32.5 C
Manila
Sabado, Hulyo 27, 2024

Kaingat sa usapin ng human rights

- Advertisement -
- Advertisement -
UNANG-unang dapat na inuunawa sa tuwing napag-uusapan ang human rights ay ito: ang lipunan, alalaon baga’y ang kapitalistikong kaayusan na siyang sistema sa Pilipinas,  ay hindi buo kundi hati sa magkatunggaling mga uri. Sa isang banda,  ang burgesya, na siyang nag-mamay-ari ng mga kagamitan sa produksyon at samakatwid ng mga bunga ng produksyon; sa praktikal na pagturing, ito ang uring mayayaman. Sa kabilang banda naman, ay ang sa turing ni Karl Marx na proletaryo, o sa simpleng salita ang mga manggagawa, wala ni anomang pag-aari maliban sa lakas paggawa, na ganunpaman ay siyang tunay na lumilikha ng yaman ng lipunan. Dahil sa ang kapangyarihang pulitikal ay limitado sa uring burgesya, nagagawa ng uring ito na angkinin ang yamang likha ng uring manggagawa. At dito nag-uugat ang tunggalian sa produksyon Sa materyal na base ng lipunan, dito nag-uugat ang tinatawag na tunggalian sa priduksyon.
Kung papaanong sa tunay na daigdig ay nag-tutunggalian sa produksyon ang burgesya at proletaryo, ganun din sila magkaaway sa mundo ng mga ideya na kung turingan ni Marx ay superistruktura. Bakit superistruktura? Dahil ibabaw sa tunay na daigdig. Bagama’t abstrakto, oras na kumubabaw na sa utak ng tao, ang superistruktura na ang pangunahing nagdidikta sa kung ano ang sa lipunan ay totoo.
Biglang kinailangang muling dalirutin ang diyalektikong ugnayan ng tunay na tunggalian sa produksyon at ng superistruktura bunga ng kontrobersya nitong nakaraang linggo sa pagdetine ng Kamara de Representante kina dating komunistang rebelde Jeffrey Celis aka Ka Eric at Dr. Lorraine Badoy, dating tagapagsalita ng NTF-ELCAC. Dahil sa pagtangging pangalanan ang pinagkunan niya ng impormasyon tungkol sa diumano’y P1.8 bilyon na travel expenses ni Speaker Martin Romualdez, naturingang inuyam ni Celis ang nag-iimbestigang Komite sa Prankisa ng Kamara at siya ay naatasang madetine sa Kamara hanggang sa magwakas na ang imbestigasyon  ng Komite sa prankisa ng SMNI. SI Badoy naman ay naturingan nang ganun ding pang-uuyam sa Komite dahil sa pagsisinungaling sa nasabi ring imbestigasyon at naparusahan ng ganun ding pagkadetine.
Sa unang beses na nakarating sa atin ang kontrobersya ni Celis, agad na naiugnay iyun sa maaaring labanan nina Speaker Martin Romualdez at Bise Presidente Sara Duterte para sa panguluhan sa 2028. Litaw na litaw ang pro-Duterte na pustura ng SMNI. Mangyari pa, dapat mawala na ito habang maaga pa. Nasa kapangyarihan ng kongreso na kanselahin ang prankisa ng isang broadcast network anumang oras na “hinihingi ng pambansang interes.”
Nandoon ang gimik. Tanging pulitika ang nasa likod ng  pagbulgar ni Celis sa di-umano’y P1.8 bilyon na ginastos ni Speaker Romualdez sa kanyang mga pagbiyahe. At ano pa ba ang resolusyon naman  ng kamara sa pagkansela sa prangkisa ng SMNI kundi pulitika rin?
Kaya maipagkikibit na lamang natin ng balikat ang bokadura ni Celis sa bagay na ito. Ganun din ang desisyon ng kamara na iditine siya kasama ni Badoy. Bumubuo ito ng isang grandeng palabas.
Subalit di kaginsa-ginsa’y ang mga bida sa ispektakol ay sumigue sa isang di inaasahang akto. Nagdeklara sila ng hunger strike. Dito seryosong maiiba ang kwento.
