(Ang artikulong ito ay update ng naunang article na “Magkakaroon na ng Nuclear Power ang PIlipinas” noong Nobyembre 27, 2023 (https://www.pinoyperyodiko.com/2023/11/27/balita/magkakaroon-na-ng-nuclear-power-ang-pilipinas/3554/ . Minabuti ng may akda na si Selwyn Clyde M. Alojipan na baguhin ang ilang detalye dahil sa tuloy-tuloy niyang pagsasaliksik tungkol dito. Narito ang mas updated na bersyon ng artikulo. Editor)
MATAPOS lagdaan ng Pilipinas at ng Estados Unidos ang “123 Agreement” kasabay ang pagdalo ni Pangulo Ferdinand Romualdez Marcos, Jr., sa katatapos lang na 2023 APEC (Asia-Pacific Economic Cooperation) summit sa San Francisco, USA, maayos na pagkakalooban ng Estados Unidos ng makabago at mas modernong nuclear energy technology kasabay ang nuclear fission materials (radioactive elements tulad ng uranium-235).
Hindi armas na nuclear ang layon nito ngunit ang mapayapang paggamit ng enerhiyang nuclear. Ibig sabihin, matutugunan sa loob ng tatlo hanggang sampung taon ang mabilisang pagpapadala at pagtatayo ng iba’t-ibang klase ng nuclear fission powerplants sa maraming probinsiya at isla ng Pilipinas.
Tandaan natin, ilang dekada na nagpapatakbo ang Estados Unidos ng nuclear-powered aircraft carriers at nuclear-powered attack submarines na gumagamit ng ganitong uri ng mini nuclear power plants. Ligtas at maaasahan ang mga iyan.
Bakit ba ito napakahalaga sa Pilipinas? Alam niyo ba na ang elektrisidad o kuryente sa Pilipinas ay isa sa pinakamagastos sa buong mundo? Isa sa mga dahilan kung bakit ayaw magtayo ng mga pagawaan o gusali ng industriya dito sa bansa natin ay dahil sobrang mahal ang bayad sa kuryente para patakbuhin ang mga makinarya at pagawaan ng mga appliances o produkto na kailangan ng buong mundo.
Dahil dito, inunang itayo at ilagay ng mga mayayamang korporasyon ang kanilang gusali at pagawaan doon sa mga katabing bansa tulad ng South Korea, Taiwan, Singapore, China, Thailand, Malaysia, at Vietnam. Naunahan tuloy nila tayo sa pagyaman.
Hindi katakataka kung bakit unang umusbong ang mga bansang ito kaysa sa Pilipinas. Maski ang Indonesia, na isang kapuluan din tulad ng Pilipinas, ay mas nakamit ang murang elektrisidad, at kasama ang kanyang napakaraming likas na kayamanan (natural resources), mas mabilis pa magtayo ang mga bansa na ito ng sariling industriyalisasyon kaysa sa bansa natin.
Nahirapan ang Pilipinas na magtayo ng maraming conventional-fuel electricity powerplant noon sapagkat naging mahal ang presyo ng langis at krudo na dating ginagamit sa pagpapatakbo nito.
Hirap din ang Pilipinas sa pagkonekta ng iba’t-ibang isla at probinsiya ng bansa dahil sa sobrang laki ng gastos para sa pisikal na inprastruktura na kailangan para sa mga puwerto at daungan ng barko (ports and harbors), paliparan, daanan ng tren (railways), at kalsada. Inumpisahan na ito pero hindi pa tapos.
Nakabit na ang digital infrastructure ng Pilipinas sa Asya, North America, Australia, at sa buong mundo gamit ang mga submarine data cables na inilalatag pa rin sa sahig ng dagat (seafloor). Sa ngayon, dinadamihan pa ang internet interconnectivity sa lahat ng malalaking isla ng Pilipinas para aabot sa pinakamaliit na baranggay at paaralan ang internet at cellphone connections.
Itinatayo na rin sa iba’t-bang probinsiya ang lahat ng uri ng renewable energy plants na humuhugot ng enerhiya mula sa liwanag ng araw (solar), lakas-hangin, imbakan ng tubig (hydroelectric), at geothermal energy mula sa matinding init galing sa ilalim ng lupa (katabi ang mga bulkan).
Kabisado na ng ating Kagawaran ng Enerhiya (DoE, Department of Energy) ang mga ganyang uri ng pagkalap at pagkumpuni ng elektrisidad.
Ngunit kahit gaano karami pa ng renewable energy powerplants ang itayo sa Pilipinas, kukulangin pa rin ito para lalo pang pausbungin ang ekonomiya ng Pilipinas kung nais natin maging tunay na maging developed country.
Hindi sapat ang enerhiya na makukuha sa mga ito dahil pasulyap-sulyap, kaunti lang, at di kasing-tindi ang enerhiya galing dito o kaya ay nasa limitadong lugar lang ito mapagtatayuan ng gusali at planta.
Dito na tayo darating sa makabago at ligtas na paraan ng pagkalap ng matinding enerhiya na kailangan ng mga pagawaan at makinarya.
Kayang ipagkaloob ng maliliit na advanced nuclear power plants (ang tinatawag na Small Modular Reactors o SMR) ang kahit na anong enerhiya na kakailanganin ng mga planta at pabrika na gustong itayo ng foreign investor. Maaari itong itayo sa tabi ng pinagmumulan ng hilaw na materyales (raw materials). Madali na lang papuntahin ang trabahador dito.
Isipin ninyo, kung mayroon isang mina ng nickel o chromium o ginto o kahit na anong likas na yaman sa isang isla o bundok. Paano kung maglagay doon ng isang ligtas na micro nuclear reactor? (Siyempre, kailangan may bantay-seguridad din ito laban sa mga terorista at magnanakaw.)
Magiging mura ang halaga ng mga materyales at produkto nito at magiging mataas ang dagdag-halaga (value-added) nito. Dito na lilipat ang mga mamamayan ng isang probinsiya para magka-hanapbuhay at siguradong trabaho.
Maaaring itayo ang mga maliit na nuclear reactor o SMR sa tabi ng isang ligtas na lugar at kabitan na lang ito ng maraming power transmission cables para lahat ng bayan at munisipyo sa isang isla o kabundukan ang mabibigyan ng kuryente.
Baka nga lang abutin ng lima hanggang sampung taon para isa-isang itayo ang mga 50-megawatt-electricity (Mw(e)) hanggang 300-Mw(e) na SMR dahil maraming pag-aaral at pagsusuri pa ang ginagawa tungkol sa disenyo na bagay sa isang lugar.
Ang hindi lang masigurado ay ang “standardization” sapagkat wala pang isang modelo ng nuclear reactor na maramihang ginagawa at binibenta. Maraming disenyo na magkakaiba pa ang nilalaman na teknolohiya.
Balak at plano pa lang ang pagkamit ng mura at ligtas na enerhiyang nuclear. Isa lang ito sa magkakaibang bonggang teknolohiya na dapat kayang paganahin ng mga Filipino.
Medyo mahirap at matagal yan pag-isipan ngunit kinakailangang bilisan natin yan para lalong umusad ang ating bansa.