24.7 C
Manila
Sabado, Marso 2, 2024

Gatchalian isinusulong ang e-commerce, public-private partnership para sa pag-unlad ng ekonomiya

- Advertisement -
- Advertisement -

ISANG malakas na tagapagtaguyod ng e-commerce at public-private partnership, binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng dalawang priority measures na nilagdaan kamakailan ng Pangulo bilang batas sa pagkamit ng mga layunin sa ekonomiya ng bansa. 

Binigyang-diin ni Senador Win Gatchalian ang kahalagahan ng dalawang priority measures na nilagdaan kamakailan ng Pangulo bilang batas sa pagkamit ng mga layunin sa ekonomiya ng bansa. Kuha ni Mark Cayabyab/OS WIN GATCHALIAN

“Ang dalawang hakbang na ito, na magbibigay ng proteksyon para sa mga nakikibahagi sa mga transaksyon sa internet at humihimok ng mga pamumuhunan sa pamamagitan ng aktibong pakikipagtulungan sa pagitan ng gobyerno at pribadong sektor, ay mahalagang mga batas para sa pag-unlad ng ekonomiya. Natutuwa akong malaman na mabilis na nilagdaan ang mga ito ng Pangulo para tuluyan nang maging batas,” ani Gatchalian. Ang tinutukoy ng senador ay ang Republic Act 11967 o ang Act Protecting Online Consumers and Merchants in Internet Transactions at Republic Act 11966 o ang Act Providing for the Public-Private Partnership (PPP) Code. Si Gatchalian ay may-akda ng parehong priority measures.

Sa pagsasabatas ng Internet Transactions Act, magkakaroon ng kumpiyansa ang mga mamimili at mangangalakal na magsagawa ng mas maraming transaksyon sa online. Ito ay inaasahang makakaakit ng mas maraming manlalaro sa industriya na higit na magpapaunlad ng e-commerce sa bansa.

“Napakahalagang hakbang ng pagsasabatas ng pagbibigay proteksyon sa mga internet transaction lalo na’t inaasahan nating mas lalakas pa ang sektor na ito sa mga susunod na taon,” sabi ni Gatchalian.

Ang bagong lagdang batas ay naglalatag ng mga karapatan, obligasyon, at pananagutan ng mga partido sa mga transaksyon sa internet, kabilang ang online na consumer, online na merchant, at ang digital platform o e-marketplace. Binibigyan din ng kapangyarihan ng batas ang Department of Trade and Industry (DTI) na magpatupad ng mga naaangkop na aksyon bilang tugon sa anumang paglabag sa mga probisyon ng batas, partikular na sa paggamit ng internet sa pagsasagawa ng e-commerce ng mga e-marketplace, online merchants, e-retailers, digital platforms, at third-party platforms. Nagtatatag din ito ng mekanismo para sa resolusyon ng anumang online dispute sa lahat ng mga stakeholder ng transaksyon ng internet o e-commerce.

Samantala, ang pagtatatag ng isang PPP code ay inaasahang magpapahusay at magpapanatili ng infrastructure development sa bansa, sabi ni Gatchalian.

“Ang pag-institutionalize sa programa ng PPP ay makatutulong na mapanatili ang paghahatid ng mga kinakailangang pampublikong imprastraktura upang mapaigting ang paghahatid ng mga serbisyong pampubliko,” sabi ng senador. Dahil dito ay inaasahang mas magiging epektibo ang paghahatid ng mga proyektong pang-imprastraktura dahil magbubunsod ito ng mas malawak na pakikilahok ng pribadong sektor sa pampublikong infrastructure projects na may naaayong mga insentibo.

“Ang karaniwang nagiging balakid sa PPP program ay ang kakulangan sa koordinasyon, kawalan ng kakayahan na makakuha ng suporta mula sa iba pang ahensya ng gobyerno, at kakulangan ng sapat na pagtanggap ng PPP Center. Inaasahan natin na matutugunan ang lahat ng ito ng ating bagong PPP code,” dagdag niya.

- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -