 C
Manila
Martes, Enero 28, 2025

Mga alagad ni Hippocrates sa daigdig ng panulat at ang ‘Rotor Awards for Literature’

UNANG BAHAGI

- Advertisement -
- Advertisement -

SA kasaysayan ng daigdig, marami na ring manggagamot ang naging manunulat. Hindi lamang sila basta’t nagtangkang sumulat ng malikhaing akda kundi talagang taglay nila ang husay at talim sa panulat. Napabantog dito sina Anton Chekhov (mandudula at kuwentista), W. Somerset Maugham (kuwentista at nobelista), William Carlos Williams (makata), at Michael Crichton (nobelista at mananaysay). Nitong mga nagdaang dekada, naging popular ang mga akdang fiction o nonfiction nina Oliver Sacks, Khaled Hosseini, Atul Gawande,  Abraham Verghese, at Siddhartha Mukherjee. Marami pang ibang doktor ang nahalina sa panulat. Kinilala sila sa iba’t ibang genre ng panitikan. May sumusulat ng dula, nobela, tula, kuwento, sanaysay at iba pang akdang kabilang sa creative non-fiction.

Sa ating bansa man ay marami-rami na rin ang manggagamot na manunulat. Unang papasok sa isip ang atin mismong Pambansang Bayani na si Jose Rizal. Bukod sa pagiging ophthalmologist, sinulat niya ang dalawang klasikong nobelang gumising sa ating damdamin laban sa  pagmamalabis ng mga mananakop na Espanyol. Sumulat din siya ng reteling ng ‘The Monkey and The Tortoise’ at nagsalin sa Tagalog ng ilang fairytales ni Hans Christian Andersen.

Si Dr. Mariano Ponce, ang ‘huling propagandista’ at naging patnugot ng ‘La Solidaridad’

Bukod kay Rizal, maiisip din natin si Mariano Ponce, ang manggagamot na nakasama ni Rizal at ni Marcelo H. Del Pilar bilang isa sa Gran Triumvirato ng ‘Kilusang Propaganda sa Espanya.’  Naging patnugot din si Mariano Ponce ng pahayagang ‘La Solidaridad’ at sa pamamagitan ng kanyang ‘matalas na pluma ay napadaloy ang kaisipang gumising sa damdamin ng mga Pilipino noon.  Aaminin kong ako mismo ay hindi gaanong pamilyar sa naging buhay ni Mariano Ponce.

Nagkaroon ako ng interes sa kanya nang bigyan ng parangal ang inyong lingkod – ang Gawad Mariano Ponce – ng mga kabataang propesyunal na kabilang sa Ten Oustanding Students of the Philippines (TOSP) alumni sa Central Luzon. Ayon sa kanila, katulad kong doktor-manunulat din si Mariano Ponce. Noon ko higit na nakilala ang dakilang propagandista at doktor-manunulat mula sa Bulacan. Tinawag siyang ‘huling propagandista’ bagama’t hindi doon natapos ang kanyang paglilingkod sa Inang Bayan. Hinangaan ko si Ponce sa kanyang mahalagang kontribusyon sa pagkakamit ng Kalayaan para sa bayan. Ipinaabot ko sa kanyang mga inapo ang aking pagpupugay sa dakilang Mariano Ponce.

Tinawag na ‘Ama ng Nobelang Tagalog ng Liwayway’ si Dr. Fausto Galauran

 

Ang taunang literary award na ipinangalan kay Dr. Arturo B. Rotor, isang internist-writer-musician  

Sa mga pahina ng Liwayway magazine ay natunghayan din ang mga akda ni Fausto Galauran (na tinawag na ‘Ama ng Nobelang Tagalog sa Liwayway’). Nang makita ko sa isang eksibit ng Cultural Center of the Philippines ang mga still photos ng mga pelikula noong araw (mula sa mayamang koleksiyon ni Danny Dolor ng Batangas), nagulat ako na kay rami rin palang screenplay ng mga pelikula na siya ang sumulat. Idagdag pa natin sa listahan si  Arturo Rotor, ang internist mula sa UP-PGH na sumulat ng aklat na ‘The Men Who Play God.’ Nagkainteres akong basahin ang aklat niya noong ako’y medical student pa lamang sa Far Eastern University-Nicanor Reyes Medical Foundation (FEU-NRMF).

Sinulat ni Dr. Juan Flavier ang mga aklat na ‘Doctor to the Barrios’

Nandiyan din si Juan Flavier, ang ating naging DOH secretary (at kalaunan ay naging senador) na umakda ng tatlong tomo ng aklat na ‘Doctor to the Barrios’ batay sa kaniyang karanasan bilang manggagamot sa komunidad. Punong-puno ng humor ang mga kuwento at anekdotang inilangkap niya sa mga akda. Nang maisip kong tipunin ang aking mga artikulong lumabas sa mga kolum ko sa Liwayway (magazine) at Balita (news tabloid) na inilathala ng Anvil Publishing bilang anim (6) na serye ng ‘Salamat Po, Doktor’ books, hinilingan ko si Dr. Flavier na gawan niya ito ng paunang-salita (foreword).  At hindi niya ako binigo. Inako ko itong karangalan sapagkat lubos kong hinahangaan ang doktor na ito ramdam ang pulso ng mga tao.

At huwag nating kalimutan ang mga mas nakababatang doktor na naengganyo ring magsulat. Ilan sa mga kilala kong ‘doctor-authors’ na kinilala ng Palanca Awards ang kanilang mga likha ay sina Noel Pingoy (para sa Essay in English), Ron Baticulon (para sa Essay in English), Gideon Lasco (para sa Essay in English), at Ralph Lorenz Fonte (para sa Poetry in Filipino). Sa katatapos na Palanca Awards na ginanap sa PICC nitong katapusan ng Nobyembre, pinarangalan din ang akda ni  Elvie Victonette Razon-Gonzales (para sa Short Story for Children in English na pinamagatang ‘The Race to Uswag’), at muli, ang koleksyon ng mga tulang isinulat ni Ralph Lorenz Fonte (ang ‘Ex Novo Mvndo’). Maaaring may iba pang manggagamot na kinilala ng Palanca ang kanilang akda na hindi ko nabanggit dito.

Ang mismong publisher ng Alubat Publishing at ngayo’y pangulo ng writer’s organization na LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo) ay isa ring manggagamot: si Joti Tabula, isang internist at mahusay na makata. Noong nakaraang taon ay itinatag niya ang Philippine Society for Literature and Narrative Medicine. Layon nitong tipunin ang lahat ng mga manggagamot na nagsusulat. Katuwang niya ang makatang si Marjorie Evasco sa pagtatatag nito. Ang inyong lingkod mismo ay naanyayahang maging kabahagi ng organisasyong ito. Kitang-kita ko ang masidhing pagnanais ni Tabula na magabayan ang mga doktor na may kakayang magsulat. May mga pagsasanay o series of lectures nang ginagawa ang organisasyong ito upang lalo pang mahasa ang mga manggagamot sa sining ng pagsusulat.

Bahagi ng kanyang ginawa upang gawing popular sa mga manggagamot ang pagsusulat ay ang pagtatatag ng Dr. Arturo B. Rotor Memorial Awards for Literature. Isa itong paligsahan sa pagsulat ng creative nonfiction na bukas sa lahat ng mga manggagamot na miyembro ng Philippine College of Physicians (PCP) at mga residenteng doktor ng Internal Medicine. Rotor Awards ang pinaigsing tawag dito. Magkatuwang na pinamunuan ang naturang awards ng Philippine College of Physicians (PCP) at ang PCP Foundation Inc (na pinangungunahan ni Dr. Ma. Gina Nazareth). Pinahintulutan ng kaanak ni Dr. Arturo Rotor na si Dr. Richard Rotor ang pagpapangalan sa ama ng naturang award. Magandang hakbang ito upang lalong mapatatag ang kultura ng pagsusulat sa mga ‘alagad ni Hippocrates.’

Bukas ang Rotor Awards sa dalawang kategorya lamang: creative nonfiction at poetry (kalipunan ng tatlong tula). Noong nakaraang taon, ang mga nagwaging akda sa Rotor Awards ay ang sumusunod: ‘Notes from a Piano’ (Unang Gantimpala), ‘The Courage to Heal’ (Pangalawang Gantinmpala), at ang ‘When the Heart Beats in Pace with the Universe’ (Pangatlong Gantimpala).

Si Arturo Rotor ay isa ring musician (nagtapos sa UP Conservatory of Music) at naglingkod bilang Executive Secretary ng Philippine Commonwealth government-in-exile sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Manuel L. Quezon. Hustong matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig (World War II), nahirang siyang Kalihim ng Department of Health and Welfare. Kalaunan ay naitalaga siyang director ng UP Postgraduate School of Medicine. Pero hindi niya nilimot ang pagsusulat.

Nais ko ring banggitin ang isang matalik na kaibigang internist-geriatrician sa Davao City na kay husay sumulat ng mga creative non-fiction at poetry – si Eva Socorro Aranas-Angel. Naging kolumnista siya ng mga pahayagan sa Davao City, at nalathala ang kanyang mga akda sa maraming literary journals, national newspapers, at mga national magazines.

Patuloy na dumarami ang mga umuusbong na manggagamot na sumusulat ng ‘reseta at letra.’

(Susunod: Ang mga resetang akda ng mga doktor sa  ‘RX Narratives’)

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -