28.1 C
Manila
Lunes, Setyembre 16, 2024

Intindihin ang China o kung hindi naghahamon ka talaga ng giyera

ULTIMONG BIGWAS

- Advertisement -
- Advertisement -

MALIWANAG ang posisyon ng China, sakop ng kanyang dating nine dashline map ang mga pinakikipag-agawang teritoryo ng Pilipinas sa South China Sea. Dalawa sa nasabing teritoryo ang Ayungin Shoal na nasa kanugnog ng Palawan at ang Scarborough Shoal sa dakong bahagi ng Zambales. Ang huling nabanggit na bahura ay isang sanctuaryo ng iba’t-ibang lahi ng isda, kung kaya alinsunod sa tungkuling pangalagaan ang kapaligiran, ginawang patakaran ng China na ipagbawal ang pangingisda sa bahura na kilala sa natibong pangalang Bajo de Masinloc. Sa di pa kalayuang nakaraan, naging sanhi ng paaway na ingay ng Pilipinas ang paglagay ng China ng nakalutang na harang sa pasukan ng bahura, na ayon sa balita ay binaklas di umano ng Philippine Coast Guard. Tinawag ng China na pang-aliw sa sarili ang balitang pagbaklas sa harang ng PCG. Isang impormante ang nagsabi na ang nasabing balita ay pawang kadramahan lamang sa layuning magpropaganda. Ang totoo, China Coast Guard na rin ang bumaklas sa harang nang wala nang pagtatangkang pasukin ang Bajo de Masinloc.

Nitong kagyat na nakaraang ilang araw, ang malaking convoy ng iba’t-ibang sasakyang pandagat na sangkot sa pamamahagi ng pamaskong handog sa mga mangingisdang Pilipino na nasa area ay muli na namang umalarma sa China Coast Guard (CCG) sa panganib sa sanktuaryo ng mga isda at muli nitong inilatag ang harang sa entrada ng Bajo de Masinloc. Tulad ng dapat asahan, todo ingay na naman ang mga opisyales ng pamahalaang Bongbong Marcos, kumokondena sa tinatawag nilang patinding panghaharas ng China sa mga Pilipino.

Paulit-ulit na maipagdidiinan, lahat ng gawi ng CCG sa mga teritoryong nabanggit, kabilang na ang laser beaming at water cannoning sa mga barko ng PCG, ay mga aksyon ng pagpapatupad ng China sa mga batas nitong pangkaragatan. Walang sangkot na harassment. Lahat ay pawang mga actividades na law enforcement. Mangyari pa, dahil ano pa ba ang maaaring gawin ng China sa mga sirkumstansya na ang kanyang teritoryo ay nilalabag? Siyempre kailangan niyang magtanggol.

Sa puntong ito nagiging kwestyonable ang madalas na katwiran ng mga awtoridad na Pilipino na nilalabag ng China ang teritoryo ng Pilipinas. Teritoryo mo pala, bakit mo pinababayaang pasukin ng iba? Kung teritoryo mo iyan, dapat meron kang sapat na bilang ng mga pananggol na Coast Guard ships na may wastong laki bilang pangnyutralisa sa mga ganun ding sasakyang pandagat ng mga nanghihimasok na taga labas.

Sabi nga ni dating Senador at Ministro ng Depensa ng Pilipinas na si Jusn Ponce Enrile, ‘Iyo lang ang isang property kung kaya mo itong ipagtanggol.”


Walang saysay kung puro dakdak ka lang, tulad ng tendensya mong ipangalandakan ang 2016 ruling ng Permanent Court of Arbitration (PCA) na naghusga na iligal ang nine-dashline ng China at samakatwid nagpanalo ikamo sa Pilipinas sa pag angkin nito sa pinag-aawayang mga teritoryo. E, sa una pa nga lang ay hindi na kinilala ng China ang PCA at nilinaw na hindi niya tatanggapin ang magiging kapasyahan nito. Sa inaasta ngayon ng China sa South China Sea, nagpapakatotoo lang ito. Inaangkin niya ang halos kabuoan ng South China Sea at ginawa ang lahat upang ipagpiliitan ang pag-angkin. Ganun din dapat ang Pilipinas. Kung ipagpipilitan ang pag-angkin sa alinmang bahagi ng teritoryo na inaari na ng China, di maiiwasang humantong ito sa konprontasyon. Na isang napakagandang bagay. Sa maraming pagkakataon na sa nakaraan, ipinakita ng China ang kadakilaan ng

talino na isaisantabi ang mga di pinagkakasunduan at patampukin ang kooperasyon. Kaya sa paggabay ng prinsipyong ito, ang buong termino ni Pangulong Duterte ay kinasaksihan ng umaagos na ayuda ng China sa ekonomikong pag-unlad ng Pilipinas. Ganap na inalis ng China ang embargo sa mga produktong agrikultural ng Pilipinas na sandali lang ay nakapag-ambag ng halagang $25 milyun sa ekonomiya ng bansa. Ganun din,  sa pagkatanggal ng embargo sa mga turistang Chino, dumagsa ang kanilang dating sa Pilipinas upang sa maiksing panahon lamang ay sila na ang numero uno sa listahan ng mga turista sa Pilipinas. Sa pananalanta ng Covid-19, numero uno ang China sa pagtulong sa Pilipinas. Umabot sa 2.5 milyun ang doses ng Sinovac na idinonate ng China, pinakamataas sa mga donasyon na tinanggap ng mga Pilipino, lampas-lampasan sa mga ibinigay naman ng mga kanluraning pharmaceutical,  kabilang ang sa Amerika. At sa pagsisimula pa lamang ng termino ni Pangulong Bongbong Marcos, inagurahan na ang una sa dalawang tulay na itinayo ng China sa Pasig River gratis et amore.

Pawang kagandahang loob at sincerong kooperasyon ang namagitan sa China at Pilipinas sa buong termino ni Pangulong Duterte. Kung bakit makaraan lamang ang maiksing panahon, nag-iba na ang ihip ng hangin. Walang masyadong kuskos-balungos, inaprubahan ni Bongbong ang apat pang karagdagang base militar na kaloob sa Amerika upang pagdeployan ng mga tropa’t mga pasilidad na pang-giyera.

Mauunawaan ang nagngangalit na reaksyon ng China. Dalawa sa karagdagang base ay nasa Cagayan at isa ay nasa Isabela, kung kaya malinaw na ang mga ito ay lantaran nang nakapuntirya sa Mainland China. Ang isa pa ay nasa Palawan na ang inuumangan naman ay ang mga forward military bases ng China na nasa South China Sea.

- Advertisement -

Kapunapuna na sa yugtong ito humigpit ang pagbabantay ng China Coast Guard (CCG) sa mga paglalayag ng mga barko ng Pilipinas na pangsupply ng mga probisyon sa BRP Sierra Madre na nakabalahura sa Ayungin Shoal. Nakatala na sinadyang ipinasadsad ni Pangulong Joseph Estrada sa Ayungin Shoal ang Sierra Madre upang maging simbolo ng soberineya ng Pilipinas. May tala din na nang punahin ito ng noon ay Chinese President Jiang Zemin, nangako si Erap na hihilahin ito palayo sa Ayungin Shoal sa sandaling ligtas upang gawin ito. Dahil sa matagal na panahon ng pagkakaibigan ng China at Pilipinas, nabaon na sa limot ang isyu. Inabot ng 24 na taon na paroo’t parito ang mga barkong pang-ressupply sa Sierra Madre na wala ni anumang di-kanais-nais na naganap. Subalit ngayon na malinaw pa sa sikat ng araw na si Bongbong ay nakahilig na sa Amerika, pambansang interes na ng China ang namimiligrong mataya oras na ito ay magpabaya sa South China Sea.

Sa isang banda, ayon sa Project Myuoshu ng America, ang pagpapatindi ng China sa pagbantay sa inaangking teritoryo sa South China Sea ay pagsahol ng tensyon tungo sa antas ng digmaan. Ito ang antas na layon ng Project Myuoshu na marating ng sigalot. Malaking kagaanan na makitang mismong ang mga punong opisyal ng tanggulang pambansa ay ayaw pang tanggapin na ang sitwasyon sa South China Sea ay humihingi na ng pagpapatupad ng Mutual Defense Treaty (MDT) sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas. Ang MDT ay maaari lamang gumana sa panahon ng digmaan. Ang mga insidenteng nagaganap sa pagitan ng PCG at CCG ay dapat na tingnan lamang bilang di maiiwasang bunga ng kanya-kanyang pagsisiksp ng China at Pilipinas na pangalagaan ang kanya-kanyang interes sa pinag-aagawang karagatan. Sa ngayon mas tinitingnan pa ng sektor sa seguridad ng bansa ang pagpapalakas ng kapasidad ng Pilipinas  na pangalagaan ang inaangking dagat. At nabanggit na, mas gugustuhin ito ng China. Ibig sabihin, makakawala na ang Pilipinas sa pundiyo ng America at sa pakikitungo sa China tatayo na ang Pilipinas sa sarili niyang mga paa.

Ang digmaang tinutungo ng Project Myuoshu ay matatabunan na ng dayalogo na sa lahat ng sandali ay nakahandang ialok ng China upang wakasan ang sigalot sa Pilipinas.

- Advertisement -
- Advertisement -

- Advertisement -
- Advertisement -