NANAWAGAN ang Department of Agriculture Cordillera (DA-CAR) sa mga pamahalaang lokal na tumulong sa pag-monitor sa harvest period ng mga magsasaka upang matulungan ang mga ito na maibenta ang kanilang mga produkto at maiwasan ang pagtatapon sa mga gulay lalo na kung sobra ang suplay.
“Dagiti kuma LGUs ket tumulong da iti panangi-report tapnu masapsapa kuma ta ditoy Department of Agriculture, nu adda man ti kasjay, ti mabalin nga maipaay mi ket logistics, adda met ti truck tayo nga mabalin nga ag-haul kadagitoy mula da ken mangi-link kadagitoy market [Tumulong sana ang mga LGUs sa pag-report nang maaga dahil dito sa Department of Agriculture, kapag may ganoon, ang maaari naming maibigay ay logistics, may truck naman tayo na maaaring humakot sa mga produkto at mai-link sa mga market],” ani Lito Mocati ng DA-CAR na siya ring DA Benguet Agricultural Program Coordination Officer.
Ani Mocati, may mga naitatag na Kadiwa Centers at may mga merkado sa Metro Manila kung saan maaaring ideliber ang mga gulay gamit ang vegetable truck ng ahensiya.
May mga farmers’ organizations na rin na ni-link ang DA-CAR sa mga buyers sa Metro Manila at Bulacan kung saan, ang vegetable truck ng ahensiya ang mismong humahakot sa gulay ng mga magsasaka.
Matatandaang kamakailan ay kumalat ang larawan at video ng mga itinapon na kamatis dahil sa dami ng suplay. May isang truck din ng wombok na ipinabigay na lamang ng mga magsasaka dahil sa bagsak na presyo nito.
Ayon kay Mocati, sa isang virtual meeting nitong Miyerkules ay napagkasunduan ng mga pamahalaang lokal, farmers’ representatives, at mga kinauukulang ahensiya ng Regions 1, 2, 3, at CAR na magpulong upang pag-usapan kung paano malulutas ang naturang suliranin.
“Kitaen da ti production area ken season of planting. Agtutulag dan ah tapnu saan nga agsasabay ti panagmula tapnu continues ti production, at least ma-sustain diyay price [Titingnan nila ang production area at season of planting. Pag-uusapan nila upang hindi sila sabay-sabay na magtanim at continuous ang produksyon, at least, mapanatili ang price],” ani Mocati.
Aniya, posibleng pag-usapan ng mga ito ang pagpapatupad ng crop programming upang mabalanse ang produksyon at hindi babagsak ang presyo ng mga gulay.
Binanggit ni Mocati na noong early 2000 ay umikot sila sa Benguet; Tinoc, Ifugao; at Bauko, Mountain Province para sana sa crop programming ngunit naging malaking hamon ang pagkumbinsi sa mga magsasaka na sumunod sa naturang sistema.
Umaasa si Mocati na magkakaroon ng konsultasyon sa mga kinauukulan para pa rin sa implementasyon ng programa at upang malaman kung kinakailangan ng ordinansa para rito.
Sa price monitoring ng Benguet Agri-Pinoy Trading Center as of 10:00AM nitong Biyernes (Disyembre 15, 2023), ang wholesale price per kilo ng wombok ay naglalaro sa 8-13 pesos depende sa size, ang repolyo ay nasa 5-16 depende sa klase, ang radish long ay nasa 1-7 pesos, ang carrot ay 10-30 pesos, at ang sayote ay nasa 3-9 pesos depende sa klase. Nananatili namang mataas ang presyo ng patatas na nasa 45-90 depende sa size at klase. (DEG-PIA CAR)