Partikular sa kolum na ito, may pangambang tumungo ang strike sa isang kaganapan na hangga’t maaari ay huwag naman sana. Ang huling hunger strike na natatandaan natin na naganap sa bansa ay ang idineklara ni Ninoy Aquino noong Abril 4, 1975 bilang protesta sa aniya’y inhustisya na kanyang nakamit. Kabilang si Ninoy sa mga lider ng oposisyon na inaresto nang ideklara ang martial law noong 1972. Sa trial ng Military Commission No. 10, napatunayang nagkasala si Ninoy at nahatulang bitayin. Noon niya nga naisip ang mag-hunger strike. Tulad ng inaasahan, ang hakbang ay higit pang nagpalago sa liderato ni Ninoy sa oposisyon. Sa sukdulan ng kanyang asasinasyon kuno noong Agosto 21, 1983, isinagawa ang henyosong maituturing na euthanasia na bagama’t marka ng ultimong kabiguan laban kay Marcos ay nagbadya na ng pananagumpay pa rin ni Ninoy. Ang kanyang kamatayan ang takagang titis ng People Power Revolt na nagluklok sa  asawang si Cory bilang pangulo ng Pilipinas sa noong 1986.
Sa mahabang panahon, tinanghal na bayani si Ninoy. Nagsulputan na parang kabute ang kanyang monumento sa paligid ng kapuluan; ang Manila International Airport ay ipinangalan sa kanya; ganun din ang Parks and Wildlife sa Quezon City.
Subalit noon pang 1971, nagsimula nang maglaro ang duda sa aking utak tungkol kay Ninoy. Nang gabi ng Agosto 21 ng taong iyun, tatlong pagsabog ng granada ang yumanig sa Plaza Miranda rally ng Liberal Party. Dalawang babaing vendor ang namatay, mahigit 100 ang sugatan, kabilang ang buong tiket sa pagka senador at iba pang matataas na opisyales ng LP, maliban sa isa – si Ninoy Aquino. Bilang Secretary General ng LP, unang-unang dapat na naroroon si Ninoy, pero wala. Bakit?
Ang namayapa nang batikang journalist na si Ferdie Ramos na noon ay PR Man ni Ninoy ay paboritong ikwento na nang gabing iyun, tulad ng inaasahan,  siya ay nasa ibabaw ng stage ng LP rally, nag-aabang sa pagdating ni Ninoy. Nang bigla ay nakatanggap siya ng tawag mula kay Ninoy, nagtatanong kung nasaan siya. Nang sabihin niyang nasa stage siya ng LP rally sa Plaza Miranda, pabulyaw na inutusan siya ni Ninoy: “Ano’ng ginagawa mo diyan?
Umalis ka diyan. Dali!” At ibinilin kung saan siya dapat puntahan ni Ferdie.
Makaraan lamang ang ilang minuto pagkalayo ni Ferdie sa stage, tatlong granada ang sumabog.
Ang bayang Pilipino na matagal nang pinag-init ni Ninoy ng pagkamuhi kay Marcos ay lalo pang sumiklab sa galit, ibinibintang sa presidente ang pagsabog ng Plaza Miranda. At sa loob ng halos dalawang dekada, ito ang lumason sa isip ng sambayanan.
Sa ganang akin, ang mismong pambobomba ang kailangang magpasinungaling sa hinala na si Marcos ang may kagagawan. Napakatalinong tao ni Marcos. Habang nakakulong, naipagtanggol ang sarili sa akusasyong murder. Hindi niya gagawin ang isang bagay na tiyak na sa kanya ibibintang.
At noon ngang 1989, sa isang joint investigation ng Senate Justice Committee at Blue Ribbon Committee, pinatunayan ni Ruben Guevarra, dating Secretary General ng Communist Party of the Philippines (CPP), na ang bumomba sa Plaza Miranda ay ang CPP; sa isang kaugnay na testimonya, itinuro ni Guevarra ang sala sa pambobomba sa kutsabahan nina Jose Maria Sison, CPP Chairman, at, pigil hininga, Ninoy Aquino.
(Itutuloy)
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -